Ikapitong Kabanata

Magsimula sa umpisa
                                    

"Masasanay ka rin. Kailangan mo lang dalasan ang pag-inom," sabi uli ni Kimmy at muli niyang nilagyan ng laman ang baso ko.

Muli kong ininom 'yon saka sumigaw. "Let's start the party!!!" naghiyawan din naman ang tatlo kong kaibigan.

Simulan na ang party! Simulan na ang panandaliang paglimot.

***

Sayaw rito. Inom doon. Napapasigaw na rin ako habang sumasayaw. Hindi ako nagpupunta sa dance floor at hindi ako lumalayo sa bar counter. Mahirap na, hindi pa naman ako sanay sa ganito at hindi ko pa rin naman alam kung anong klase ng mga tao ang maaari kong makasalamuha.

Nakararami na rin ako ng inom. Nararamdaman ko na rin ang sakit ng ulo ko. Hindi naman ako iniiwan ni Kimmy, siguro dahil alam niyang hindi pa ako sanay uminom. Sina Louela at Irene naman ay may mga kasama nang lalaki. May mga lumalapit din naman sa amin ni Kimmy pero tinatarayan lang sila ng kaibigan ko kaya lumalayo rin sila agad.

Nang maramdaman ko na ang sobrang pananakit ng ulo ay naupo muna ako sa isang stool.

"Ma'am, mukhang nahihilo ka na, a?"

Napatingin ako sa bartender na kumausap sa akin. Hindi ko siya nagawang sagutin sa sobrang hilo. Nakita ko na may inilapag siyang baso na may lamang alak pero iba ang kulay nito sa iniinom ko.

"Special drink for you, miss beautiful." Napatingin ako sa kanya at nakita kong nakangiti lang siya sa akin.

Kinuha ko ang basong ibinigay niya saka ininom ang laman n'on. Mas mainit ito sa wine na iniinom ko at para bang mas nahilo 'ko. Parang gusto nang pumikit ng mga mata ko at matulog.

"Masarap po ba, Ma'am?"

Napatingin akong muli sa bartender at nakangiti pa rin siya sa akin. Pero bakit gano'n? Parang may kakaiba sa ngiti niya. Iba sa nakita ko kanina—nakakatakot, nakakakilabot. At ang mga mata niya . . . pamilyar. Parang mata ni . . . Rosaria.

Umiling ako. Nahihilo na talaga ako, kung ano-ano na'ng nakikita ko.

***

Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko hanggang sa mapadilat na nga ako. Nang mapagmasdan ko ang kisame ay napabangon ako agad at naramdaman ko ang pagkirot ng aking sentido.

"Aray!" Naramdaman ko na naman ang pananakit ng ulo ko.

"Sydney? Gising ka na ba?" rinig kong sigaw ni Nanay mula sa labas ng kuwarto ko.

Hindi pa ako sumasagot pero pumasok na siya.

"Gising ka na pala. Heto ang tsaa, inumin mo ito para mawala ang hangover mo." Kinuha ko naman ang tasa. "Tulog na tulog ka kagabi nang ihatid ka ng mga kaibigan mo. Napainom daw kayo nang kaunti at nahilo ka agad. Ikaw talagang bata ka, hindi ka naman sanay uminom."

"Sina Kimmy po ba ang naghatid sa akin?" tanong ko nang hindi pinapansin ang sermon niya.

"Oo, sila nga. Mababait naman pala ang mga bago mong kaibigan, anak. Pero sana huwag ka nang aabutin uli ng madaling araw sa pag-uwi, ha?"

Napatingin ako kay Nanay habang umiinom ng kape. Pagkatapos kong uminom ay saka ako nagsalita. "Madaling araw na po ba ako nakauwi?"

"Oo. Napasarap daw ang kuwentuhan n'yo sabi ni Kimmy kaya hindi n'yo na napansin ang oras."

Tumango na lang ako saka muling uminom ng kape. May inabot ding gamot sa akin si Nanay para mawala ang sakit ng ulo ko.

"Magpahinga ka na lang muna riyan at matulog. Mabuti na lang at Sabado ngayon, wala kang pasok." Tumayo na si Nanay. "Aalis muna ako, ha? May pagkain din naman doon sa kusina kung sakaling magugutom ka."

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon