Vol. 3 Code Twenty Two: "Drag into the Deep"

820 87 16
                                    

Code Twenty Two: "Drag into the Deep"

*****

---Pak! Pak! Pak!

Sige na naman...masira ka na!

---Pak! Pak! Pak!

Konti pa....!

---Pak!

"Aray!"

Agad na nabitawan ng binatang si Fillan ang hawak niyang malaking tipak ng bato matapos niyang aksidenteng mapukol ang sarili niyang kamay. Sinusubukan kasi niya na sirain ang kadenang nakakabit sa kaniyang mga paa sa para magkaroon siya ng pagkakataon na makatakas.

"Aray...ang sakit..."

Dahil doon kaya hindi na muli tinangka ni Fillan na sirain ang kadena gamit ng bato sapagkat wala namang nangyayari sa kaniyang ginagawa. Lalu lamang din siyang nawawalan ng pag-asa na magagawa pa niyang makatakas mula sa kaniyang kinalalagyan.

Ano nang gagawin ko ngayon...

---Huwag kang matakot, hindi ka na mag-iisa...---

Ito ang mga katagang iniwan ni Noah na tumatak sa isip ng binatang si Fillan, bagay na kahit papaano ay nagbibigay sa kaniya ng pag-asa.

Noah...

Sa gitna ng kaniyang pananahimik ay bigla siyang may narinig; tila isang bagay na tumama sa rehas na bakal mula sa taas. Hindi nagtagal ay nalaglag mula roon ang isang dilaw na bola na kasing laki ng kaniyang kamao. Lumagpak ang bolang ito sa lupa malapit lang sa kaniya.

B--bola?

Hindi maiuunat ni Fillan ang pareho niyang mga kamay sapagka't nakaposas din ang mga ito at limitado lang ang distansya na magagawa ng mga ito na maabot. Kaya naman sinubukan niya na abutin nalamang ng kaniyang kanang paa ang bola papunta sa kaniya. Nang sapat na ang distansya ng bola para maabot ng kaniyang kamay ay saka lamang niya ito pinulot at pinagmasdan.

Nahulog ito mula sa taas?

Ito na marahil ang pagkakataong hinihintay ng binatang si Fillan; nakatititayak sya na may tao sa taas na maaaring hindi pa nakakalayo at pwede niyang hingian ng tulong. Kaya naman...

"Tulong!!!" ubod-lakas na hiyaw ni Fillan. Mga ilang sigundo pa ang pinalipas niya bago siya muling sumigaw....

"May tao ba dyan!!!"

Hinihintay ni Fillan na may tumugon sa kaniyang panawagan, subalit wala paring dumudungaw sa rehas na bakal.

Hindi, hindi ako pwedeng sumuko ngayon...

Kaya sinubukan parin ni Fillan na sumigaw para humingi ng tulong...

"Pakiusap! Kung may nakakarinig sa akin sa taas! Tulungan nyo ako!!!"

Ilang minuto pa ang lumipas, pero walang tumugon sa kaniya. Gusto na niyang maiyak dahil sa kawalang-pag-asa, nang biglang....

---May tao ba dyan?!

Isang tinig ang tumugon sa kaniyang paghiyaw. Bagama't hindi klaro ang tinig, ngunit alam niyang may taong tumugon mula sa taas sa kaniyang ilang beses na pagsigaw.

"Tulong!!!" muli pa niyang hiyaw sa huling pagkakataon. Maya-maya pa ay naramdaman niyang yumanig ang rehas na bakal. Mga dalawang beses niyang naramdaman ang malakas na pagyanig mula sa taas na parang sinusubukan na sirain ang rehas na bakal. Sumaboy sa kaniya ang pailan-ilang pulbos ng lupa at buhangin na dulot ng pagyanig mula sa taas. Kahit paaano ay bahagya siyang nabunutan ng tinik dahil alam niyang may sasagip na sa kaniya, subalit biglang nahinto ang mga pagyanig at wala na siyang anumang naririnig mula sa taas....

Code ChasersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon