Chapter 3 - Ang Lukbutan

5.1K 216 9
                                    

Pag uwi ni Pepe sa bahay ay nagbihis agad ito. Pumunta siya kina Mang Kanor at kinuha ang mga balut na kanyang ibebenta ngayong gabi. Alas-9 na nang umalis siya sa bahay nila at ngayong gabi ay babalik na siya sa dati niyang pwesto. 

Ikinatuwa ni Pepe na wala namang nangyari na masama bagkus ay maganda pa dahil ubos na agad ang tinda niya alas-onse pa lamang nang gabi. Mukang namiss siya ng kanyang mga customer. Habang pauwi ay hindi niya maalis sa kanyang isipan ang babaeng nagligtas sa kanya, si "Ate" na tatawagin niya ngayong Aswang Hunter.

"Takbo!" sigaw ng isang lalaki. Lumingon ang mga tao pati ang mga tsismoso at tsismosa. Isang lalaking nagkakandarapa ang tumatakbo sa direksyon ni Pepe. Sa likod ng lalaking tumatakbo ay ilang tao na naglalakad nang mabilis papalapit. Nanindig ang balahibo ni Pepe sa kanyang nakita. "Ito yun!" wika niya.

"Takbo! Aswang yan!" sigaw ni Pepe ngunit walang tao na naniwala sa kanya. Tumigil ang mga aswang nang nakita ang maraming tao. Wala pa ring gumagalaw. Sinusubaybayan ng lahat kung ano ang gagawin ng tatlong aswang. Akala siguro ng mga tao ay nakacostume lamang ang mga ito. Tumalon ang isa sa mga ito sa isang tindero ng barbecue at inihampas ang matatalas nitong kuko. Sumirit ang dugo ng tindero at saka palang nagsigawan ang mga tao at nagtakbuhan. Si Pepe ay tumakbo na din subalit lumiko siya sa isang kanto pahiwalay sa karamihan. Dito, nakita niya ang isang duguan na matanda na naglalakad ng mabilis. Palingon lingon ito at tila may pinagtataguan.

"Lolo," tawag ni Pepe. Lumingon sa kanya ang lalaki at tila nag-isip. Habang lumalapit si Pepe ay biglaan siyang sinalubong nito.

"Anak, hanapin mo ang Manunugis at ibigay ito," inabot ng matandang lalaki ang isang maliit na brown leather bag kay Pepe, "Sa kanya mo lamang ito pwede ibigay. Itago mo ito at huwag ilalayo sa iyong sarili," sabi ng matanda. Kakaibang pakiramdam ang bumalot sa katawan ni Pepe ng marinig niya ang sinabi nito. Kagaya ng naramdaman niya noong bumulong sa kanya ang Aswang Hunter.

"Ano ho? Hindi ko po kilala un," sagot ni Pepe, "Sumama po kayo sa akin. May nurse po sa Baranggay Hall malapit dito," dagdag niya.

"Patawad anak. Paparating na siya. Kailangan mo makita ang Manunugis!" sabi ng matanda na parang takot na takot. Patagong may tinapal ang matandang lalaki sa tiyan ni Pepe at tinulak siya nito ng malakas. Tumilapon si Pepe gilid ng kalsada. Nilingon niya ang matanda sa kanyang kaliwa at nakita niyang naglalakad na ito papalayo. Tumayo si Pepe at hahabulin ang matanda nang biglang isang lalaki ang lumitaw sa kanyang kanan sa may kanto. Kasabay nito ay ang pag-ilaw at pag-init ng tapal na nilagay nang matanda sa kanya. 

Matangkad ang lalaki at may kahindik-hindik na aura. Natigilan si Pepe sa kanyang balak gawin. Nakita ng lalaki ang matanda at napangisi. Nagsimula itong maglakad sa gitna ng kalsada patungo sa direksyong ng matanda. 

"Mukhang masama ang balak nito," isip ni Pepe. Kapansin pansin ang makinang nitong black leather boots at mahabang leather coat. Napakapormal ng suot nito at parang taga-ibang bansa. Lumakas ang kabog ng dibdib ni Pepe sa takot habang lumalapit ang lalaki. Pagtapat ng lalaki kay Pepe ay napatigil ito na parang may naramdaman. Dahan dahan na lumingon ang lalaki sa direksyon ni Pepe. Nanlilisik ang mga mata nito at pakiramdam ni Pepe ay sinusunog nito ang kanyang katawan. Napatigil ang tibok ng puso at ang paghinga niya nang humarap ito sa kanya.

"Katapusan ko na ata ulet," isip niya. Biglang nawala na parang bula ang lalaki at lumitaw sa kanyang tabi. Ngayon ay nag ala-estatwa naman si Pepe; hindi siya gumalaw at hindi rin huminga. Tumingin sa kaliwa at kanan ang mata ng lalaki subalit parang wala naman itong nakita. Sumipa ito subalit tumagos ang sipa niya sa katawan ni Pepe. Nawala ulit ang lalaki at lumitaw sa dulo ng kanto papalapit sa matanda. Napaluhod si Pepe at hinabol ang kanyang hininga. 

Umiinit pa rin ang kanyang tiyan. Kinapa niya ito at naramdaman ang isang papel. Tinignan niya ang papel subalit hindi niya maintindihan ang mga nakasulat. "Yung matanda siguro ang naglagay nito para protektahan ako dun sa lalaki," isip ni Pepe.

Nilingon muli niya ang matanda at pagtingin niya ay sakal na ito ng lalaking nakapormal. Galit na galit ang lalaki. Itinaas nito ang matanda habang hawak ito sa leeg at sabay silang nawala na parang bula.

Hindi makapaniwala si Pepe sa kanyang naranasan at napakaraming tanong ang gumugulong sa isip niya. Sino kaya ang manunugis na binanggit ng matanda? Sino naman ang matandang lalaki at sino din yung lalaki na naghahabol sa kanya? Bakit hindi rin niya matanggal ang papel na nakatapal sa kanyang tiyan? Nakauwi si Pepe ng matiwasay at nakatulog agad dahil sa pagod.

Hindi naging maganda ang gising ni Pepe, kabaliktaran ng kahapon. Bumangon na siya at lalabas na ng pinto nang biglang sumakit ang ulo niya.

"Itago mo ito at wag mong ilalayo sayo," narinig muli ni Pepe sa kanyang isipan ang boses ng matanda. Napalingon siya sa kanyang kama at nakita niya ang lukbutan na ibinigay nito. Hawak ang kanyang ulo, humakbang siya papalapit dito. Nawala ang sakit ng ulo niya. Humakbang uli siya palayo at biglang nanumbalik ang sakit.

"Ayos ha!" sabi niya. Lumapit siya sa kama at tinignan nang mabuti ang maliit na bag. Gawa ito sa leather at nakatali lamang ang bunganga. Sa loob ay mararamdaman ang isang matigas na kahon. Kinuha niya ang maliit na bag at dinala sa banyo. "Pati ba naman sa pagligo kasama kita. Tsk tsk!" sabi ni Pepe. 

Wala ang kanyang nanay. Nag-ayos na siya ng kanyang uniporme at umalis ng bahay dala ang maliit na bag. Habang naglalakad ay hindi siya mapakali. Hindi niya alam kung paano hahanapin ang Manunugis at kung ano o sino ba iyon.

"Pepe!" tawag sa kanya ng isang babae. "Jane!" sagot ni Pepe.

"Buti ligtas ka! May mga adik daw na nagwala dun sa pwesto mo kagabi ah, sabi sa balita," kwento ni Jane.

"Adik?" tanong ni Pepe. "Oo. Tatlong adik. Nandoon ka ba?" tanong ni Jane.

"Hindi naman adik yung mga nandoon. Aswang yung mga yun! May video bang pinakita? May mga CCTV naman dun ah," tanong ni Pepe habang tumatawid sila ng kalsada.

"Haaa? Aswang?" pagulat na reaksyon ni Jane. Napaisip si Pepe sa kanyang sinabi at minabuting bawiin na lang ito, "Joke lang! hehehe!" bawi niya.

"Pero walang ngang video na pinakita. Tara malalate na tayo," yaya ni Jane.

"Hoy joke lang un ah. Cge tara na!" sabi ni Pepe.

"Oo alam kong joke lang yun. Ano ba?" sagot ni Jane na nagpagaan naman ng pakiramdam ni Pepe at naghiwalay na sila para pumasok sa kani-kanilang klase.

Buong hapon inisip ni Pepe kung bakit nagkaroon ng "cover up". Napagtanto rin niya na kahit isang beses walang siyang napanood o narinig na balita patungkol sa mga aswang. Ibig sabihin nito ay hindi siya pwede magtiwala sa pulis o gobyerno dahil baka kasabwat ang mga ito ng masasamang loob. Nagdesisyon siya na mas maganda kung sasarilinin na lang muna niya ang mga alam niya. Naisip din niya na kailangan niyang mag-imbestiga. Maaring malagay siya sa peligro dahil sa bag na ibinigay sa kanya at mas maganda kung maibibigay na niya ito sa Manunugis sa lalong madaling panahon. 

Marahil ay ang misteryosong babae ang susi sa lahat. Kailangan niyang hanapin ang babaeng ito, ang Aswang Hunter.



Aswang Hunter | New BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon