Kabanata 11: Kinabukasan

32 2 0
                                    

(Kyshie's POV)

"Saan nga ba ulit tayo pupunta?"

Napaikot nalang ang aking mga mata sa paulit-ulit na tanong ni Luna. Habang naglalakad, mapagmasid kami sa aming paligid para maalala kung saan nakapwesto ang lahat ng bagay dito sa LASH. Ang lawak talaga ng eskwelahang ito; sa pakiramdam ko ay makakabisado mo lang ang kabuuan nito sa pagligpas ng oras. Tinignan ko si Callista, seryosong-seryoso siya sa pagsunod ng mapa para hindi kami mawala.

"Ayan na!" wika niya habang nakaturo sa malalaking pinto sa dulo ng bulwagan. Hindi na kami nag-aksaya pa ng oras sa agad-agad na pagbukas namin ng pinto. Pagpasok namin, nanlaki ang mga mata ko sa pangitain na bumungad sa'min. Lumagapak ang tunog ng pagsara ng pinto sa bawat sulok ng silid-aklatan, at sabay-sabay kaming nakarinig ng 'shhh' mula sa mga estudyanteng nagbabasa. Taimtim na humingi ng tawad si Xapphrina habang manghang-mangha pa rin ako sa dami ng libro na nakalagay sa nagsisitangkaran na mga istante. "Ang dami, pucha. Sa'n tayo magsisimula?" bulong ni Xapp. Biglang naglakad si Callista papunta sa librarian, nagulat nalang kami at nagtanong na siya. "Saan po yung tungkol sa magical creatures dito?" dire-diretso niyang tanong. Inangat ng babae ang kanyang ulo para tignan kami at binasa ko naman ang nakasulat sa lapidang nakapatong sa harap niya.

Maya M. Samson, Librarian.

Tinuro ni Ms. Samson sa amin ang istante ng mga libro tungkol sa magical creatures. "Mag-ingat nalang kayo sa pagkuha ng mga librong nakalagay sa mataas na lugar," bilin niya sa'min. "Salamat po." wika ni Callista bago kami iniwan ni Ms. Samson sa harap ng malalaking istante sa madilim na sulok ng silid-aklatan. Sabay-sabay na kaming naghanap nila Callista at Josie ng mga librong posibleng may impormasyon tungkol sa sinasabi ni Xapp na, anino.

"Bakit nakaupo lang kayo diyan? Tumulong kayo rito." sita ni Calli nang makita niyang pinapanood lang kami nila Luna at Xapp na maghanap ng libro. "Kayo naman yung mahilig magbasa diba? Nagnakaw pa ata ng libro si Jo sa bayan noo―" agad na tinakpan ni Josie ang bibig ni Luna bago pa man niya matapos ang pagbubunyag niya. "Tumahimik ka." pananakot ni Jo kay Luna. Tinaas ni Luna ang kanyang mga kamay na parang suko na siya, kaya naman binitawan siya ni Josie.

Patuloy ang paghablot ko ng mga libro, tinitignan ang mga nakasulat na titulo nito. Ang iba sa mga libro ay may katandaan na, kupas, at inaalikabok na. Nilapag namin ang mga librong nahanap namin sa mesa at tsaka kami nagbasa. Hinanap ko sa bawat talaan ng nilalaman ang anino ngunit wala talaga ito sa kahit anong libro. Ang pinakamalapit lang na salita sa anino ay ang ani-ani at mukhang hindi naman ito ang sinasabi ni Xapphrina na halimaw dahil malaking mama lang naman ito na may balbas. "Parang wala naman talaga, Ky." malungkot na bulong ni Xapp. Napabuntong-hininga lang ako, masyadong maraming iniisip. "Pero bakit nga ba anino? Kahit nung una mong kinwento sa'kin, anino na kaagad yung binanggit mo." madiin na tanong ni Callista.

Hindi nakasagot si Xapphrina, halatang agrabyado sa kakaalala ng bawat detalye sa panaginip niya. Napahinga siya nang malalim, bago niya ibinalik ang mga mata niya sa aming apat na handang makinig sa kahit anong paliwanag. "Basta pagkita ko palang sa kanya, anino na ang sinisigaw ko. Ang bobo pakinggan diba?" ulat niya, natatawa pa siya dahil sa tunog ng sagot niya. Nakakatawa naman talaga dahil wala na kaming ibang impormasyon tungkol sa anino― sa gustong pumatay sa'min pero alam naming malapit kami sa sagot.

"May rason kung bakit nandito tayo sa LASH," simula ko, seryoso ang tingin, "... Oo, dahil sa Grand GES." putol ni Luna. Sinaaman ko siya ng tingin at napangiti na lamang siya na para bang humihingi ng paumanhin. "Hindi lang 'yon. Oo, nandito tayo dahil sa kasunduan pero naniniwala ako na mas nalapit tayo sa kapahamakan."

Napuno ng takot ang mga mata ni Luna at Xapphrina. Bago magtuloy-tuloy ang pag-uusap namin, sumungkit muna ako ng lollipop mula sa bulsa ng vest ko. Napasapak ng noo si Callista nang makita niyang tinatanggal ko na ang wrapper, kaya siya nalang ang nagpaliwanag. "Tama si Ky. Biglaan lahat ng mga pangyayari pagkatapos matanggap ni Xapp 'yang propesiya na 'yan. Alam naman natin kung gaano katotoo 'yong mga gano'n. Tulad nalang ng nangyari sa―" napatigil si Callista, nanginginig ang nakakuyom niyang mga kamao.

Nanaig ang katahimikan sa mesa namin, tanging pag-agpas lamang ng hangin ang aking naririnig. Sa tuwing inaalala namin ang aming mapait na nakaraan, labis na kumikirot ang puso ko at napapatigil ako sa kahit anumang ginagawa ko. Hindi ko maisulat o masabi, kung gaano kasakit ang nangyari sa'min; kaya siguro napababa ng ulo si Luna, Josie, at Xapphrina. Huminga nang malalim si Callista, bago siya nagpatuloy "... sa mga magulang natin. Dapat mag-ingat pa tayo ngayong malayo tayo sa dati nating tirahan. Sino bang nag-akala na mapupunta tayo rito? Pakiramdam ko nga eh, pinaglalaruan tayo ng tadhana."

"Kasalanan ko."

Napatingin kaming lahat kay Xapphrina. Hindi ko napansing tumutulo na pala ang luha niya, at humihikbi na siya. Kumunot ang noo ko at mabilisan namang napailing si Callista. "Xapp, hindi mo kasalanan 'yon. Masyado pa tayong bata nung nangyari yun, wala tayong alam." pilit na sabi ni Calli. "Makinig ka kay Calli, Xapp." dagdag ko habang patuloy naman ang paghimas ni Luna sa likod ni Xapphrina. Hindi sumang-ayon si Xapp sa'min, pilit na iniiling ang kanyang ulo sa mga sinasabi namin.

"Kung sana nasabi ko lang nang maayos yung propesiya noon, baka sakaling nakaligtas pa sila. Tapos ngayon naman, hindi pa rin malinaw kung ano ba 'yang pesteng anino na 'yan," galit na sisi ni Xapphrina sa sarili niya. "Ang hina ko pa rin talaga." patuloy niyang paghagulgol. Lalong hindi napanatag ang loob ko sa mga pinagsasabi niya pero hindi ko mahanap ang mga tamang salita para mapatahan siya. Gusto ko lang naman na maging masaya ang pamilya ko. Napansin kong naluluha na rin si Josie kaya mabilis na nagsalita si Callista.

"Yung mga lapastangang 'yon ang may kasalanan, Xapp. Tsaka, nag-aaral tayo para lalo tayong lumakas. Sa totoo lang, hindi naman talaga dapat natin makita ang kinabukasan; kaya sapat na ang kahit anong tulong mula sa kapangyarihan mo, Xapp." mahinahon na sabi ni Calli. Tumango ako sa sinabi niya, hawak-hawak ang lollipop. "Ang mahalaga, alam nating anino ang magpapahamak sating lima. Kailangan nating mag-ingat at magpalakas pa lalo." sabi ko habang papatayo na ako mula sa upuan ko. Nagtinginan muna kami bago niyakap ang isa't isa. 

Saktong-sakto, pagkalas ng yakap, nagtama ang mga mata namin ng limang lalaki kasama namin sa Grand GES. Mukhang hinahanap talaga nila kami dahil nakita kong nawala ang mga katanungan sa mga mata ni Chance, ang tinatawag nilang boss.

"Kanina pa namin kayo hinahanap― anong nangyari?" tanong ni Leon, nakatingin kay Xapphrina. Mapag-alala at mapagtanong ang tingin nila sa'min nang makita nilang patahan palang si Xapp at seryosong-seryoso naman kami nila Calli. Ibinalik ko ang lollipop sa bibig ko, todo iwas sa mga mata nila. Binigay ni Nick ang panyo niya kay Xapphrina, at nahihiyang tinanggap niya ito. "Salamat." mahinang sabi ni Xapp sa kanya.

"Bakit niyo kami hinahanap?" sambit ni Callista nang nakataas ang kilay. Nagsimula nang magbalik si Josie ng mga libro sa istante kaya tinulungan siya ni Luna. Tumingin si Chance kay Callista, at sinabing, "Pinapatawag tayo ni Ms. Stones."

Nagtinginan kaming magpipinsan, nagmadali nang sumama sa limang lalaki. "Ayos ka na ba?" pangangamusta ni Nick kay Xapp. Tumango lang si Xapphrina, at binigyan siya ni Nick ng maliit na ngiti bago tinapik ang kanyang likod.

Sa paglakad namin papunta sa opisina ni Ms. Stones, walang nagsasalita kahit na mukhang may mga tanong si Leon at Thristan. Halatang tensyonado kaming magpipinsan at laking pasalamat ko nalang at binigyan nila kami ng espasyo. Pagrating namin sa harap ng opisina ni Ms. Stones, bumukas na kaagad ang pinto.

"Tuloy kayo." dinig kong sabi niya. Agad na kaming pumasok at umupo sa mga upuang nakahelera sa harap ng mesa niya. Tinanggal ko ang nakapasak na stick ng lollipop sa bibig ko bago ako nagtanong. "Bakit niyo po kami pinatawag?"

"Pinapunta ko kayong lahat dito para pag-usapan ang pagsasanay na magaganap para sa Grand Geize en Suduin. Nais kong ipares kayo para mabantayan niyo ang lakas at galing ng isa't isa. Ayos lang ba sa inyo 'yon?"

LASH (Light and Shadow High): School for the GiftedWhere stories live. Discover now