"Hindi mo pa rin ba nahuhuli kung sino ang nagbibigay sa iyo ng mga babalang ito?" 

Umiling ito, "pinababantayan ko na nga ng walang palya ang aking silid, ngunit ni isa sa kanila ay walang nakakahuli sa nagpapadala sa mga babalang ito."

"Mukhang may tumutulong sa atin sa loob ng kampo nina Marietta, Panginoon." Pagsabat ni Alejandro. "Dahil kung walang nahuhuli ang mga nagbabantay sa silid ni Prinsesa Trina, ay mayroon namang ilan na nakakita ritong pumupuslit palabas ng Edenus. Isa raw itong babae."

"Babaeng tagalabas ang nagbibigay ng babala?" Ako kay Alejandro. "Pero paano nakapasok ang isang tagalabas sa Edenus? Sino-sino ang mga kawal na nagpapasok dito?"

"Ilang beses ko nang pinapalitan ang mga nagbabantay," sagot ni Katrina, "ngunit sa sikretong lagusan daw ito lumulusot. Pero paano ba makakalusot ang sinuman sa sikretong lagusan nang walang susi na nasa pangangalaga mo, Ama? Ni ako nga ay walang susi roon kundi ikaw lamang, kaya paano siya makakaraan doon nang walang pahintulot na nagmumula sa 'yo? Nasa iyo pa ba ang susi, Ama?"

Napaisip ako at pinilit na inalala.  Nasaan na nga ba ang susing iyon?

***

"Si Marikit ang huli niyong pinahiram ng susing iyon maraming taon na ang nakalilipas," pagpapaalala sa akin ni David nang makabalik na kami sa Edenus. Hinalikwat ko na ang lahat ng aking kahadeyero, ngunit hindi ko makita ang susing iyon. "Nabawi niyo po ba ito sa kanya?"

Tumango ako, "Oo, pero..." pilit ko pa ring hinahalukay ang alaala ko.

"Hindi niyo po ba naitago?"

"I-ipinatago ko muna ito kay—"

"Kay?"

Napatingin na ako kay David kasabay ng unti-uting pagtindi ng tibok ng puso ko, "—Senda."

***

Senda's P.O.V

"Halos burado na ang sunog sa balat mo, Rosalia." habang magkasabay kaming naliligo ni Tiya Hasmina sa malinaw na batis ng Nagadmalan. 

Ngunit hindi ako nagsalita. Malalim ang iniisip. Hindi pa kasi dumarating si Kuya Popoy na siyang inaasahan kong mag-uulat sa akin kung ano na ang nangyari sa plano nilang paglusob sa teritoryo ni Luis sa Timog.

"Hinihintay ko lamang po si kuya Popoy pero kailangan ko ring bumalik agad sa Mashuria, Tiya." Sagot ko nang maglaon.

"Pero, kararating mo lang ah." Nakabungisngis ito sa akin dahil isa iyon sa aming mga biruan dahil sa pagkakaiba ng takbo ng oras. Alam niyang hindi ako maaaring magtagal sa Nagadmalan ng higit pa sa isang oras, dahil alam rin nito na hindi ako maaaring mawala sa Mashuria ng higit pa sa isang linggo (1). Patuloy pa rin kasi na pagkapit ni Lambino sa kapangyarihan, sa kabila ng higit na sa kalahati ng mga Mashurian ay nasa panig ko na, bilang ang muling nabuhay na si Czarina. "Ayaw mo ba talagang tulungan kita roon?"

"Tiya, hindi naman sa ayaw. Sapat na sa akin na ipinahiram mo sa akin ang iyong hukbo noong una upang mapasok ko ang Mashuria para tahasang magdeklara ng digmaan sa aking Ama. Ngayon na may sarili na akong hukbo, ayoko nang madamay ka pa.  Hindi alam ni Lambino na ikaw ang tumulong sa akin, dahil ang akala pa rin nito ay mga rebeldeng Mashurian ang kasama ko noong una kong pagsugod, at nais kong manataling gano'n upang hindi ka nito mapagdiskitahan, alang-alang na rin sa katahimikan ng iyong nasasakupan."

"Manang-mana ka talaga sa kapatid kong si Czarina."

Napangiti ako, "paano mo naman nasabi?"

"Bukod sa magkamukhang-magkamukha kayo, pareho rin kayong parating iniisip muna ang kapakanan ko.  Hindi pa man niya naipapasa sa akin ang kanyang korona noon ay parati na nitong pinakakampante ang loob ko at lagi rin nyang iniisip ang kaligtasan at kapayapaan ng Nagadmalan. Kaya nga kahit labag sa kanyang kalooban na pakasalan ang iyong Ama ay tinanggap niya ito, kapalit ng protekson ni Edwino, laban sa iba pang mga kaharian na nais sumakop sa atin."

"Sana nga lang ay magtagumpay ako para sa kanya, Tiya."

"May gusto sana akong itanong sa 'yo."

"Ano po 'yun?"

"Matagal-tagal mo na ring ipinaalam kay Marietta na buhay ka, pero bakit hindi ka pa rin nagpapakita kay Lucio?"

"Bukod sa ginamit ko ang sikreto para patuloy na makuha ang tiwala ni ate Marietta ay batid kong tama si kuya Popoy na hindi maaaring hindi ito makikialam sa mga kailangan kong gawin. Kaya nga, kahit alam ni kuya Popoy na nakaligtas ako, tinanggap na lamang niya ang katakot-takot na mura, poot at panunumbat sa kanya ni Luis. Kapag nalaman ni Luis na buhay ako nang wala sa tamang tiyempo, siguradong ikukulong na naman ako no'n sa Edenus para laging masiguro ang kaligtasan ko.  Alam ko naman na ginagawa niya ang lahat ng iyon dahil mahal niya ako, ngunit ng dahil din sa labis na pag-alalay, pagkalinga, at pagkupkop niya sa akin ay hindi niya namamalayang natatanggalan na rin niya ng katuturan ang buhay ko bukod sa maging asawa niya."

Napatawa si Tiya Hasmina, "ibang klase ring magmahal si Lucio, ano? Magagalit ka ba sa akin kung sabihin ko na dati ko ring hiniling na mapangasawa ito?"

Nanlaki ang mga mata ko, "nagbibiro ka ba, Tiya?"

Umiling ito; nakaipit ang mga labi upang iwasan ang mapabungisngis, "Noon 'yon, noong prinsesa pa ako at hindi ka pa naipapanganak. Wala naman yatang prinsesa ang hindi nagkagusto sa kanya kahit noong unang panahon pa. Ang kaso, ayaw raw nitong mag-asawa noon. Puro mga Kalunya lamang para sa alam mo na, sa ibang pangangailangan ng mga lalaki."

Bigla akong naging interesado, "marami ba siyang naging Kalunya noon?"

Muling napatawa si Tiya Hasmina, "ba't di mo tinanong?"

Ngumuso ko, "ayoko, baka magselos lang kasi ako tapos pag-awayan lang namin."

"Ang alam ko, marami-rami rin. Marami kasi hindi raw ito umuulit tapos pakikipagtalik lamang talaga ang habol niya. Ni hindi nga rin daw nakikipag-usap man lang sa katalik niya. Ayaw niya ng pangmatagalang relasyon at dineklara pa nga nito minsan noon na wala siyang balak bigyan ng Reyna ang Edenus. Para lang daw klaro sa mga nag-aambisyon na wala siyang balak mag-asawa. Kaya nga medyo nawalan na rin ako ng ganang magpantasya sa kanya noon dahil wala naman akong ambisyong maging Kalunya lang 'no."

"Kaya ba hindi ka na nag-asawa?"

"Hindi ah, marami-rami na rin akong..."

Ako na napabungisngis, "'Wag mong sabihin na mayroon ka rin ng mga lalaking katumbas ng Kalunya rito?"

Tumango ito kaya pareho na kaming napahagalpak ng tawa.

[ITUTULOY]

Footnote

(1) Time Difference Reminder:  1 Hour in Nagadmalan = 1 Week on Earth/Edenus/Mashuria

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now