Ikaanim na Kabanata

444 100 36
                                    

Ikaanim na Kabanata

"So friend, saan naman tayo mamaya?" tanong sa akin ni Louela.

Nagtaka naman ako. "Mamaya? Bakit? Anong meron?"

"Hindi mo ba uli kami ililibre? Graduating na tayo, 'no! Dapat sinusulit na natin ang mga araw na magkakasama tayo."

"Oo nga, Sydney. Saka marami ka pa naman sigurong naitatagong pera, 'di ba?" tanong naman ni Irene.

"Ay! There's a new bar sa may bayan, bakit hindi natin i-try?" suhestiyon ni Kimmy.

"Bar?" tanong ko. "Nakapunta na kayo sa bar?"

"Yeeep! Maraming beses na kaming nakakapunta sa mga bar, 'no," sagot ni Louela.

"Pero teka, 'di ba ka-e-eighteen n'yo lang? Nagpupunta kayo ro'n kahit noong minor pa lang kayo?" nagtatakang tanong ko.

"Yup! Hay naku, Sydney my friend, wala ka pa talagang alam kung paano gamitin ang pera, 'no?" nakangising tanong sa akin ni Kimmy. "Use the power of money at magagawa mo anuman ang gustuhin mo."

Nakuha ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Alam ko na gano'n kalakas ang kapangyarihan ng pera. Kaya nga gustong-gusto ko ring magkaroon n'on dati.

"Sorry, ah. Pero hindi kasi 'ko nagpupunta sa mga gano'n."

Napalabi naman si Kimmy. "Sus! Iyon kaya ang pugad ng mga mayayamang kagaya mo."

"Hindi ako mayaman, 'no!" natatawa kong sagot.

"Kunwari ka pa, friend! E, balitang-balita na sa buong bansa na nanalo kayo sa lotto," sabi ni Louela.

"Magkano nga uli ang napanalunan n'yo? Fifty-two million pesos? Grabe, Syd! Mabibili mo na ang buong Pilipinas!" eksaheradong reaksiyon ni Irene.

Totoo 'yon. Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang manalo ang pamilya namin sa lotto. Kahapon ay nakalipat na rin kami sa bago naming bahay sa isang subdivision. Noong makuha kasi ni Tatay ang pera ay agad silang naghanap ni Nanay ng malilipatang bahay. Malapit lang din 'to sa school namin. Nakapagtabi na rin sila ng pera na gagamitin ko sa college at binigyan pa ako ni Tatay ng malaking halaga na kasalukuyang nasa bank account ko.

Oo, may pera na kami ngayon. Maraming-marami na kaming pera. At nagpapasalamat ako kay Rosa dahil tinupad niya ang hiling ko.

At oo, naniniwala na talaga akong kay Rosa galing ang lahat ng yaman namin.

Bigla ko namang naalala ang pag-aaya ni Kimmy sa bar. Oo, marami kaming pera pero hindi ko talaga gawain ang pumunta sa bar at uminom ng alak. Hindi rin naman kasi umiinom ng alak ang mga magulang ko kaya hindi ko pa talaga nata-try 'yon kahit isang beses.

Nagtataka nga ako noon kung bakit hindi umiinom si Tatay, sinabi niya sa akin na dagdag gastusin lang daw 'yon. 'Yong perang ipambibili niya ng alak, ipambibili na lang daw niya ng pagkain, at isa 'yon sa mga bagay na ikinatutuwa ko sa tatay ko, na siya ring isa sa mga dahilan kung bakit minahal ni Nanay si Tatay. Wala raw kasi talagang bisyo si Tatay kundi ang pagtaya sa lotto.

"Mukhang ayaw talaga ni Sydney na pumunta sa bar. E di mag-shopping na lang tayo!" suggestion naman ni Irene.

"Ay! Bet ko 'yan!" pagsang-ayon ni Louela.

"At dahil kaibigan natin si Sydney, ililibre niya tayo," sagot naman ni Kimmy saka niya ipinulupot sa braso ko ang mga kamay niya.

Napakamot ako sa aking ulo. Ayokong gastusin nang basta-basta ang perang nakukuha ko. Hangga't maaari ay gusto ko iyong itabi para sa pag-aaral ko. Pero sa kabilang banda, gusto kong ipamukha sa mga babaeng 'to na mas mayaman ako kaysa sa kanila.

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon