Biglang sumimangot si mama. Hay nako! Nagtampo na naman. Pumunta muna ako ng lababo para mag-toothbrush. Si mama, nakasimangot pa rin habang nililigpit ang pinagkainan ko.

“Mama,” malumanay kong tawag habang papalapit sa kaniya. Niyakap ko siya pagkalapit ko.

“Sige na! Umalis ka na. Iwan mo na ako,” pananampong sagot nito.

“Mama naman eh!”

“Sige na Chan. Ako nang bahala diyan sa mommy mo,” rinig kong sabi ni papa. Kakapasok niya lang sa bahay galing garahe.

“Thanks pa!” sabi ko dito bago umalis. Mamaya ko nalang lalambingin si mama. Di rin magtatagal pagtatampo nun.

Lumingon ako sa kanila bago ako tuluyang lumabas ng pintuan. Nakita kong naiinis si mama kay papa. Todo paliwanag naman si papa sa kaniya. At sinusuyo din. Ang sweet talaga ng parents ko. Magiging ganyan din kami ni Krystal baling araw. Hihi.

Buti nalang swerte ako at magaan lang ang daloy ng trapiko kaya naman mabilis akong nakarating sa mall. 10AM pa ang bukas ng mall kaya naman tumambay muna ako sa labas. Wala pang 9:30 pero okay lang. Hintayin ko nalang na mag-bukas. After ng mahigit isang oras na pangalumbaba sa labas ng mall ay nagbukas na din ito.

Pagkapasok ko, agad kong tinungo ang CR upag mag-refresh. Powder lang tsaka pabango. Para hindi ako mukhang haggard. Pagkatapos ay tinungo ko na ang lugar na pagkikitaan namin. Habang papalapit ng papalapit ang alas diyes y media ay lumalakas ng lumalakas ang kalabog sa dibdib ko at pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ko. EEII! Makikita ko si Krystal!

Inabangan ko talaga ang oras. Bago sumapit ang 10:30 ay nakadalawang milk tea na ako. Butil-butil na ang pawis ko habang tinitingnan ko ang pagpitik ng second hand sa wristwatch ko. 5 seconds… 4 seconds… 3 seconds… 2 seconds… 1 second… 10:30. Luminga-linga ako pero di ko pa namamataan si Krystal. Baka na-traffic lang. O kaya napagod at nagpahinga saglit. Kanina pa kasi siya tumatakbo sa isip ko.

Hindi naman gaano nagtagal ay nakmataan ko si Krystal na pumasok sa shop. Itinaas ko ang kamay ko at kumaway upang mapansin niya. Agad naman niya akong nakita at lumapit siya sakin ng nakangiti. Haaaayyy.

“Hello! Kanina ka pa?” tanong niya nang makalapit. Umupo din siya sa katapat na upuan.

“H-hindi naman. Ah, h-hello din.” Ngumiti ako ng bahagya habang nakatitig pa rin sa kaniya.

“Sorry na-late ako. Na-traffic lang ng konti,” paliwanag niya.

“O-ok lang yun.”

“So, saan tayo?” tanong niya. “Uy!” pukaw niya sakin habang nakatulala pa rin ako.

“Ah-ah, pasensya. A-ang ganda mo k-kasi kaya… ano,” sabi ko bago napayuko. “Ahm, ano. Napagod ka siguro sa biyahe. Pahinga muna tayo dito. Ano pala gusto mo?”

“Kaw bahala. Ikaw naman nagyaya eh,” sagot niya.

Agad akong tumayo at pumunta ng counter upang bumili ng milktea. Bumili nalang ako ng dalawang caramel milk tea.

“A-ano. Ah, kamusta pala ang linggo mo?” tanong ko sa kaniya pagkabalik ko sa table namin.

“Ok naman, medyo maraming homework pero kaya naman,” sagot niya.

“Ahh, ganun ba?” tatango tango kong sabi. “Ah! Alam ko namang kaya mo yan eh.”

“Salamat,” sagot niya at saka ngaumiti.

Rinig na rinig namin ang buong paligid habang iniinom namin ang milk tea namin. Kahit yung mismong paghigop at paglagok namin sa milk tea ay rinig ko. Ramdam ko din ang pawis ko na dumadaloy mula sa gilid ng ulo ko, pababa sa leeg hanggang sa ma-absorb ng damit ko. Gusto ko siyang kausapin pero wala akong maisip na topic. Baka kasi mamaya eh away niya ng topic. Nangangamba din ako na baka ma-bore siya. Well, kahit sino ata ma-bobore eh. Maya-maya pa, hindi ko na talaga kinaya.

“Ahm, Krystal!”

“Bakit?” tanong niya.

“O-Ok lang bang…”

“Ok lang na?”

“Ok lang bang… dito ka muna? Punta lang akong CR. Naiihi na kasi ako eh.”

A Man's LifeWhere stories live. Discover now