TnE 23: Elvie

46 2 4
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Elvie ||

"E-Evan."

Tila sandaling tumigil ang pag-ikot ng mundo habang pinagmamasdan ko siya. Sa nakalipas na apat na taong hindi kami nagkita, marami-rami na rin akong napansing pagbabago sa kaniya.

Naging mas makisig pa ang kaniyang katawan na marahil ay dahil sa kaniyang tungkulin bilang Punong Heneral sa Bayan ng Bullis. Kapansin-pansin na rin ang mga maninipis na balbas at bigote sa kaniyang matapang na mukha. At ang kaniyang buhok, parang kalbo na ang pagkakagupit ngunit may dalawa o tatlong pulgada pa rin ang haba.

Ayaw ko man aminin ngunit hindi ko maitatanggi sa aking sarili na mas naging kaakit-akit ang angking kagwapuhan nito. Sa edad nitong dalawampu't siyam, malayong-malayo na talaga siya sa dating Evan na una kong nakilala.

Gayunpaman, sa lahat ng kapuri-puri sa angking kagwapuhan nito, nasisira naman ito ng namumula at tila nagmamakaawa niyang mga mata na nakatitig sa akin ngayon.

Nahugot lamang ako sa pagkakatulala at sandaling pagtitig sa kaniya nang bigla siyang lumuhod sa aking harapan. Tumingala siya sa akin at doon ko nakita ang mga luha na nagbabagsakan na sa kaniyang mga mata.

"E-Ellai. Ellai, iligtas mo ang anak ko. Iligtas mo si Elvie, pakiusap," nagsusumamo nitong pakiusap, halos yumakap na siya sa aking mga hita.

Tila may tumusok sa aking puso nang marinig ko ang pakiusap at hikbi niya. Bumalik sandali sa aking isipan ang nagawa niyang kamalian dahilan ng paghihiwalay namin. Ngunit nang makita ko ang kaniyang anak na nag-aagaw buhay, itinulak ko lahat ng masasakit na alaala ng nakaraan.

"Tumayo ka, Evan," ani ko at pilit siyang hinila upang itayo. "Hindi mo kailangang lumuhod sa aking harapan. Gagawin ko ang makakaya ko. Magtutulong-tulong kami upang mabuhay siya. Babalik si... si Elvie sa iyo."

Umiwas ako ng tingin sa kaniyang mga mata. Palihim akong humugot ng malalim na paghinga bago tumalikod sa kaniya.

"Dito lang kayo. Ava, Ga'an, kayo na ang bahala kay Evan. Papasok na ako."

Iniwan ko na silang tatlo at ako'y pumasok na ng silid. Itinakwil ko ang lahat ng mga gumugulo sa aking isipan dahil mas higit na kailangan ang presensya at buong atensyon ko rito ngayon.

Pagdating ko kung nasaan nakahiga ang anak ni Evan ay tila nanlamig ako at nanlumo sa aking naabutan.

"A-anong nangyayari? B-bakit... bakit tumigil na kayo?" nangangatal kong tanong sa apat na Maaram na nakapaligid sa kaniya.

Humarap sila sa akin at nang makita ko ang pare-parehong lungkot na nakapinta sa kanilang mga mukha ay napailing ako.

"H-hindi! Subukan pa natin! Hindi siya pwedeng mamatay! Naghihintay ang ama niya sa kaniya!"

Nanginginig ang katawan na lumapit ako sa hinihigaan ng bata. Halos lumabas ang aking puso sa kalagayan nito— nangingitim na ang kaniyang balat at hindi na rin humihinga.

"Hindi na kinaya ng bata, Ellai. Umabot na sa kaniyang puso ang misteryong lason at nasira na ang kaniyang baga," ani ng babaeng Maaram na hindi na mapigilan ang umiyak.

"Hindi! M-may magagawa pa tayo. Pakiusap... pakiusap subukan pa natin. Susubukan ko!"

Ipinatong ko ang aking kamay sa dibdib ng bata at sinimulan itong bawiin kay Kamatayan.

"Elvie, gumising ka, naghihintay ang Tatay Evan mo sa iyo. H-huwag mo siyang iiwan, Elvie," naluluha kong bulong habang nagliliwanag ang aking mga kamay.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Onde histórias criam vida. Descubra agora