Kabanata 6: Unang Pagkikita

Magsimula sa umpisa
                                    

"Gaganapin ang serimonya bago magtanghalian. Doon kayo magpapakilala sa buong paaralan bilang mga contestants ng LASH sa Grand GES. Babanggitin niyo ang pangalan niyo, edad, at ang kapangyarihan niyo." ika ni Ms. Stones.

"Bakit po ba kami yung mga contestants?" tanong ni ate Callista, nakataas ang kilay. "Dahil nakita naming malakas kayo. Paulit-ulit nang natatalo ang LASH; kayo ang kailangan ng paaralan na 'to." madiin na sagot ni Ms. Stones. Napalunok ako sa kaba sa mga sinabi niya. Nakakapressure!

"Ipapaliwanag ang lahat ng tungkol sa Grand Geize en Suduin sa serimonya mamaya. Maaari na kayong umalis."

Tumayo na kami at lumabas ng opisina niya. Kahit na litong-lito pa rin kami, naisipan nalang naming libutin ang LASH. Nagtatatarang na si Kyshie nang mapalapit kami sa canteen. Sa dami ng pagkain na binabanggit niya, nagutom din ako. Pagpasok namin ng canteen, may mga estudyanteng nakatambay at tumitingin sa display case. Nagliwanag ang mga mata namin at biglaan naman kaming tinignan ni ate Kyshie, patalikod na naglalakad.

"Ha! Kanina pinapagalitan niyo pa 'ko, tapos kayo rin naman din pala 'tong―"

"Ky―!"

Napapikit nalang si ate Callista at napasapak naman ng palad si ate Xapphrina sa noo niya dahil sa hiya. Laking gulat ni ate Kyshie nang bumangga siya sa isang lalaking estudyante na pinagmamasdan ang display case. Sa pagtama ng kanilang mga mata, inirapan siya nito habang todo hingi si Ky ng patawad. Tumango nalang ang chinitong lalaki sa kanya bago hinablot ni ate Callista at Josie si ate Kyshie paalis.

"Tumingin ka kasi sa nilalakaran mo! Muntanga ka tuloy!" mataas na bulong ni ate Callista sa kanya. Natawa nalang kami sa pagsimangot niya at pinabayaang bumili siya ng lollipop. Napansin kong nandoon pa rin yung lalaking nabangga niya, pasikretong ngumiti kay ate Ky.

Pagkalipas ng 30 minuto, nagtitipon-tipon na ang mga estudyante sa Grand Hall. Mabilisan kaming tumakbo dahil magsisimula na pala ang serimonya. Kung saan-saan na kami nakarating sa LASH at sigurado ako na hindi pa kalahati ng eskwelahan yun.

Dumaan kami sa gilid-gilid ng Grand Hall para hindi agaw-atensyon. Nakita namin ang nakakabutas-kaluluwa na mga mata ni Ms. Stones; kaya naman pumunta na kami sa harap, malapit sa entablado.

"Kanina ko pa kayo hinahanap. Umupo na kayo." strikta niyang sabi. Umupo kami sa unang helera ng mga upuan ng Grand Hall, kabadong-kabado sa mga susunod na mga pangyayari.

Sa paglingon ko, lalo akong nanliit dahil sa dami ng tao na nasa Grand Hall. Mukhang libo-libo ang mga estudyante na nandirito. Nanahimik ang lahat nang tumayo sa entablado si Ms. Stones, tinatapik-tapik ang ibabaw ng mikropono.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Nandito tayo ngayon para sa serimonya ng Grand Geize en Suduin, ang pinakamalaki at pinakasikat na labanan ng iba't ibang paaralan dito sa Biringan City." pagsisimula ni Ms. Stones. "Ang labanan na ito ang sumusukat sa lakas at galing ng mga estudyante mula sa Levels 3-to-4 ng bawat paaralan. Sa schoolyear na ito, dito sa Light and Shadow High arena gaganapin ang Grand Geize en Suduin."

Arena? Di pa namin napupuntahan 'yon, ah. Gaano kalaki ba 'to?

"Sa taong-taong ginaganap ito, parehas pa rin ang mekaniks ng labanan. Pipili ang eskwelahan ng sampung estudyante base sa kakayahan nila na kanilang pinakita sa mga taong nag-aral sila dito." tuloy-tuloy na ulat ni Ms. Stones.

Nagtinginan kaming magpipinsan nang mabanggit niya na sampu ang kailangan sa Grand GES. May lima pa pala kaming makakasama.

"Ang sampung estudyante na ito ay binubuo ng limang babae at limang lalaki. Para sa pagpapakilala ng mga napiling estudyante, bigyan natin ng masigabong palakpakan si Mr. Nemm C. Oh."

LASH (Light and Shadow High): School for the GiftedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon