Kabanata 3: Laban sa Poblacion

94 1 0
                                    

(Callista's POV)

"Bakit ang tagal naman?!"

Tumayo ako sa kinauupuan ko at lumabas ng bahay namin. Kanina pang alas-12 umalis si Kyshie at magaalas-dos na at hindi pa rin siya nakakabalik. Hindi naman ganoon kalayo ang bayan sa'min pero bakit ang tagal niya? Naiinip na talaga ako kaya lang, hindi ko rin mapigilan ang pag-aalala ko sa kanya.

"Uy, Xapp! Wala pa rin si Kyshie?" tanong ko kay Xapphrina. Napabuntong-hininga siya bago tumigil sa pagwawalis ng nahulog na mga dahon sa tapat ng bahay. Iritang-irita, napakamot siya sa ulo niya.

"Wala pa nga eh. Kaninang―"

Biglang naputol ang sasabihin niya nang marinig namin ang kahol ni Boey. Mabilis sa kanyang mga paa, tumigil si Boey sa harap namin at halatang hindi ito mapakali. Bumilis ang pintig ng puso ko dahil napansin kong mag-isa ang alaga naming puting lobo. Bakit hindi niya kasama si Kyshie? Kahit paulit-ulit na 'kong lumilingon at hinahanap si Kyshie sa lawak ng gubat, hindi niya talaga kasama si Boey.

"Hinay!" ani ni Xapphrina habang sinusubukang pakalmahin si Loboey sa kanyang pagtalon at pagtahol. Hinimas ni Xapphrina ang ulo nito bago niya ako tinignan sa aking mga mata. Kahit hindi niya sabihin ito sa akin, alam kong parehas na kami ng iniisip.

Nasa panganib si Kyshie.

Nakaramdam ako ng galit dahil alam kong mga tao lang ang pwedeng maglagay sa kanya sa peligro; lalong-lalo na at sa bayan lang naman siya nagpunta. Kilala ko si Kyshie at alam kong ayaw niya kaming pagalalahin kapag lumalayo siya mula sa kubo. Kahit minsan may pagkapilyo talaga siya, alam niyang ibang usupan 'to. Tsaka, malakas si Kyshie at nakakatakot; hindi siya mawawala nang ganito katagal kung isang tao lang ang nakabanggaan niya.

"Sumunod na tayo, Xapp. Tatawagin ko na yung dalawa." mabigat kong sabi kay Xapphrina.

Paglingon ko, nandoon na agad si Luna at Josie. Mapagtanong ang nakapaskil na ekspresyon sa kanilang mga mukha pero sa paglipas ng kakaunting segundo, napagtanto nilang nawawala si Kyshie.

"Boey, dito ka lang. Bantayan mo yung bahay." utos ni Xapphrina habang pinapapasok niya si Boey sa loob.

"Sa bayan ba ang punta natin?" tanong ni Luna. Tumango lang ako at sabay-sabay na kaming tumakbo papuntang bayan.

Pagkalipas ng ilang minuto, nakita na namin ang mga taong umaaligid sa bayan. Nawalan na kami ng pake sa mga nakapalibot sa'min nang makipaggitgitan kami sa loob.

"Xapphrina! Calli! Luna! Josie!"

Si aling Nena.

Nakita naming hawak niya ang isang sako ng bigas habang kinakawayan niya kami. Mabilisan namin siyang pinuntahan dahil halata ang pagkadismaya niya.

"Si Kyshie hindi nakuha yung bigas! Bigla nalang kasing tumakbo at sinundan si Boey kanina. Hindi na siya bumalik ulit." sabi ni aling Nena habang inaabot ang sako ng bigas sa amin. Napakunot ang noo ko sa mga salita niya kaya naman tinaas ko ang kamay ko para pigilan siya sa pag-abot ng sako.

"Saan niyo po siya nakita tumakbo?" madiin kong tinanong. Tinuro niya ang daan gamit ang kamay niya at nakita kong nagkalat ang mga tao sa papakaliwa, ang daan na itinuro niya. Marami masyadong bentahan ang nakatayo sa bayan na 'to; kaya siguro ganoon din ang bilang ng tao.

"Sige, salamat po!" sabi ni Jo bago kami tumakbo at nakipagsiksikan sa mga tao. Hindi na namin pinansin ang pagtawag ni aling Nena sa amin tungkol sa bigas dahil mas importante si Kyshie at ang kalagayan niya.

Kabado ako sa mga pangyayari ngunit alam kong mas halata sa mukha ko na pursigido ako; at ganoon na rin para sa aming apat. Masyadong maraming sikot ang bayan at alam kong mahihirapan kami sa paghahanap. Paano pala kung wala na si Kyshie dito? Paano kung nasa ibang lupalop na pala siya ng Biringan?

LASH (Light and Shadow High): School for the GiftedWhere stories live. Discover now