C47: The Fall of the Pillar

98.8K 1.9K 634
                                    




"He lies."

--------------------------------------------x

RAPHAEL'S POV


HINDI MAPAKALI ANG LAHAT habang nakapila ang buong high school students ng Laketon Academy dito mismo sa loob ng gymnasium. Ginulat ni Mr. Laketon ang lahat sa inilagay niya at inanunsyo niya— ang tungkol sa isang malaking event na ilang taon na ring hindi pinagdidiwang. Ang mas nakakapagtaka, maglalaan pa siya ng isang gabi dito mismo sa Academy para sa isang engrandeng party.

Pumunta sa harap ang isa sa mga matataas na posisyon sa eskwelahan at may hinandang malaking screen para sa projector. Pumwesto siya sa gilid habang nakatayo nang tuwid at ilang sandali ay nag-play na ang video.

Nakita namin doon sa video si Mr. Laketon na nagsasalita. Ang sinasabi niya ay ang tungkol sa plano niya lalo na ang tungkol sa party, kung kailan ito, kung ano ang dapat abangan dito at kung anu-ano pa.

Ngunit biglang nag-iba ang nasa harapan naming lahat. Naging itim muna ang buong screen hanggang sa nag-play ulit ito. Si Mr. Laketon pa rin ang nakit namin. Ngunit iba na ang sitwasyon sa video, may kasama na siya at nakatali si Mr. Laketon sa isang upuan habang naka-blindfold.

Nakasuot ng maskara ang kasama niya sa video. Isang maskara na pati ang buhok hanggang sa batok at sakop. Nakasuot rin siya ng makapal na jacket at mayron siyang hawak na ... malaking kutsilyo.

Napakunot ang noo ko sa sumunod na eksena. Habang tahimik na nakaupo si Mr. Laketon ay ginagala ng nasabing tao sa likuran niya ang kutsilyo sa leeg ng Presidente ng eskwelahan. Agad na nagsibabaan ang ilang admin at staff na nasa stage upang itigil ang video ngunit bago pa nila nagawa iyon, nasaksihan na namin ang paggilit sa kanyang leeg.

Agad na nagkagulo sa loob ng gymnasium. Madaming hindi mapakali. Madaming nagtataka. Madaming sumisigaw at mayroon din namang mga estudyante na hindi pa rin makaalis sa kinatatayuan nila at tanging pagtitig lang sa malaking screen ang nagagawa—katulad ko.

Hindi ko lubos maipasok sa isipan ko ang nangyari, ang nasaksihan ng lahat. Namatay na si Mr. Laketon? Sino ang gumawa nito?

Napatingin ako kay Blake. Nasa may gilid lang namin sila at tulad ko, nakatayo lamang siya. Ngunit ang pagkakaiba, nakangiti siya.

Sinong anak ang mapapangiti kahit na nakita niya sa mismo niyang harapan ang pagpatay sa sarili niyang ama?

Lumapit sa amin si Sir Buendia at sinabing, "Dumiretso na kayo sa classroom. May meeting na magaganap. Maari na kayong umuwi kung gusto nyo." Humihingal siya at halatang nagulat rin.

Pinapila ko muli ang buong klase ngunit sa inaasahan ko, karamihan ay hindi sumunod sa akin. Para sa kanila, hindi na ako dapat pagkatiwalaan pa. Ngunit tulad ng sinabi ni Sir Buendia, dumiretso ang 3-C sa classroom.

***


Tahimik sa loob at wala ni isang balak magsalita. Tumayo ang iba sa amin at hinanda ang mga gamit nila, mukhang uuwi na. Masyadong mabilis ang nangyari. Sino naman kaya ang may pakana 'nun? Bakit kailangang sa harap pa ng lahat ipakita ang nangyari?

Napalingon ako kay Spade na nakatulala sa hawak niyang lapis at iniikot-ikot ito sa kanan niyang kamay. Ilang beses rin siyang napapakagat sa labi at para bang ilang sandali ay mapapaluha siya.

Nagsialisan ang iba at iilan na lang kami na natira dito sa loob hanggang sa lumapit sa akin si Sapphire na iika-ika pa rin. Kumunot ang noo ko. Halata na umaarte lang siya ngunit bakit?

"Itutuloy pa rin ang plano. Sigurado akong hindi iuurong ang party."

Hindi ko alam kung ano ang nasa isipan talaga ni Sapphire at iyon ang naisip niyang plano. Delikado. Paano kung maunahan kami? Paano kung mapahamak siya?

Class 3-C Has A Secret 2 | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon