"Kasi hindi kita naipagtanggol kay Olano."

Pasimple akong humawak sa pisngi ko. Pakiramdam ko 'y napamumulahan ako. "O-okay lang 'yun, 'no. Hindi mo naman 'yun obligasyon. H-hindi naman kita boyfriend, eh."

Tumawa siya nang mahina. "Boy na friend mo naman ako, eh."

Tila nabasag ang puso ko. Awts. Friend? Friend zone lang ako? So ano naman? Ano ba ang gusto ko? Ano naman kung magkaibigan lang kami? May girlfriend siya at hindi ako dapat umasa.

Hindi na ako nakasagot pa sa kanya. Napaghahalataan yata akong naaapektuhan. Masyado lang siguro akong na-attach sa kanya kahit saglit pa lang kaming nagkasama. Bihira lang kasi akong magkaroon ng kaibigan lalo na ang maging malapit sa lalaki.

"Ang dami mo yatang gagawin ngayon," puna ni Michael.

Iyong bigat na nararamdaman ko bumalik sa stress sa pag-aaral nang ma-realize kong mas dapat kong problemahin ang mga kailangan kong gawin kaysa ang umasa kay Michael.

Napabuntong-hininga ako. "Kahit ayaw kong gawin, wala naman akong karapatang magreklamo dahil parte ito ng college."

"Tulungan na kita."

"'Wag na," pagtanggi ko sa alok niya. "Baka may gagawin ka rin, eh."

"Isa lang naman ang gagawin ko. Ikaw nga, kawawa." Pinakialaman niya ang sandamakmak na librong kinuha ko na lahat iyon iisa-isahin kong hanapan ng kasagutan sa mga problema ko. "Dama kita. Halos pareho tayo ng field na ginagalawan. Swerte ko lang ngayon at hindi pa ako dinudumog ng mga assignment at projects."

Napangiti ako at napatingin sa kanya. "Comprehension kasi 'to kaya ako dapat ang gumawa."

"Basta. Tutulungan kita."

Wala na akong nagawa kundi maging inspired sa pag-aaral kasama siya.

"AMI, ASIKASUHIN mo 'yung nasa table 7," utos sa akin ng kapwa ko waitress habang naglilinis ako ng mesang kinaalisan lang ng customer. Bakit pinasa sa akin? Hindi ba pwede siya na rin ang magserbisyo roon?

Pero wala naman akong magagawa dahil mas matanda sa akin iyon at agad ko na lang tinapos ang ginagawa ko saka sinunod ang sinabi nito.

Pagpunta ko sa naturang mesa ay natigilan ako. Ang lalaking nakaupo roon na naka-de kwatro pa ay si Spencer. Bwisit. Sinadya ba 'to?

Pinilit kong huwag ipahalata ang pagkairita ko at pinanatili kong maging kaswal. Pasalamat siya nasa trabaho ako.

Tumikhim ako. "Ano'ng order niyo, sir?" Pero inunahan ko siya bago siya magsalita. "Hindi po ako kasama sa menu."

Umikot muna ang mata niya bago binaba ang tingin sa book menu at matagal na napatitig doon.

Napanggigilan ko ang bolpen. Ang tagal namang mag-isip ng order!

"Tsk, tsk, tsk," paulit-ulit na pagpalatak ko. Makailang ulit din akong napabuntong-hininga sa pagkainip.

Umangat naman ang tingin niya sa akin. Hinintay kong sabihin niya ang order niya pero nagtititigan lang yata kami.

Nang hindi na ako nakatiis, tatanungin ko na sana ulit siya nang sa wakas nagsalita na siya.

"Pasta Con Pomodoro E Basilico and for dessert is... Tiramisu."

Nag-take note agad ako at tatalikuran ko na sana siya nang magsalita siyang muli.

"Here's your tip."

Tip agad?

Ipinatong niya sa mesa ang paper bag na dala niya. "Open it," aniya.

"Huh?"

"Open it now."

Ginawa ko ang sinabi niya. Kinuha ko ang malaking kahong nasa loob niyon. Binuksan ko iyon. Pero box ulit ang laman. Bawat pagbukas ko ay box lang ang laman. Ano ba itong trip niya? Isa na lang talaga, kapag kahon ulit ito yari siya sa akin pero pagbukas ko ay box iyon ng iPhone7. Original!

"Ito 'yung tip mo sa 'kin?"

Tumango siya. Binuksan ko ulit ang kahon pero... walang laman.

Tinignan ko si Spencer ng masama. Pinaglololoko nga ako ng gunggong na 'to.

"That's your tip. Those boxes. But here's the replacement for your ruined fake iPhone4." Dumukot siya sa bulsa niya at nilabas ang kumikinang na iPhone7. "I was sanctioned for a school service because you left your junk and I'm the one who was blamed."

"Ganon?" Kaya pala siya nasa library kanina. Akala ko naparusahan sila dahil sa nahuli silang gumagawa ng kababalaghan ni Hina o ng ibang babae.

Binalik ko ang tingin sa iPhone. Nanlaki ang mga mata ko at humanga sa taglay na kaanyuan niyon.

Hindi na ako nag-alangang kuhain iyon agad. "Sige salamat." Iniwan ko na siya upang ipaluto ang order niya. Well, medyo gumaan na ang pakiramdam ko mula sa pagkasira ng dati kong phone.

ExhibitionWhere stories live. Discover now