Ikalabing-anim na Kabanata

317 73 8
                                    

Ikalabing-anim na Kabanata

Kinabukasan ay agad kong hinanap si Jairo. Nakita ko siya sa classroom namin. Nilapitan ko siya at napatingin siya sa akin. Ngumiti ako, 'yong pa-cute na ngiti, pero parang wala lang sa kanya.

"Sydney, ano na naman ba'ng ginagawa mo?" May bahid ng inis ang tono ng boses niya.

Bakit gano'n? Dalawang araw na ang lumilipas . . . bakit hindi pa rin umeepekto kay Jairo ang kapangyarihan ng pulang talulot?

Dumating ang oras ng tanghalian at nagtataka ako dahil hindi ako kinakausap nina Kimmy, Louela, at Irene. Hinanap ko sila sa usual table namin sa canteen pero wala sila ro'n. Kumain tuloy akong mag-isa. Nasaan kaya ang mga babaeng 'yon? Tiningnan ko ang cell phone ko dahil baka may text sila, pero wala rin.

Pagkatapos kong kumain ay umalis na agad ako sa canteen. Pero bago 'ko tuluyang makalabas ay napatingin ako sa mga babaeng nagtatawanan sa kanang parte ng canteen. Malaki kasi itong canteen namin, may mga upuan at mesa sa magkabilang gilid at nasa gitna ang bilihan ng pagkain.

Lumapit ako sa mga babaeng nagtatawanan dahil pamilyar sa akin ang mga boses nila. Nang makalapit ako ay nakumpirma kong tama nga ako, kina Kimmy, Irene, at Louela ang mga boses na 'yon. At hindi lang sila ang magkakasama, kasama rin nila si Jorina.

Lalapitan ko na sana sila nang marinig ko kung ano ang pinag-uusapan nila. Ay, hindi pala 'ano' kung hindi 'sino.'

"Nagtitiis lang kaya kami sa kanya. Ayaw naman talaga namin siyang makasama dahil hindi naman siya tunay na mayaman. Yumaman lang siya dahil nanalo sila sa lotto. She's not born as a rich kid," maarteng sabi ni Irene.

"Yah! But actually, I like her. Kasi she bought me the dress na gustong-gusto ko. Ang tagal ko nang gustong bilhin 'yong dress na 'yon but ayaw ni Momma dahil mahal daw," konyong sabi ni Louela.

"So, paano 'yan? E di wala nang bibili ng dress para sa 'yo?" natatawang tanong ni Jorina.

"Well . . . because ikaw na ang new friend namin, baka naman puwedeng bilhan mo 'ko kahit isa?" sagot ni Louela saka sila nagtawanan.

Nanlumo ako sa mga narinig ko. Alam kong pinaplastik lang nila ako, lalo na si Kimmy, pero nakaramdam pa rin ako ng sakit sa mga narinig ko. Umasa kasi 'ko na kahit papaano ay magbabago na talaga ang pakikitungo nila sa akin, na kahit papaano ay magiging magkakaibigan na kami, na kahit unti-unti e mawawala ang inggitan at plastikan sa aming apat. Pero nagkamali ako. Umasa ako sa wala.

"Pineperahan lang naman namin si Sydney. You know, ayokong mabawasan ang savings ko. Lalo na kapag nalaman ng mommy at daddy ko na sa bar ko gagamitin ang pera ko. Baka lalo nilang bawasan ang allowance ko," sabi naman ni Kimmy.

"Pero ayaw mo talaga sa kanya?" tanong ni Jorina. Tumango naman ang tinatanong niya. "Dahil ba 'yon kay Jairo?"

"Yep! I really like Jairo, pero hindi ako makalapit sa babe ko dahil sa babaeng 'yon. Lagi akong iniiwasan ni Jai babe dahil alam niyang ayoko sa best friend niya. Kung wala ang babaitang 'yon, baka kami na ni Jairo noon pa."

"Apir tayo d'yan!" Nag-apir sina Jorina at Kimmy. "She's also my reason kung bakit hindi ako makalapit noon kay Jairo. Mabuti na lang talaga at pareho kaming mahilig sa arts kaya kahit papaano ay naging close kami. Pero . . . may gusto si Sydney kay Jairo, 'di ba? Halata naman 'yon sa mga kilos niya."

Tumango-tango si Kimmy. "Oo, may gusto siya sa Jairo natin. Pero asa naman siya na magugustuhan din siya ni Jairo."

Hindi ko na napigilan ang sarili ko kaya lumapit na ako sa kanila.

"So gano'n pala talaga ang tingin n'yo sa akin?"

Pare-pareho silang nagulat sa biglaan kong pagsulpot sa gilid nila. Pero agad din silang nakabawi at nagngitian.

"Ohh! Narinig mo pala ang usapan namin!" nakangiting wika ni Irene.

"Homegas! I'm sorry, my friend. Hindi namin sinasadyang marinig mo ang usapan namin. But anyway highway, you're right. Gano'n ang tingin namin sa 'yo," sabi naman ni Louela.

Nanginginig ang kamay ko na sinampal si Louela. Napasinghap naman 'yong tatlo. Tumayo si Louela para gumanti at ilang saglit lang ay naramdaman ko na ang palad niya sa mukha ko.

Gaganti sana ako nang hawakan ni Jorina ang braso ko. Nilingon ko siya.

"Masakit ba, Sydney? Masakit bang malaman na ang mga kaibigan na inakala mong totoo sa 'yo ay pinaplastik ka lang pala talaga?" mariing tanong ni Jorina.

Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin saka ibinaba ang aking kamay.

"Masakit ba 'ka mo? Hindi. Because in the first place, alam ko namang pinaplastik lang nila ako. Alam ko namang pineperahan lang nila ako. Sinakyan ko lang sila dahil gusto kong ipamukha sa kanila na mas mayaman ako sa kanila! Na ang dating binu-bully nila ay siyang kinakapitan nila para makuha ang mga gusto nila! O, e, 'di ba't gano'n nga ang nangyari?"

Tiningnan ko sina Kimmy saka inirapan.

"If I know, inggit na inggit sila sa akin dahil may kalayaan ako na gamitin ang pera ko. E, sila? Istrikto at istrikta ang mga magulang nila. Wala silang kalayaan, hindi gaya ko. And about Jairo . . . kayo ang huwag umasa na mapupunta siya sa inyo dahil sa huli, sa akin pa rin siya babalik. Because again, in the first place, ako ang best friend niya!"

Tinalikuran ko na sila saka naglakad palayo. Pero nakakailang hakbang pa lang ako ay huminto ako sandali saka muli silang nilingon.

"And by the way, ingat kayo, ha? Bawal na kasi ang plastik sa panahon ngayon."

Friendship over? Yep, it's over. Si Jairo lang talaga ang kaibigang makakaintindi sa akin.

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon