Picture Frame

1K 61 17
                                    

[Trigger warning.]

Sana alam ko na lang kung paano ko maiibsan ang sakit na nararamdaman ng anak ko.

Gumising ako ng maaga para maipagluto ng almusal ang aking mga anak. Talagang ipinagbilin ko sa mga kasambahay na bumili ng tapa para maluto ko ang paborito ni Daniel. Hindi na kasi siya masyadong kumakain nitong mga nakaraang araw. Alam ko naman kung bakit, at naiintindihan ko kung bakit siya nagkakaganito. Ngunit hindi maiaalis sakin na mag-alala para sa panganay ko.

Kaya ganun na lang ang gulat ko noong makita ko si Daniel sa hapag. Dahan-dahan kong inilapag ang bagong lutong tapa para sa tapsilog, pinakikiramdaman ang mood ng aking panganay. Mukha naman siyang maayos, mas maayos kaysa sa mga nakaraang araw. Kahit pa kinukusot niya ang namumula niyang mata, alam kong nakatulog siya ngayong gabi dahil naibsan ang itim sa ilalim ng mga mata niya.

"Good morning anak."

"Good morning, Ma."

Nagpalitan ng tingin ang mga nakababata kong anak. Medyo namumutla si JC, ang pumangalawa kay Daniel. Nakayuko at nailing naman si Magui, ang pangatlo at panganay sa babae. Ngunit sa kanilang lahat, si Carmella lamang, ang bunso, ang may lakas ng loob na hawakan ang kamay ng kaniyang kuya.

"Kuya, kain ka na. pinagluto ka ni Mama ng tapa."

Ngumiti si Daniel kay Carmella. Isang bagay na ang tagal kong hindi nakita. Tumango siya at saka nilapag ang isang pilak na picture frame sa tabi ng kaniyang baso. Sabay-sabay na napabuntong hininga ang aking mga anak. Dahan-dahang inayos ni Daniel ang picture frame na naglalaman ng larawan ng isang babaeng para ko na ring anak.

"Paborito rin ni Kath yung tapa." Masaya niyang kumento.

Hindi ko na napigilan ang umiyak. Pitong araw. Pitong araw nang kinakausap ni Daniel ang larawan ni Kathryn. Mula sa umaga, pagbangon, kasama at kayakap sa pagtulog. Hindi ko alam kung paano ko matutulungan ang anak ko, hindi ko alam kung paano siya mahihila pabalik sa katotohanan na kahit anong mangyari, hindi nababalik ang babae sa litrato. Hindi na babalik ang Kathryn niya.

"Anak..." Panimula ko. Ngunit tinapunan niya ako ng malamig at matalim na tingin, na para bang alam niya kung ano ang gusto kong sabihin.

"Ma." Mariin niyang sabi. "Paborito ni Kath yung tapa."

Mabait at malambing na bata si Daniel. Kahit kailan, hindi niya kami pinabayaan ng mga kapatid niya. Sabi sa akin ni Magui, maraming dahilan kung bakit iyon nagawa ng Kuya niya. Naiintindihan ko, alam ko na minsan, pag sobrang sakit na, gusto mo na lang na matapos ang lahat.

Inilibing ko ang aking panganay matapos ang ikapitong araw. Sa tabi ni Kathryn. At kahit sa huling hantungan ay hindi ko pinagkait sa kanya ang tamis na mayakap ang larawan ng babaeng nagpatibok sa ngayo'y nahihimbing na niyang puso.

The After FallWhere stories live. Discover now