TnE 10: Regalo

13 3 0
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Regalo ||

Mabilis na kumalat sa maliit na baryo ang nangyari kay Dawin lalo na ang paggising ng natatagong kapangyarihan ng aking batang sarili.

Ngayon nga ay nasa labas ng kubo namin ang halos lahat ng mga ka-baryo namin upang malaman ang nangyari.

"Ang ibig mo bang sabihin ay nahulog si Dawin mula sa batuhan at nabali ang mga buto niya't naligo sa dugo, ngunit bigla na lamang nagliwanag si Ellai at himalang gumaling ang mga sugat at baling buto ni Dawin, tama ba, Arnel?" mapanigurong tanong ng matandang namumuno sa baryo. Hindi ko matandaan ang ngalan niya ngunit sa loob ko'y pamilyar siya.

"O-opo, Lolo Nisko, gano'n na nga po," ani Arnel, ang tanging naiwang saksi sa nangyari.

"Matapos ko pong sabihan si Tinang na tumawag ng tulong ay bigla na lamang lumuhod si Ellai sa tabi ni Dawin. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi namamatay si Dawin bago niya itinaas ang mga kamay sa ibabaw ng katawan ni Dawin tapos ay nagliwanag na siya. Noong nawala na 'yung liwanag, wala ng malay si Ellai at si Dawin naman ay wala ng sugat at humihinga pa rin. Pinagaling ni Ellai si Dawin."

Napalingon ako sa aking likuran nang lumabas ng kubo ang aking ama't ina. Lumapit ang lahat para alamin ang kalagayan ng batang ako.

"Kamusta si Ellai, Ernesto, Lani?" tanong ni Lolo Nisko sa aking mga magulang.

"Wala pa rin po siyang malay," sagot ng aking ama. Sunod namang nagtanong ang aking ina.

"Si Dawin po ba? Kamusta ang bata?"

"Maayos na siya," sagot ni Lolo Nisko. "Tulad ni Ellai ay wala pa rin siyang malay ngunit sa himalang nangyari, wala na sa panganib si Dawin."

Nakita ko mula sa kinatatayuan ko kung paano ipagdiwang ng mga taga-baryo ang paggising ng aking kapangyarihan. May hindi man magandang nangyari ngunit tinignan pa rin ng lahat ang paggising ng aking kapangyarihan bilang biyaya at dahil doon ay ako ang naging kauna-unahang Andekas ng aming maliit na baryo.

"Ibig sabihin ay kapangyarihan na magpagaling ang kapangyarihan mo, Ellai. Nakamamangha naman talaga!" ani Dawin na punong-puno ng pagkamangha ang mga mata.

Nandito kami ngayon sa ilalim ng puno ng Acacia na tambayan nila o namin. Sa tatlong araw na lumipas, naunang nagkamalay ang batang ako at kinabukasan naman si Dawin.

Tulad ng sabi nila, himalang wala na ngang baling buto o malubhang pinsala si Dawin ngunit may ilang maliliit na sugat pa rin siya na kinailangan pang i-benda.

"Hindi ko nga alam kung talagang nagawa ko ba 'yun, eh. Kasi naman, sinusubukan ko kung magliliwanag ba ulit ang mga kamay ko pero hindi ko magawa," sagot naman ng batang ako, nakayuko sa nakabukas kong palad.

"Kung magagawa ko pa sana mapapagaling ko pa pati mga sugat mo." Tumingin ang batang ako sa mga benda sa kamay at mukha ni Dawin.

Natawa naman si Dawin at pinalo ang likod ng batang ako.

"Ano ka ba, ayos lang 'yun!" aniya. "Napakalaking bagay na nga ng nagawa mo, eh, pinagaling mo ako at niligtas ang buhay ko. Gagaling din itong mga sugat ko."

"Oo nga!" segunda naman ni Arnel. "Ang buong akala ko talaga ay wala nang pag-asa ngunit isang malaking himala talaga ang nangyari."

"Kung may ibang Andekas lang sana sa baryo natin, malalaman natin at posibleng maturuan ka rin, Ellai," ani naman ni Tinang.

"Naririnig ko nga sila tatay kagabi, nagbabalak silang maglakbay upang maghanap ng maaaring makatulong sa akin at gumabay sa akin," sabi ng batang ako sabay taas ng palad sa hangin, nakangiti itong pinagmasdan ng apat.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Where stories live. Discover now