Ikalabing-apat na Kabanata

340 79 33
                                    

Ikalabing-apat na Kabanata

Naglakad ako nang naglakad kahit na hindi ko alam kung saan ako pupunta. Lumagpas na rin ako sa bahay namin at ngayo'y nandito 'ko sa park, sa park kung saan nakilala ko si Rosaria. Ang lugar kung saan ko nakuha ang mahiwagang bulaklak.

Nilalamig na rin ako dahil wala naman akong dalang payong. Basa na rin ang lahat ng gamit ko pero wala akong pakialam. Kayang-kaya kong bumili ng mga bagong gamit.

Ilang sandali pa'y naramdaman ko na hindi na ako nababasa pero umuulan pa rin naman. Hanggang sa mapatingin ako sa itaas at nakitang may payong doon. Nilingon ko ang taong may hawak ng payong at nagulat ako nang makita ko si Jairo.

"Iba na talaga ang may pera, 'no? Wala nang pakialam kahit mabasa o masira ang mga gamit. Naalala ko tuloy 'yong dati kong kaibigan." Napangiti siya, isang malungkot na ngiti. "Takot na takot siyang mabasa ng ulan ang mga gamit niya kasi wala na siyang ipambibili."

"J-Jairo . . ."

Narinig ko siyang bumuntonghininga. "Halika na, umuwi ka na. Ihahatid na rin kita. Baka mag-alala pa sina Tita sa 'yo."

Hindi ako agad nakakilos. Nakatingin lang ako sa kanya. Hindi kasi 'ko makapaniwala na nandito siya. Akala ko ba'y magkasama sila ni Jorina? Halos makalimutan ko na nga ang tungkol doon.

"Nakita kitang palabas ng eskuwelahan kaya sinundan kita," saad ni Jairo.

Hindi na ako nagulat nang mabasa niya ang nasa isip ko. Sa mahigit tatlong taon na pagkakaibigan namin ni Jairo, kabisado na niya ang mga facial expression ko. Madali na para sa kanya ang basahin ang nasa isip ko.

"Ipaaalala ko lang uli sa 'yo na may pangako akong binitiwan sa 'yo." Yumuko siya para magpantay ang mga mukha namin. Nakataas pa rin ang kanang kamay niya na siyang may hawak sa payong. "Kahit na mag-away pa tayo o magalit ka sa akin, kahit kailan ay hinding-hindi kita iiwan. Kahit kalian ay hinding-hindi ako mawawala sa tabi mo. Ikaw lang naman ang nawala, Syd, nandito pa rin naman ako. Palihim na sumusunod sa 'yo. Binabantayan ka nang patago."

Hindi ako nakasagot. Nakatingin lang ako sa mga mata niya, gano'n din naman siya sa akin. Hanggang sa hindi ko na napigilan ang sarili ko.

Umiyak ako. Umiyak ako sa harapan ni Jairo.

Umiiyak man ay nakita ko siyang umayos ng tayo at saka inilapit ang mukha ko sa tiyan niya. Yumakap din ako sa kanya kaya literal na umiiyak ako sa tapat ng tiyan niya. Hinahaplos naman niya ang ulo ko kaya mas lalo akong naiyak.

Mula noong nag-away kami ay ngayon lang uli ako umiyak sa kanya. Hindi ko na kasi mapigilan ang mga luha ko. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Parang gusto ko na lang maglaho na parang bula. Ginusto kong yumaman, ginusto kong magkaroon ng ibang kaibigan, ginusto kong mawala ang nararamdaman ko para sa best friend ko, pero bakit ganito ang naging resulta? Bakit ganito ang mga nangyari? Bakit ganito ang naging epekto ng mga hiniling ko?

Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nasa gano'ng posisyon at kung gaano katagal akong umiyak. Hindi pa rin tumitila ang ulan.

Pagkatapos kong maibuhos ang mga luha ko ay parang nakahinga ako kahit papaano. Medyo nabawasan ang bigat na nararamdaman ko.

Hinila na ako ni Jairo at saka itinayo. Inakbayan niya ako at sabay kaming naglakad pauwi sa amin. Tahimik lang kaming naglalakad. Marami akong gustong sabihin sa kanya pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Nahalata ko ring naiilang siya sa akin base na rin sa pagkilos at paghinga niya, pero nanatili siyang nakaakbay sa akin habang hawak ang payong sa isang kamay. Naiilang siguro siya dahil medyo matagal din kaming hindi naging ganito kalapit sa isa't isa.

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon