Unang Kabanata

1.3K 130 19
                                    

Unang Kabanata

"Ayoko na! Sawang-sawa na ako sa buhay na 'to!" sigaw ko at saka lumabas ng bahay.

"Hoy, Sydney Spelman! Bumalik ka nga rito! Huwag mo akong layasan!" tawag sa akin ng nanay ko pero hindi ko siya pinakinggan. Nagdire-diretso lang ako sa paglalakad palayo sa bahay namin.

Ayoko na! Sawa na ako sa buhay na meron kami! Ayos naman ang buhay namin noon, e—noong bago pa magkasakit si Nanay. Pero mula noong nagkasakit siya ay naghirap na kami. Naubos ang lahat ng ipon namin sa banko at nahihirapan akong mag-adjust kahit na mahigit dalawang taon na 'yon. Gumaling naman si Nanay, pero mas malaking pagsubok pala ang haharapin namin.

Patuloy lang ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hanggang sa maisipan kong sumakay ng tricycle at nagpahatid ako sa bayan. Pagdating doon ay dumiretso 'ko sa park.

Bilang kabataan, marami akong luho sa buhay. I'm a Grade 12 student, Arts and Design ang track ko, at hindi ako sigurado kung makakapag-college pa ba ako. Nahihirapan ako sa buhay namin dahil bukod sa mga project sa school ay hindi ko na nabibili ang mga gusto ko sa buhay, dumagdag pa ang mga gamot ni Nanay. Karpintero ang tatay ko at labandera naman ang nanay ko at hindi sapat ang kinikita nila para masustentuhan ang mga gastusin sa bahay at sa pag-aaral ko. Alam ko naman kung ano ang dapat unahin kaysa sa luho pero inggit na inggit na ako sa mga kaklase ko na nakukuha ang mga gusto nila sa buhay. Kabataan din naman kasi 'ko, hindi ko maiwasang hindi mainggit sa ibang tao.

Naupo ako sa isang bench at tuluyan na akong napaiyak nang marinig ko ang pagkalam ng sikmura ko. Hindi pa nga pala ako kumakain mula kaninang tanghali dahil kinulang ang baon ko. May binayaran kasi 'kong handouts para sa isang subject namin.

"Alam ko kung ano ang problema mo."

Halos mapatalon ako sa gulat nang makarinig ako ng isang boses ng babae. Tumingin ako sa gilid ko at nakaupo sa kabilang dulo ng bench na kinauupuan ko ang isang napakagandang babae. Sa tingin ko'y nasa twenty-five pa lang ang edad niya. Makinis ang kanyang balat, matangos ang ilong, mapula ang labi, at nakasuot siya ng itim na bestida na lalo pang nagpalutang sa maputi niyang balat. Bigla akong nanliit sa sarili ko. Brown kasi ang kulay ng balat ko, makapal ang kilay, medyo makapal ang nguso, pango ang ilong, at may kulot na buhok. Mata nga lang yata ang maganda sa akin, e.

Kumunot ang noo ko at napatigil ako sa pag-iyak nang mapagmasdan ko ang mga mata ng babaeng ngayon ay nakatingin at nakangiti sa akin. Kulay pula . . . kulay pula ang mga mata niya na para bang apoy na nag-aalab.

"S-sino ka?"

Hindi niya sinagot ang tanong ko, at may sinabi siya na nakapagpatanga sa akin.

"May alam akong paraan kung paano masosolusyonan ang mga problema mo."

"H-ha?"

Sa kabila ng kagandahan niya ay napakatapang ng kanyang boses. Hindi bagay para sa isang magandang babae na kagaya niya.

"Gusto mong mabago ang buhay mo, hindi ba? Sawa ka na sa buhay na mayroon ka."

Tuluyan na akong napatanga. "P-paano mo nalaman 'yon? S-sino ka ba?!"

Kinabahan ako. Sino ba ang babaeng 'to? Bakit alam niyang nagsasawa na ako sa buhay na meron ako?

Ngumiti siya saka inabot sa akin ang isang kakaibang bulaklak na nakalagay sa isang vase na babasagin. Ang bulaklak ay kahawig ng isang rosas, at nasabi kong kakaiba ito dahil sa iba't ibang kulay ng mga talulot nito. Anim ang talulot nito at magkakaiba ang mga kulay—asul, berde, lila, pula, puti, at itim.

"Bawat kulay ay may katumbas na kahilingan," sabi ng babae at inabot sa akin ang isang makalumang papel. Pinagmasdan ko 'yon habang pinakikinggan ang babae. "Basahin mo muna ang kahulugan ng bawat kulay bago ka humiling. Ang paghiling ay may proseso, nakasulat iyon sa likuran ng papel."

Tumingin ako sa kanya. "B-bakit mo ibinibigay sa akin 'to? At s-sino ka ba?"

"Ako si Rosaria. Ibinibigay ko sa iyo ang bulaklak na iyan dahil alam kong kailangan mo iyan." Muli siyang ngumiti pero sa pagkakataong iyon ay kakaiba ang ngiting ipinakita niya. Nakakatakot. Nakakakilabot.

Tumayo si Rosaria. "Siguraduhin mong susundin mo ang proseso ng paghiling para matupad ang iyong kahilingan. Siguraduhin mo ring walang makaaalam ng tungkol kay Rosa."

"Rosa?"

"Iyon ang pangalan ng bulaklak na hawak mo. Ang huling talulot na gagamitin mo ay ang puting talulot o ang itim na talulot. Isa lang ang maaari mong gamitin sa dalawang iyon. Piliin mong mabuti kung alin ang gagamitin mo dahil . . ." huminto siya sandali at saka tumingin sa akin habang nakangisi, ". . . buhay ang kapalit nito."

Magsasalita pa sana ako nang biglang humangin nang malakas. Napayakap ako sa vase at napahigpit ang hawak ko sa papel.

"At may isa pa akong paalala," muli kong narinig ang tinig ng magandang babae. "Hindi pangkaraniwang bulaklak si Rosa. Ingatan mo siya dahil siya ay aking alaga."

Napapikit pa ako nang lalong lumakas ang hangin. Ilang sandali lang ay huminto na ang hangin at sa muling pagdilat ng mga mata ko ay wala na si Rosaria. Saan siya nagpunta? Hindi kaya tinangay siya ng hangin?

Loka! Nakita mo siyang naglaho na parang bula bago ka pa mapapikit, Sydney! Huwag kang tatanga-tanga!

Napatingin naman ako sa vase na hawak ko at namangha nang makitang nagliliwanag ang bulaklak. Napatitig ako rito at biglang pumasok sa isip ko ang mga huling salitang binitiwan ng magandang babae bago humangin nang malakas.

"Mababago ni Rosa ang buhay mo. Pero mag-ingat ka sa paggamit nito at huwag mong hahayaang lamunin ka ng kapangyarihan, dahil sa oras na kainin ka nito, isang buhay ang magiging kapalit."

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon