TnE 1: Epidemya

109 4 2
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Epidemya ||


Malalakas at sunod-sunod na katok sa pinto ng aking silid ang tuluyang gumising sa 'kin. Nakapikit pa man, gumuhit na kaagad ang irita sa aking mukha bago ako dumilat at pabalang na humarap sa gawi ng pintuan.

"G-Ginoong Ellai? Ginoong Ellai, gumising po kayo! Kailangan po ng inyong tulong ngayon sa pagamutan!"

Ano ba naman? Wala pang dalawang oras ngunit pinatatawag na naman ako!?

Isang hingang malalim— kinailangan ko 'yun gawin dahil kung hindi, baka naibato ko na ang paso na nasa tabi lang ng aking higaan sa sobrang inis.

"Sandali lang pwede ba?!" sigaw ko na para tumigil na ang babaeng kawani ng pagamutan sa pagkatok at pagtawag sa akin.

Nang ako'y makalapit sa pintuan, walang kabuhay-buhay, antok na antok at yamot na yamot kong binuksan ang pinto. Nakita ko pa kung paano nagulat ang babaeng nakatayo sa labas ng aking silid.

"Hindi pa ako naghihilik at hindi pa nagtatagal ang aking katawan sa higaan, ni hindi pa nga ako minumuta ngunit binubulabog na naman ninyo ang aking pagtulog. Patayin niyo na lang kaya ako?"

Napayuko na lamang siya at hindi na makatitig sa akin. Sino ba naman ang gustong tumitig sa mga matang sing-talas na ng tabak ngayon? Kung hindi nila ako inaabala, 'di sana'y pare-pareho kaming payapa.

"P-paumanhin, Ginoong Ellai, ngunit pinatatawag po kayo ng Punong Manggamot. K-kailangan po ang tulong ninyo sa pagamutan," nagkakanda-utal niyang turan.

Hindi na ako nagsalita pa, lumabas na lang ako ng aking silid saka lumakad sa tahimik na pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay-panuluyan na inilaan para sa mga kawani ng pagamutan dito sa bayan ng Nebel.

May dilaw na liwanag pa ang mga bato ng oro-oro na nakasabit sa bawat dingding na nagbibigay liwanag sa paligid. Ang makitang may liwanag pa ang mga mahiwagang batong iyon ay isang patunay na hindi pa rin sumisilip ang araw.

Nagliliwanag lang naman ang mga ito sa pagdating ng takipsilim at babalik lang sa tila normal na puting bato pagsapit ng bukangliwayway.

"Ano bang nangyayari at kailangan na bulabugin pa ninyo ang aking pagtulog? Ako lang ba ang Maaram dito? Pagkakatanda ko nama'y nasa labing-lima kaming lahat," tanong ko sa kawani habang kami'y lumalakad palabas ng panuluyan.

Nakakunot pa rin ang aking noo at hindi mawala ang inis sa tono ng aking pananalita dulot ng pag-abala sa aking pamamahinga.

"B-bigla po kasing dumagsa ang bilang ng mga nahawaan ng misteryosong sakit na idinala ngayon sa pagamutan," sagot niya habang humahabol sa aking mabilis na paglalakad.

Inabot niya sa akin ang isang puting roba naming mga Maaram na kanina pa niya bitbit. Walang pagmamadali ko naman itong kinuha at sinuot dahil nanunuot pa rin sa balat ang lamig ng paligid.

Tanging manipis na damit at mahabang pang-ibabang pantulog lamang kasi ang tanging suot ko ngayon. Ni hindi ko na nga nagawang ayusin ang aking buhok na tingin ko'y mas magulo pa ngayon sa pugad ng ibon.

"Alam po namin na kulang ang inyong pahinga at nais kong humingi ng tawad sa aking paggambala. Ngunit si Inang Gana na mismo ang nagpatawag sa iyo dahil kailangan ng karagdagang tulong. Sa mga oras na ito, marahil ay naroon na rin po ang lahat ng mga Maaram."

Napailing na lamang ako at napapikit ng mariin habang hinihilot ang aking sintido. Sumasakit na ang ulo ko sa mga nangyayari at tingin ko'y mas lala pa ito sa mga susunod pang araw.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon