Kabanata 4: Kasunduan

74 1 0
                                    

(Josie's POV)

"Inutusan ka lang mangalakal tapos ngayon nasa presinto na tayo. Edi sana ako nalang ulit pumunta sa bayan."

Agad na gusto kong bawiin ang mga salita ko nang makita kong nanlaki sa gulat at inis ang mga mata ni ate Kyshie.

"So, kasalanan ko? Kasalanan kong inatake nila si Boey. Kasalanan kong bobo sila at sinaktan nila tayo. Oo, kasalanan ko!" sarkastikong sabat niya sa akin. Wala na 'kong sinabi pa sa kanya dahil napagtanto ko na mainit lang ang ulo ko at hindi ko dapat siya sinisi. Gayunpaman, umirap nalang ako dahil aaminin kong naiirita pa rin ako at nahuli kami ng mga pulis at sinuotan ng fligeo.

"Subukan niyong mag-away dito ngayon at makakatikim talaga kayo sa'kin." sita ni ate Callista sa aming dalawa. Sa madalas na okasyon, natakot ako sa kanyang tingin at boses kaya naman napatikom talaga ang aking bibig. Strikta at maldita talaga si ate Calli at ayoko siyang banggain. Ganoon na rin para kay ate Kyshie kaya diniretso niya ang upo niya at napabuntong hininga nalang.

Pinagmasdan ko ang mga pulis makipag-usap sa telepono habang hirap na hirap na kami sa mga kamay naming naka-fligeo sa likod. Pwede bang bilisan nalang ng
principal ng LASH para matapos na 'to? Alam ko namang mapaparusahan kami; bakit padalos-dalos pa sila?

Bigla namang pinapasok ng mga pulis ang mga nakipag-away na estudyante at pinaupo sila sa harap namin. Lalong naging tensyonado nang magtitigan kami. Kitang-kita na nabugbog talaga sila dahil sa mga pasa at sugat na iniwan namin sa katawan nila.

"Sinumbong kayo ng kartero sa'min at nakita namin sa CCTV ang pag-aaway niyo," seryosong ulat sa amin ng pulis. May CCTV sa eskinitang 'yon? Patay! "Base sa napanood namin, pare-parehas lang kayong may kasalanan na obstruction of peace dito sa Biringan; lalong-lalo na sa pampublikong kalye." dugtong niya.

"Sila po ang unang may atraso. Pinagtanggol lang namin yung pinsan namin." sabi ni Xapphrina, masama ang tingin sa mga taga-LASH.

"Nakipag-away pa rin kayo at labag sa batas 'yon." ani ng pulis sa harap namin. May sasabihin pa sana siya ngunit biglang tumunog ang kanyang walkie talkie.

"Nandito na ang principal ng Light and Shadow High."

Napalunok silang anim dahil alam nilang mapaparusahan din sila ng eskwelahan nila. Dala-dala nila ang pangalan ng LASH habang gumagawa sila ng katarantaduhan; malamang sa malamang ninakaw lang din nila yung fligeo doon. Mga nakakataas lang ang kayang humawak ng fligeo at saksakan ng mahal 'yon.

"Ms. Stones,"

Sa nakabukas na pinto, pumasok ang isang mapayat na babae na nakasuot ng magarang damit. Nakaitim na pencil skirt at blazer, dinig na dinig ang bawat apak niya dahil sa kanyang matataas na takong habang walang ekspresyon ang kanyang mukha. Tinaas niya ang nahuhulog niyang salamin sa kanyang matangos na ilong, bago niya kami pinagmasdan isa-isa.

"Maupo po kayo." pagbibigay galang ng pulis, "Hindi na kailangan. Mabilis lang 'to." kalmadong sagot naman sa kanya ni Ms. Stones.

Punong-puno ng tensyon ang maliit na kwarto na kinalalagyan namin sa presinto. Halatang kabadong-kabado ang mga estudyante ng LASH, nakayuko at nakatuon ang pansin sa sahig. Sa totoo lang, kabado rin naman ako dahil alam ko na mabigat ang parusa sa amin. Maaari nila kaming ikulong dito; at kailan ba naging maganda 'yon?

"Sinabi na sa akin ang mga pangyayari at nakita ko na ang CCTV video. Hindi mo na kailangang ulitin pa 'to," diretsong ulat ni Ms. Stones. Tinignan niya ang mga nanginginig na estudyante, bago niya ibinalik ang kanyang mga mata sa pulis, "Ikinahihiya ng Light and Shadow High ang mga estudyanteng ito. Bukod sa hindi nila sinunod ang aming mga patakaran, pinagnakawan din nila ako ng fligeo mula sa aking opisina. Dapat na humarap sila sa kahit anong hatol ng batas," madiin na sabi ni Ms. Stones. Nangingiyak-ngiyak na tinignan ng anim na estudyante si Ms. Stones kaya naman tumingin din siya sa kanila. "—ngunit mukhang may plano na ang mga magulang nila tungkol doon."

Plano ng mga magulang? Piyansa? Pambihira naman! Kung may pera ka nga naman!

"Iba talaga 'pag may pang-piyansa 'no?" bulong ni Xapphrina sa amin. Nakaramdam ako ng galit at lungkot dahil makakalaya sila at habang kami naman ay siguradong mabubulok dito.

Tumango lang ang pulis sa sinabi ni Ms. Stones bago siya tumayo sa kanyang kinauupuan. "Kakausapin ko nalang ang mga magulang nila sa labas. Kayo ba, asan na yung mga magulang niyo?"

Tumigil nang saglit ang tibok ng puso ko sa tanong ng pulis sa amin. Kitang-kita sa mukha ni ate Xapphrina na nabagabag siya sa tanong na 'yon. Napatingin si Luna at ate Kyshie sa sahig habang si ate Callista naman ay tuluyang nawalan ng ilaw sa kanyang mga mata.

"Nagsasabi kami sa'yo ng totoo. Wala na nga kaming mga magulang." giit ni Callista sa pulis. Sa pagbalik ng apoy sa kanyang mga mata, tinitigan siya ng mga taga-LASH na para bang nakarinig sila ng rebelasyong malupit. Napatikom nalang ng bibig ang pulis, masama ang tingin sa aming lima.

"Kami na ang bahala sa kanila."

Halos lumabas na ang mga mata naming lahat dahil sa sinabi ni Ms. Stones. Nakabukas ang mga bibig, halatang di kami makapaniwala sa mga salita niya.

"Dahil may atraso ang aming mga estudyante sa kanila, kami na ang magbabayad ng pang-piyansa nila." malamig na sabi ni Ms. Stones sa pulis. Gulat na gulat kaming nagtitigan ng mga pinsan ko bago namin itinuon ang atensyon namin sa nanlalamig na presensya ng babae sa harap namin. Parang hindi sang-ayon ang pulis sa plano ng principal ng Light and Shadow High; ngunit bago pa siya makapagsalita, inunahan siya ni Ms. Stones at sinabing, "Sinusunod ko lang ang utos ni Mr. Oh."

Nanaig ang katahimikan sa presinto, tanging tibok lang ng puso ko ang naririnig ko. Hindi ako makapaniwala sa mga pumapasok sa utak ko na galing sa bibig ni Ms. Stones. Nakatulala nalang ang mga taga-LASH at mga pinsan ko sa kanya, walang-wala na. Tinignan ko ang pulis at nag-iba ang tingin niya kay Ms. Stones at sa amin nang mapalunok siya sa takot.

Si Mr. Oh? Bakit galing sa mismong nagtayo ng Light and Shadow High ang utos na 'to? Anong kailangan sa'min ng mayor na pinakamalakas at pinakamayaman na tao sa Biringan?

"Kung ganoon, masusunod po." nauubo-ubong sabi ng pulis bago siya tumango.

Parang panaginip lang ang lahat nang bigla kaming tignan ni Ms. Stones. Mabigat ang titig niya sa amin bago siya kinausap ng pulis ulit.

"Maaari na po tayong lumabas sa harap para po mapirmahan ang mga papeles at makausap ang mga magulang ng mga estudyante." ani ng pulis. Tumayo na ang mga taga-LASH kaya naman tumayo na rin kami. Susundan na namin sana sila papalabas pero pinigilan kami ni Ms. Stones.

"Mauna na kayo. Kakausapin ko lang ang limang 'to." tumango lang uli ang pulis sa sinabi niya habang mapagtanong ang tingin sa kanya ng mga taga-LASH.

Kinabahan ako ulit sa sasabihin ni Ms. Stones dahil alam kong may kailangan sila sa'min. Sa pagbalik namin sa aming mga upuan, umupo nalang din siya sa harap namin.

"Anong kailangan niyo sa'min?" tanong ko sa kanya. Agad siyang napangisi sa sinabi ko, tinulak ulit ang nahuhulog niyang salamin sa kanyang ilong.

"Sa pananakit niyo sa aming mga estudyante, may hihilingin kaming pabor mula sa inyo." pasuspensa niyang sabi. Napataas si ate Callista ng kilay ngunit hindi siya nagmaldita kahit kala ko magsusungit siya sa principal. Alam naming lahat na may atraso rin kami pero gusto lang naman namin iligtas si Kyshie at pagbayarin sila sa ginawa nila kay Boey.

"Handa ang Light and Shadow High na pag-aralin kayong lima nang libre; basta kasama kayo sa ipang-babato namin sa Grand Geize en Suduin ngayong taon."

LASH (Light and Shadow High): School for the GiftedWhere stories live. Discover now