Nakarinig ako ng malakas na tunog ng sinuntok. Muli akong napakunot nang sinundan ito ng mga hagikhikan sa palibot.

"Tanginamo, 'yan ang napapala mong Aswang ka! Mabuti nga sa 'yo. Kulang pa nga sa 'yo 'yan. Dapat talaga sa 'yo iginigisa sa bawang hanggang matunaw! Ang kulit kasi. Tayo na nga! Pabayaan mo na kasi ang panginoon d'yan!"

"Eh..."

"Ay oh, panginoon, ayaw sumama sa 'min!"

"Alis sabi!"

Sinundan ito ng tunog ng malakas na pagsipa. Muli itong sinundan ng mga hagikhikan sa palibot.

"Sabog na ang bunganga mong Aswang ka, gusto mo pang madagdagan?"

"Oo na, sasama na nga ako. Pero dumaan muna tayo sa pistahan sa kabilang nayon."

"Bakit?!"

"Balita ko, marami raw bisita ro'ng mga taga Maynila. Tamang-tama. Tsibog! Nagugutom na ako eh!"

"Ayoko ro'n maingay!'Tong mga Tik-tik ang isama mo! Tutal, pare-pareho naman kayong mga Aswang at pare-pareho rin kayong matatakaw, kayo na lang ang pumunta ro'n. And besides, I'm vegetarian."

Muling may naghagikhikan sa palibot.

"Tadong Tikbalang 'to, pasusyal pa." humalakhak ito, "May pa-ingles-ingles pa...'And besides, I'm vegeterian!'" tila may halong pangungutya ang huling tinuran nito.

"Inggit ka lang! Basta ako, uuwi na ako sa kampo."

"Ikaw rin. Maraming magagandang dalaga ro'n na may mabibilog na pwet at hita!"

"Siyanga?"

"Oo, kaya halika na! Malay mo, maiuwi mo ang isa."

"Hmp. Sige na nga! Pero saglit lang tayo ro'n ha?! Ayoko ng maraming ilaw eh. Ayoko rin sa mga paputok at mga kuwitis! Ewan ko ba naman kasi sa mga tao. Walang paki kahit mabawasan ang mga daliri makapagpaputok lang ng labintador!"

"Hmp. Bahala ka na nga! Lumakad ka na nga lang mag-isa mo! Dami mong ayaw! Kayo na yatang mga Tikbalang ang pinakamaaarte sa lahat ng uri ng maligno!"

Sinundan ito ng pinaghalong mga yabag ng mga bumababa mula sa bubungan, at tunog ng papalayong pagliliparan ng mga ibon o paniking tila may malalaking pakpak. Muling umalulong ang asong ulol kaya muli ring nagsitindigan ang mga balahibo ko;  gayun din ang mga hibla ng mga buhok ko sa anit.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Tumahimik na ang paligid at nakabibingi ito. Ngunit hindi pa rin mawala-wala ang kaba sa aking dibdib dahil sa lakas ng aking pakiramdam na may nakamasid pa rin sa akin mula sa itaas. Dahil sa sumisidhing takot, hindi ko na naipagpatuloy pa ang pagro-rosaryo. Nagmadali na akong gumapang sa ibabaw ng papag, pinatay ang gasera sa gilid at saka nanginginig na nagtalukbong ng kumot.

Ilang minuto lang ang lumipas, nakakuha ako ng lakas ng loob na ibaba ang kumot upang silipin ang bubungan. Lalong nanlamig ang buo kong katawan nang sa kabila ng kadiliman'y may naaninag akong isang pares ng mga matang nakisilip sa isang makipot na siwang ng bubong na sawali. Nakatitig ito sa akin; kumukurap din ito paminsan-minsan. Muli akong nagtalukbong, ngunit muli ko rin namang sinilip ito pagkaraan ng mahigit pa sa limang minuto. Wala na mga mata sa pagsilip ko, bagama't hindi naman nawala ang pangamba sa aking diwa...

Sino kaya 'yun?

'Yun din kaya 'yung naniniktik sa akin sa kakahuyan?

Paano kaya ito nakakatambay sa mahuna kong bubungan nang hindi man lang ito nasisira o bumibigay?

Inisa-isa ko ang mga salitang naulinigan kong tawag ng mga nag-usap sa isa't isa:  Aswang...Tikbalang...

Aswang at Tikbalang...ngiii...totoo nga kayang dumarami na sa baryo namin ang nabibiktima ng mga Aswang at dinudukot ng mga Tikbalang?

At sino kaya ang tinatawag nilang Panginoon?

Isang Aswang din kaya ito?

Ito kaya ang nasa bubungan ko?

Kung s'ya nga ang nasa bubungan ko, ano naman kayang kailangan nito sa akin? Hindi naman ako buntis...pero kunsabagay, may mga atay at balunbalunan ako. Hindi kaya ang mga atay at balunbalunan ko ang pinupuntirya nito?

Naku...kailangan ko na yatang dagdagan ang mga bawang at asin dito sa munting kubo ko. Ang kaso...baka pati naman mga kapatid ko sa ama na sina Hera, Thea at Dalia'y hindi na makapasok sa bahay ko.

Ano bang dapat kong gawin para hindi na tambayan ng masasamang elemento ang bubungan at palibot ng kubo ko?

Hmmm...

Aha!

Alam ko na!

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon