TnE 12: Simula ng Bangungot

31 3 7
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Simula ng Bangungot ||

Malalim na ang gabi at nasa kalagitnaan na ng pagkakahimbing ang buong munting baryo nang bulabugin ang katahimikan ng isang malakas na tili.

Napa-igtad ako sa isang sulok ng maliit naming kubo sa gulat.

"Ano 'yun?" ani ina nang maalimpungatan sila sa malakas na pagsigaw.

"Sandali at titignan ko. Dito na lamang kayo ni Ellai," sabi naman ni ama habang nagbibihis ng damit at lumabas ng kubo.

"Nanay, ano po 'yun?" tanong ng batang ako na pumupungas pa sa papag. Tumabi sa kaniya si ina.

"Hindi ko rin alam, anak. Hayaan mo na 'yun, matulog ka pa."

Humiga pa silang dalawa sa papag at nagyakap. Mukhang walang pagkabahala sa kanilang mga mukha ngunit ako, halos hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig sa sobrang panlalamig.

Sa tagal na at ilang buwan na yatang dumaan sa paglalakbay diwa kong ito ay ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong panlalamig.

Namayani ang nakakakilabot na katahimikan. Nawala ang ingay ng paligid; ang awitan ng mga kuliglig at maging ang ihip ng hangin.

"Hindi. 'Wag naman sana," bulong ko sa aking sarili ngunit nangangatal na ang aking mga labi.

At 'di pa nga nagtagal ay muli kaming ginulat nang pabalagbag na pagbukas ang pinto at humahangos na pumasok si ama.

"Elias? E-Elias, anong nangyayari?" tanong ni ina na napabangon sa biglang pagpasok ni ama. Maging ang batang ako ay nakaupo na rin sa papag.

"Kailangan na nating umalis, Alyana, may mga sumusugod sa baryo! Pinapatay nila ang mga ka-baryo natin!" bulalas ni ama ng balitang kinakatakutan kong makita muli sa ikalawang pagkakataon.

Hinablot ni ama ang batang ako at binuhat palabas ng bahay. Nakasunod naman si ina sa kanilang likuran at ako ay nakalutang sa hangin na parang multo sa likuran nila.

Paglabas pa lang namin ng kubo, ang nagkakagulo at mga nagliliyab na kubo agad ang bumungad sa amin. Napahawak ako sa aking ulo nang umagos na parang tubig sa ilog ang mga alaala nang nakaraan ng eksaktong pangyayaring ito.

"H-hindi. Hindi! Hindi maaari!" Tinatanggi ko ang mga alaala; ang mga memorya na bigla na lang nagbalikan sa 'di inaasahang pagkakataon.

Napatingin ako sa aking ama at ina na parehong nanlalaki ang mga mata habang nakamasid sa nagkakagulong paligid. Naluha ako at gusto ko silang sigawan, hilahin at ilayo rito agad.

Sa gabing ito; sa mismong harapan ng batang ako... isa-isa silang babagsak.

Mamamatay ang mga magulang ko.

"T-takbo. Takbo! Ama, Ina, takbo!" sigaw ko sa pag-asang maririnig nila ako.

Parang alam na agad ng katawan ko ang susunod na mangyayari at humarap ako sa likuran sa bandang gilid ng aming kubo. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang naglalagablab na apoy na parating sa kubo namin.

"AMA! INA! ILAG!" sigaw ko ngunit 'di nila ako narinig.

Sumabog ang bola ng apoy nang tumama sa aming kubo at agad itong nilamon ng apoy. Tumilapon ng ilang dipa ang mga magulang ko at ang batang ako dahil sa pagsabog.

"A-ama! Ina!"

Lumapit ako sa kanila para tignan ang lagay nila. Pareho silang may malay pa ngunit mukhang iniinda nila ang sakit ng marahas na pagbalibag dahil sa pwersa ng pagsabog.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon