TnE 8: Ang Misteryosong Bisita

35 2 4
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Ang Misteryosong Bisita ||

Matapos kumain ng hinandang pagkain nila Pryor Annok at makapagpahinga ay nagpaalam muna akong maglalakad-lakad dito lang sa paligid ng templo. Gusto ko lang ng katahimikan, kapayapaan, at mapag-isa. Mabuti nga at kinailangan ang tulong ni Ga'an nila Tata Tabian para sa paghahanda ng ritwal mamaya kaya't walang susunod-sunod sa akin ngayon.

Naupo ako sa isang upuan yari sa makinis na narra, nasa ilalim ito ng isang puno na ang dahon ay kulay rosas.

Napapikit ako nang umihip ang preskong hangin, humalimuyak din ang mga tanim na bulaklak sa paligid. Sobrang payapa, sobrang gaan sa pakiramdam, tila pinawi no'n ang mga agam-agam na kanina pa ako binabagabag.

Nagbitaw ako ng isang malalim na paghinga at tumanaw sa malawak na kagubatan na abot-tanaw sa ibaba ng bundok. Maaliwalas ang paligid, wala ang makakapal na ulap na harang ng templo kanina kaya't kitang-kita ang paligid sa baba. Hindi na rin mainit dahil halos palapit na ang hapon.

Ngayong nag-iisa ako rito, muli na namang nanumbalik sa aking isipan ang mga iniwang kataga ni Pryor Annok.

"Ellai, apo, bawiin mo ang iyong kapangyarihan. Hindi pwedeng maglaho ang kapangyarihan mo dahil kailangan ka pa ng marami sa takdang panahon. Ibinubulong ng hangin ang isang digmaang parating, malaki ang magiging papel mo at ng kapangyarihan mo roon, Ellai."

Kakailanganin ang aking kapangyarihan sa takdang panahon. Isang digmaan. At ako bilang may malaking papel na gagampanan. Ano ba ang ibig sabihin ng mga iyon?

Sinubukan kong hingan ng paliwanag si Pryor Annok ngunit tanging, "malalaman mo rin ang mga kasagutan", ang kaniyang tugon. Paano ko nga malalaman gayong litong-lito nga ako. May pinoproblema na ako ngayon tapos dadagdag pa ang mga palaisipan na iyon.

Naisip ko tuloy bigla si Andress. Ganito rin ba ang pinagdaanan niya noon? Ang ibig kong sabihin ay halos pareho rin kasi kami ng kailangang pagdaanan— ang balikan ang aming mga nakaraan.

Si Andress, sa totoo lang, hindi ko ni minsan nasabi ngunit hinahangaan ko siya. Hinahangaan ko ang kaniyang katapangan, ang kaniyang determinasyon, at ang kaniyang wagas na pagmamahal para sa lahat ng taong mahalaga sa kaniya.

Hindi kami naging lubos nagkakilala sapagka't panahon ng digmaan noong panahon na nagtagpo ang aming mga landas at bigla rin siyang naglaho na parang bula. Noong nakita ko siya sa aming baryo; sa Barrio Rosa Blanca na ginawang pugad at nilupig kami ng mga Morganians noon sa pamumuno ng isa sa mga Haligi ni Morgana na si Damian, tinawag kaagad ng presensya niya ang aking atensyon.

Natatandaan ko pa noon, nakagapos ako, kasama ang ibang mga Biniyayaan sa aming baryo, lumalakad kami no'n para idala sa isang imbakan nang maramdaman ko ang presensya niya. Hindi niya katawan 'yun, nasa katawan siya ng isa sa mga kulto ngunit alam kong ibang kaluluwa ang nasa katawan ng kulto na 'yun. Natatandaan ko pang nagkatitigan kami no'n bago kami kinaladkad.

Iyon din ang araw na nakilala ko siya at nalaman ko na siya pala ang "Puting Liwanag" na narinig kong hinahanap nila Damian. Nilupig at kinulong kami at ang ibang mga kasamahan ni Andress noon sa aming baryo upang gamitin para makuha nila si Andress.

Ang higit kong ikinahahanga kay Andress kahit na nasa katawan siya ng iba noon ay ang katapangan niya. Ramdam ko ang takot niya noon, nag-iisa lamang siyang sinugod ang baryo namin para bawiin kami. Nagawa niyang mabawi ang mga kasamahan nilang dinakip at naging katulong pa nga ako para pagalingin sila at makatulong sa pakikipaglaban para mabawi ang aming baryo at makalaya kami sa mga kaaway.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon