Ikasampung Kabanata

297 84 2
                                    

Ikasampung Kabanata

Sydney Spelman

Sa pagdilat ng mga mata ko'y kisame ng kuwarto ko ang bumungad sa akin. Bumangon ako sa kama at naramdaman ko ang matinding sakit ng ulo. Napahawak ako sa ulo ko at napasabunot pa sa buhok. Argh!

"O, ano? E di masakit ang ulo mo ngayon?"

Napatingin ako sa nagsalita at nakita ko si Nanay na nakatayo sa tapat ng pintuan ng kuwarto ko.

"Inom ka nang inom ng alak kahit hindi ka naman sanay. Umamin ka nga sa akin, Sydney, ano ba'ng problema mo't nagkakaganyan ka?"

Umiwas ako ng tingin saka bumuntonghininga. "Wala po 'to. Stress lang ako."

"Stress? Tingin mo ba'y mawawala ang stress mo kapag uminom ka ng alak? Tingnan mo nga iyang kapalit ng pag-inom mo. Sumasakit ang ulo mo at hindi ka pa nakapasok sa eskuwela."

"'Nay, nakakatulong naman ang pag-inom para makalimutan ang problema kahit sandali," pangangatwiran ko.

"O sige, sabihin na nga nating nakakalimutan mo sandali ang problema mo. E, ano bang nangyayari pagkatapos? Hindi ba't paggising mo'y naaalala mo lang din naman ang mga problema mo? At nadadagdagan pa dahil sasakit ang ulo mo."

Hindi na ako sumagot dahil totoo naman ang mga sinabi ni Nanay. Kagaya na lang ngayon, naalala ko na naman kung bakit inaya ko uli sa bar sina Kimmy.

"Noong unang beses kang uminom, hindi kita sinermunan dahil naisip ko noon na baka napilitan kang uminom dahil kasama mo ang mga kaibigan mo. Inintindi ko 'yon. Pero 'yong kagabi, aba'y sumosobra ka na yata, Sydney."

Pinakinggan ko lang ang mga sermon ni Nanay. Kahit na mas lalong sumasakit ang ulo ko'y hinayaan ko na lang siya. Kilala ko naman na kasi si Nanay, kapag sumagot ako habang pinagagalitan niya ako, mas lalo lang siyang magagalit.

Pagkatapos ng ilang minuto'y napagod na yata siya kaya tumigil na siya.

"May gamot d'yan sa study table mo. Kumain ka muna ng niluto kong sopas saka ka uminom ng gamot para mawala iyang hangover mo."

Umayos na siya ng tayo saka tumalikod, handa nang lumabas nang lumingon siyang muli.

"Sydney, anak, tandaan mo na anuman iyang problema mo, nandito kami ng tatay mo para sa iyo. Kahit naman busy na ang tatay mo, lagi ka pa rin niyang inaalala. Kung hindi lang siya maraming gagawin sa trabaho, malamang ay hinintay n'on ang paggising mo't kinausap ka. Nand'yan lang din naman si Jairo para sa iyo. Kung may hindi ka masabi sa amin, kahit kay Jairo, sabihin mo. Ilabas mo sa kanya lahat ng nararamdaman mo dahil alam kong maiintindihan ka niya." Pagkatapos ay tuluyan na siyang lumabas saka isinara ang pinto.

Napatingin naman ako sa study table ko at nakitang meron ngang sopas, gamot, at isang baso ng tubig doon. Napangiti ako. I'm so lucky to have her as my mom. Kahit na sermunan pa niya ako nang sermunan, sa huli ay inaalala niya pa rin ako.

Kinain ko ang sopas saka uminom ng gamot. Pagkatapos ay kinuha ko ang cell phone ko't tiningnan kung may text ba sina Kimmy. Nakita ko namang meron kaya nag-reply na ako. Nakita ko ring may text si Jairo.

Magpahinga ka lang dyan. Mag uusap tayo mamaya. Pupunta ko dyan sa inyo.

Nag-reply ako ng sige. Naalala ko tuloy ang nangyari kagabi. Naaalala ko pa ang mga sinabi ko kay Jairo. Iyon ba ang gusto niyang pag-usapan namin? Bakit kaya? Ipagtatanggol ba niya ang babaeng 'yon? Ipagtatanggol ba niya ang nagbabalat-kayong anghel na 'yon?

Sumapit ang alas-singko. Nasa sala ako't hinihintay ang pagdating ni Jairo. Nilibot ko ng tingin ang bahay namin. Wala si Nanay, nagpunta uli sa mga kaibigan niya para makipaglaro ng mahjong. Wala si Tatay, mamaya pang gabi ang uwi niya. Halos hindi na kami nagkikita ni Tatay. Masuwerte pa nga kapag nag-abot kami tuwing umaga bago pumasok.

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon