***


Lucio's P.O.V

Pinagkaguluhan ako ng mga nilalang sa pagbabalik ko sa palasyo na buhat ang aking anak. Galak na galak ang mga ito na wari'y nasasabik na masilayan ang sanggol na nasa aking mga bisig.

"Napakaganda niya, Panginoon." Ani Patruska, "Kumikislap siya, tulad ng isang tunay na maharlikang Engkantada. Anong pangalan niya?"

Naalala kong pangalang namutawi sa bibig ni Senda, "K-Katrina." Nananatili akong balisa habang nagdiriwang ang lahat ng mga nakapaligid sa akin.

Ano bang nangyari? Habang pilit kong inaalala ang mga naganap. Bakit nagkagayo'n si Senda? Bakit kumampi na ito ngayon kay Marietta? Bakit kusang ibinigay sa akin nung lalaking kasama niya ang aking anak na tila ba sinasadya nitong maitatakas ko ang bata na labag naman kay Senda? Matay ko mang isipin ay wala akong naiintindihan sa mga naganap. Gano'n na ba katindi ang epekto kay Senda ng huli naming pag-aaway? 

Hindi. Hindi ito maaaring mangyari. Kailangan kong balikan si Senda upang bawiin ito. Hindi ako mabubuo kung wala siya. Kailangan din ng aming anak ang kanyang pagkalinga. Ngunit dito lamang dapat siya sa Edenus alang-alang sa kaligtasan nilang mag-ina. Kailangan kong gawan ito ng paraan sa lalong madaling panahon.

"Lucio." Pagtawag sa akin ni Delfin sa kalagitnaan ng aking pagkatulala.  Agad naman akong natauhan.  

Nilingon ko ito, "bakit?"

Umiiling-iling ito.  "Mukhang hindi na magtatagal si Edwino. Nagtagumpay kaming pabalikin ang barang kay Marietta ngunit malaki ang naging pinsala pinakahuling mga insektong ipinadala nito kay Edwino dahil ang kanyang puso at baga na ang napuruhan ng mga ito. Maaari na itong mamatay anumang oras at alam niya ito. Kailangan ka raw niyang makausap ngayon mismo."

***

Umagos ang luha ni Edwino nang ipinakita ko rito ang anak namin ni Senda.

"Apo ko ba ito?" Anito, "h-hindi man natupad ang mas dapat mong napangasawa sa aming lipi ay masaya na rin ako na isa sa mga apo ko pa rin ang napangasawa mo, Lucio."

"Bakit? Sino ang dapat kong napangasawa sa iyong palagay?"

"M-marahil ay hindi mo ito kilala sapagkat sanggol pa lamang ay pumanaw na ito. At naging napakasaklap ng kamatayan nito kaya ipinagbawal ko noon ang mapag-usapan ang nangyari. Iyon ang apo ko sa unang asawa ni Lambinong Reyna ng kaharian ng Nagadmalan. Ayon sa propesiya, iyon ang nakatakdang mapapangasawa ng prinsipe ng sinaunang Elysio upang muling mabuo ang nahating kaharian. Ngunit palagay ko nga'y nagtagumpay ang aking anak na si Lambino na hadalangan ang katuparan ng propesiyang iyon dahil siya mismo ang pumatay kay Rosalia—saglit itong hindi nakapagsalita. "—naging napakalupit ng pamamaraan niya ng pagkitil sa buhay nito. Inaamin ko na hindi ako naging mabuti. Tutol rin ako na mabuong muli ang Elysio dahil ang ibig sabihin noon ay mawawala na ang aking position at kapangyarihan, marami rin akong kasalanan at kasamaang nagawa sa buhay ko, at hindi rin naging maayos ang pagpapalaki ko sa aking anak, ngunit hindi ko kayang sikmurain ang kasamaang namamayani kay Lambino. Hindi ko alam kung paano niya nasisikmurang pumatay ng mga sanggol—ang sarili niyang mga anak— na mas masahol pa sa isang Aswang na Matruculan!"

Nangunot-noo ako sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita dahil kilala ko ang Reyna ng Nagadmalan. Si Czarina, ang magiting na Reynang Engkantada mula sa kaharian ng matatapang na kababaihan.  Hindi ko ito nakaaway ngunit hindi ko rin it nakakampi, dahil sapul sa mula ay mas malapit ito kay Edwino. Batid kong ito ang una at tunay na asawa ni Lambinong nabitay sa salang pagtataksil at rebellion. Ang hindi ko alam ay ang pagkakaroon nito ng anak?

Maya-maya pa'y may dinukot ito sa kanyang tagiliran.  Isa itong lumang pergamino. Ibinigay nito ito sa akin.

"Ano ito?"

"A-ang mapa na naging mitsa ng buhay ko." Umuubo-ubo ito. "Ang mapang gustong makuha sa akin ni Lambino at ni Marietta. Ngunit hindi ko maaaring ibigay ito sa aking anak sapagkat hindi sa akin ito.  Hindi ito kasama sa kanyang mamanahin sa akin."

Sinipat ko ito. "Mapa ng ano ba 'to?"

"Y-yan ang mapa ni Cephalas at Armentarius. N-nakasaad sa mapang 'yan k-kung saan nakabaon a-ang mga kayamanang i-ipinamana sa 'yo ng iyong tunay na mga m-magulang. K-kailangan mong makuha ang mga korona.  Kasama ito sa m-malaking baul na puno ng mga pulang rubi at berilo, sapiro, musgravite, itim na opal, carbonado at maliliit na bara ng ginto.  Gaano man kalaki ang halaga ng mga bato at gintong naroon para sa mga taga-lupa'y mas magiging pinakamahalaga naman para sa iyo ang mga korona. Sikapin m-mong nakuha ang mga korona kahit na hindi mo na makuha ang iba pang mga kayamanang kasama nito."

"Ano bang meron sa mga koronang iyon? Kung mga palamuti lamang iyon at alahas ay ba't di mo na lamang ibigay sa iyong anak upang matahimik na ito at para lubayan na niya ako? Madalas mo naman akong nakikita kahit noon pa, hindi ba? At alam mong hindi ko mahilig magsuot ng korona at kung ano-ano pang alahas!"

Umiling ito, "hindi basta-bastang mga alahas at palamuti ang mga koronang iyon, Lucio.  Makapangyarihan ang mga koronang iyon ng iyong mga magulang. May kapangyarihan ang mga ito na magpasunod sa lahat ng uri ng Elemento at mga Espiritu sa ilalim ng langit."

"Hindi pa rin ako intersado." Walang gana kong sagot, "Ang gusto ko lamang ay makapamuhay ng tahimik. Bakit hindi na lamang natin ito panatiliing nakabaon sa lupa?"

"H-Hindi na ligtas ang lugar na pinagtaguan ko sa mga ito sa mundo ng mga tao dahil sa walang habas na pagmimina ng mga ito.  Hindi ito maaaring mapasakamay ng masasamang nilalang, mapatao man, engkanto, o maging mga Anghel. Kapag si Marietta at Lambino ang nakakuha ng mga ito, sa palagay mo ba'y hahayaan ka nilang makapamuhay ng tahimik?  Hindi, Lucio.  Dahil oras na makuha nila ang mga iyon ay katapusan na rin ng lahat ng itinayo mo rito sa Edenus. Sasakupin nila ito at wala kang magagawa. Hindi mo rin makakamit ang kapayapaang gusto mo kung patuloy kang magpapabaya at mawawalan ng pakialam. K-kung ayaw mong gawin ito para sa iyong sarili, gawin mo ito para sa aking apo." Muli nitong tiningnan si Katrina, "para sa seguridad ng kanyang kinabukasan."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now