***

Senda's P.O.V.

"Masayang-masaya ako. Nagtagumpay tayo! Ngunit...may bago tayong suliranin, Rosalia." ani kuya Popoy nang muli kaming magkita sa Nagadmalan.

"Ano?"

"Inutusan ako ni Marietta gumawa ng paraan upang makita at makausap niya ng personal ang bagong Reyna ng Mashuria. Wala pa sa panahon upang malaman niya na ikaw ito.  Anong gagawin natin?"

"Ang sabihin mo'y ayoko."

"Rosalia." Napatawa si kuya Popoy, "kilala mo si Marietta.  Hindi uubra ang ganyang klaseng sagot.  Lalo lamang itong magpupumilit at mag-iisip ng kung ano-ano."

Sandali akong nag-isip, "sige. Magkita kamo kami." Ako naman ang ngumisi rito.

"A-ano?"

"O, kita mo?  Kahit na no pa ang isagot ko, tutol ka."

"Paano ka pa makakalapit sa kanya para malaman mo ang mga plano niya laban sa Edenus kung lalantad ka?"

May punto naman ito kaya saglit kong pinag-isipan. "Marami na ring nagsususpetsa sa akin sa Mashuria. Kahit na may takip ang kalahati ng mukha ko'y marami ang nakakapansin na kamukha ko raw ang Reyna ng Edenus. Pasasaan ba at hindi na rin ako makakatanggi kung sino ako. Pagod na rin akong magpanggap, kuya Popoy. Ayoko na. Masyado nang matagal ang paghihirap dito sa kalooban ko. Ngayong nakuha ko na ang Mashuria, nais ko nang makasami si Luis at ang aming anak. Pero kailangan kong gawin ito sa tamang panahon. Kapag nailatag na ni ate Marietta ang kabuuang plano ng idideklara niyang digmaan laban kay Luis sa pamamagitan ni Jasper. Sa tamang tiyempo na hindi na niya maaaring ibahin o iatras ito. Lalantad na ako.  Sa magaganap na digmaan, magpapakita na ako sa lahat, pati na rin kay Luis."

***

[Editor's note:  The next events are sychronized with the incidents that took place in Jasper, the Demon Slayer, Kabanata 38 to 50]

Lucio's P.O.V.

"Ama!" Humangos si Katrina sa akin sa Hardin. Sa malayo pa lamang ay natatanaw ko na ang hawak-hawak nitong pergamino. "May natanggap akong bagong babala."

"Anong nakalagay." Kinuha ko agad ang pergamino at binasa.

Papatayin ni Marietta si Alfredo de Asis. Ipadadakip nito ang anak nitong si Manuel at lahat ng mga taong malalapit kay Jasper. Ibibintang niya ang lahat ng ito sa iyo. Gagamitin niya ito upang manipulahin at galitin ang kanyang apo laban sa iyo. Maghanda kayo ng malaking hukbo tatlong araw mula ngayon upang maunahan niyo sila. Sasalingitin ng grupo ni Jasper ang malaking kuwartel at piitan ng mga Aswang sa timog-silangan, hindi upang sakupin, kundi upang patayin si Lucio.

"Anong gagawin natin, Ama?" Bakas sa mukha nito ang labis na pag-alala. "Kung ikaw ang pakay ni Jasper doon, hindi ka maaaring sumama. Ako na lamang paparoon."

"Hindi puwede! Dito ka lang!"

"Ano, para hayaan kang patayin ng Jasper na 'yon? Hindi puwede, Ama! Kung hindi ka rin lamang mapipigilan, sasama ako, para ako mismo ang pupugot sa ulo ng maglelang na 'yan!"

***

"Positibo po naming nakilala si Manuel de Asis," pag-uulat sa akin ni Ador, " —ang pinsan nitong si Astrid, at ang asawa ni Jasper na si Jordanna sa piitan ng mga Aswang sa kuwartel natin sa timog-silangan. Hindi pa po namin natutukoy kung sino ang nagdala at nagkulong sa kanila ro'n. Ngunit mukhang eksakto ang mga pangyayari sa nakasulat sa babalang natanggap natin, dahil nabalitaan na rin po namin ang nangyari kay Alfredo. Natagpuan daw po ang bangkay nito sa bubungan ng mga Toledo. May nakaipit pa raw sa katawan nitong sulat na nagmula diumano sa yo, upang hamunin si Jasper na makipagkita sa 'yo sa itim na burol, kapalit sa buhay ni Manuel."

Hindi bago ang taktika kaya hindi na ako nagulat. Ngunit bagaman hindi na ako nasurpresa, ay hindi ko pa rin mapagilan ang matinding inis na nararamadaman ko. Sadya yatang napakatanga na nitong Jasper upang hindi man lamang nakakahalata na naiisahan at nagagamit na siya ng lelang niyang impakta.

Ngunit nang dahil sa mga pangyayaring ito'y nagiging mas malinaw na sa akin ang pailalim na plano ni Marietta na maging ang apo niya ay wala ring kamuwang-muwang. Ginagamit lamang nito ang kanyang apo upang mapatay ako upang tuluyan na niyang maangkin para sa kanyang sarili ang lahat ng kapangyarihang maiiwanan ko. Kapag nangyari iyon, siguradong ang anak kong si Katrina ang susunod niyang pupuntiryahin at pahihirapan. Kaya gustuhin ko mang mamahinga na'y hindi ko naman maaaring iwanan ang aking anak habang humihinga pa rin si Marietta. Papatayin ko muna siya bago ako umalis. Siya muna ang dapat na mawala rito sa mundong ito, bago ako.

"Ihanda niyo na ang kalahati ng ating hukbo." Utos ko kay Ador, "habang ang kalahati ay kailangang manatili rito sa Edenus upang masiguro ang lahat ng lagusan. Pupunta na tayo ngayon din."

***

Dumanak ang dugo at mahusay ang lahat ng mga sumalingit sa panig ni Jasper, ngunit hindi naman sapat ang kahusayan nilang iyon upang maungusan nila ang aming panig.

"Ano bata?! Mamili ka. Magpapakamatay ka lang ng kusa rito sa harapan ko, o ako na mismo ang papatay sa 'yo?" Sinabi ko lamang ang mga katagang iyon upang kantiyawan ito.  Sinundan 'yun ng umaalingaw-ngaw na pagbubulungan ng mga nasa paligid. "Ayaw mong sumagot? Hala! Pagbaling ko sa isa sa mga sarangay sa aking panig, "gusto kong dalhin n'yo rito sa harapan ko ang hambog na Jasper na 'yan!"

Agad na kumilos ang mga inutusan kong sarangay. Nagwawalang kumikilos din naman ang mga natitira nitong mga kakampi upang harangan ang dinadaan ng mga ito papunta sa kanya. Nag-umpisang muli ang kaguluhan ng dahil sa pangyayaring iyon. Patay kung patay na muling nagsalpukan ang magkabilang panig.

Muli kung kinantiyawan si Jasper dahil sa unti-unti nilang pagkalipol. Ngunit agad din naman akong napahinto at kinabahan nang matanaw ko ang unti-unting panlulumo at pagtigil ng Bagito sa pakikipaglaban habang marahan nitong itinatarak ang hawak niyang espada sa sarili nitong dibdib. Agad ko namang nabatid na magpapakamatay nga yata ito, tulad ng pangangamtiyaw ko rito.

"H-hindi...'wag Jasper!" Sigaw ko. Ngunit natabunan na ng matinding ingay ang aking tinig. "P-pigilan niyo! Tarantado ka hindi ka puwede mamatay!" Mabilis akong nakipagbuno upang makalusot sa kalagitnaan ng kaguluhan. "Jasper, gago ka duwag! Tangina—tumabi nga kayo!" Tinabig ko ang lahat ng mga bumabara sa dinaraanan ko.

Ngunit hindi pa man ako tuluyang nakakalapit ay tuluyan na nitong naitarak ang espada sa kanyang dibdib.  Siya ang nagsaksak ngunit ako itong nanginginig at kinakapos sa paghinga. Hindi ko na rin napigilan ang hindi ko inaasahang paglandas ng mga luha sa magkabila kong mata.

Ang kapahingahan kong hinintay ko sa napakahabang panahon ay mawawala rin pala agad sa isang iglap. Tangina, Jasper, anong klaseng pagpapalaki ba ang ginawa ng lelang mo sa 'yo at naging ganyan ka kahina?!

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now