Ikalawang Kabanata

792 119 17
                                    

Ikalawang Kabanata

Bandang alas-dose na nang makauwi ako. Tulog na ang mga magulang ko. Dahan-dahan akong pumasok sa bahay namin at saka umakyat sa kuwarto. Yakap-yakap ko pa rin ang vase at nasa bulsa naman ng short ko ang lumang papel. Itinago ko ang mga ito sa loob ng aking cabinet.

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung maniniwala ba ako o hindi sa mga sinabi ni Rosaria. Kung sakaling maniniwala ako, hindi ko rin alam kung gagamitin ko ba ang mga iyon o hindi. Natatakot kasi 'ko sa maaaring mangyari. Natatakot ako na baka dumating ako sa punto na kailangan kong gamitin ang puti o itim na talulot.

Nang maitago ko ang vase at lumang papel ay nahiga na ako sa papag na higaan ko.

***

Kinabukasan ay maaga akong nagising. Hindi kasi 'ko nakatulog nang maayos dahil sa kaiisip sa mga nangyari kahapon, 'yong pagtatalo namin ng nanay ko dahil sa pera at ang tungkol kay Rosa.

Pagdating ko sa kusina ay nandoon na ang mga magulang ko at nagluluto ng agahan.

"O, gising ka na pala, anak," bati sa akin ni Nanay.

Hindi ako sumagot. Lumapit ako sa kanya at saka ko siya niyakap mula sa likuran.

"Sorry, 'Nay. Sorry po kung nasigawan kita kahapon. Dala na lang din po siguro ng frustration sa dami ng gawain sa school, pati na sa papalapit na entrance exam sa college."

Humarap sa akin si Nanay at saka ako niyakap. "Pasensiya ka na rin, anak. Hayaan mo, gagawa kami ng paraan ng tatay mo para makapag-college ka."

"Kung gusto ay may paraan, kung ayaw ay may dahilan." Napatingin ako sa tatay ko at nakita ko siyang nakangiti sa amin ni Nanay. "Hayaan mo at mag-o-overtime ako araw-araw para madagdagan ang suweldo ko."

Pinuntahan ko si Tatay at saka siya niyakap. "Salamat po, Tatay."

Tinulungan ko sa pagluluto ng agahan si Nanay at saka kami sabay-sabay na nag-almusal. Ito ang pinakagusto kong parte ng maghapon, 'yong sabay-sabay kaming kumakain. Dito ko kasi nararamdamang kahit mahirap kami, masuwerte pa rin ako dahil kompleto kami ng pamilya ko. Masaya rin ako dahil hindi namin pinalalaki ang mga away. Tampuhan lang talaga at dala lang ng init ng ulo ang lahat.

Pagkatapos kumain ay gumayak na ako at saka naglakad papunta sa eskuwelahan namin. Mabuti na lang at walking distance lang ang pinapasukan ko kaya nakatitipid ako sa pamasahe.

Pagdating ko sa eskuwelahan ay dumiretso na ako sa classroom namin. Nandoon na si Jairo, ang best friend ko.

"Good morning, Sydney!" Binati ko rin siya at saka naupo sa katabi niyang upuan. "Mukhang puyat ka na naman, a? Lumaki na naman ang eyebags mo."

Hinampas ko siya sa braso. "Huwag kang magulo. Pinalalaki ko silang healthy." Tumawa siya at sa pagkakataong iyon ay napatitig ako sa kanya.

Magkaibigan na kami ni Jairo mula noong Grade 7 pa lang kami at mula rin noon ay crush ko na siya, dahil bukod sa guwapo siya ay masarap din siyang kasama. Pero mukhang dedma ang beauty ko sa lalaking 'to. Kainis!

"By the way, saan mo planong mag-entrance exam for college?"

Bumalik sa reyalidad ang isip ko nang marinig ko 'yon. Lumungkot ang mukha ko at tumingin na lang sa labas ng bintana. Malapit kasi sa bintana ang upuan ko.

"Hey." Hinawakan ni Jairo ang baba ko at muling iniharap sa kanya ang mukha ko. "Sabi ko naman kasi sa 'yo, hayaan mo na akong tulungan ka sa pagpasok mo sa college. Kahit 'yong pag-e-entrance exam mo lang. Hindi ko naman kasi pababayaran sa 'yo, e."

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon