19th: I Just Want to Feel...

3.4K 44 3
                                    

19th: I Just Want to Feel...

NAGSILABASAN na kami upang umuwi pagkatapos naming maisara ang restaurant nang natanawan ko si Michael na nakapamulsang nakatayo sa isang kanto na madadaanan ko ng ilang lakad lang.

Agad na nagtama ang paningin namin at ngumiti siya.

Napahinto ako sa harap niya at gulat na gulat akong tinignan siya. "Ano 'ng ginagawa mo rito?"

"Hinihintay ka," walang pasubaling sagot niya.

Na mahalin kita? Don't worry, matagal na kitang mahal. "Bakit?"

"Gusto kitang ihatid sa inyo."

Biglang kumislot ang puso ko at napamulagat ako sa tinuran niya. "Huh?"

"Tara na. Samahan na kita pauwi." Pinulupot niya ang braso niya sa balikat ko.

Napahugot ako ng hininga. Lalo pang naghisterikal ang katawan ko dahil sa pag-akbay niya sa akin. Really? Hinintay niyang matapos ko ang shift ko sa trabaho para ihatid ako?

"Sa'n ka ba nakatira?" tanong ni Michael habang naglalakad kami.

Tinanggal ko ang braso niya sa akin at hinarap ko siya. "'Wag mo na akong ihatid. Umuwi ka na," sabi ko imbis na sagutin ko ang tanong niya.

"Gusto kitang ihatid. Para naman may kasama kang umuwi ng ganitong oras. Delikado pa naman ngayon."

"Ang tagal-tagal ko nang dumaraan dito, hindi naman ako napahamak." Hindi nga? 'Di ba nga nanakawan ka? Kaya walang-wala ka nang pera ngayon at kailangan pang makituloy sa isang manyak, kastigo ko sa sarili.

"Ihahatid pa rin kita."

Humalukipkip ako at napairap. "Para saan pa? Eh, hindi mo naman ako girlfriend."

"Por que hindi girlfriend hindi na pwedeng ihatid? 'Di ba girl na friend naman kita?"

Hindi ako nakatugon. Sige! Ipagdiinan mo pang magkaibigan lang tayo. Nanunubok lang naman ako kung may something na ba siya sa akin. Pa-fall siya. Lagi niya akong pinapakilig, kaibigan lang pala ako.

Hinila niya naman ang kamay ko at inestimang maglakad.

"Magagalit 'yung tatay ko. Istrikto kasi 'yon," pagsisinungaling ko sabay bawi sa kamay ko. Ayokong malaman niya kung saan ako nakatira ngayon. Na nakikitira ako sa condo ni Spencer. Hindi ko alam kung anong posibleng maging reaksyon ni Michael. Baka isipin niyang may relasyon kami nito. Na isa ako sa mga babae ng gunggong na iyon. Yuck!

"Eh, bakit naman magagalit 'yun kung ihahatid lang naman kita? Ayaw niya bang may maghatid sa 'yo para may makasigurong ligtas kang makauwi?"

"Ayaw kasi niyang nakikitang may kasama akong lalaki," pagdadahilan ko pa.

Saka kahit naman doon pa rin ako nakatira sa talagang bahay namin, magagalit nga'yung walang modo kong ama. Kung si Spencer nga ay pinaghinalaan nito na naging ugat nang tuluyang pag-aaway namin. Sa puntong ito, ayaw ko lang talaga ipabatid kay Michael ang kalagayan ko ngayon.

Tila bumagsak ang balikat niya. "Ah, ganu'n ba?" Bumuntong-hinga siya bago pilit ngumiti. "Hihintayin na lang kitang makasakay."

Parang na-guilty ako sa hindi ko pagsabi ng totoo sa kanya. Sorry talaga. Ayaw ko ring maabala ka at aksayahin ang oras mo sa tulad ko lang na wala namang malalim na kaugnayan sa iyo.

Hinatid niya ako sa sakayan at nag-abang na may dumaang jeep. Gabi na kasi masyado kaya iilan na lang ang dumaraan, puno pa 'yung iba. Kaya patuloy na nag-usap muna kami ni Michael.

ExhibitionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon