TnE 9: Unang Paggising

38 4 0
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Unang Paggising ||

Lumubog na ang araw at kumalat na ang dilim. Nakatayo ako ngayon rito sa isang bahagi ng gubat malapit lang sa templo. Tahimik ko lamang na pinagmamasdan si Tata Tabian, kasama ang apat pang matatandang babaylan na nakaluhod sa harapan ng isang tila bato na ginawang altar.

May nakapaligid na guhit ng mahika sa paligid ng altar kung saan nakaluhod palibot ang mga babaylan. Naglalabas ito ng pakandap-kandap na asul na liwanag sa bawat saliw ng kanilang hindi maunawaang ritwal at sa bawat kumpas ng kanilang mga kamay.

Halos pigilan ko ang aking paghinga sa magkahalong kaba at antisipasyon. Hindi ko itatanggi ang kabang nararamdaman ko ngayon. 

"Natatakot ka ba?" tanong ng boses na bigla na lamang tumabi sa akin.

Tinignan ko siya sandali, seryoso lang siyang nakatingin sa mga babaylan.

"Hindi," tahasan kong sagot. "Hindi ako natatakot ngunit hindi ibig sabihin na hindi ako kinakabahan."

"Nasabi na nila Tata Tabian sa akin ang pagdadaanan mo sa ritwal na 'yan. Magiging ayos ka lang ba?" aniya na alam kong nakatingin na sa akin ngayon.

"Kaya ako umalis noong araw na sabihin nila ang nangyayari sa akin ay para makapag-isip-isip. Oo, inaamin ko na gusto kong takasan ang ritwal na ito," sagot ko bago humarap sa kaniya.

"Noong araw na nakita mo ako, aalis na sana ako upang ako na mismo ang humanap ng paraan para sa sarili kong suliranin ngunit pwersahan mo akong binitbit kaya't sa tingin mo ba'y may pamimilian pa ako?"

Napangiwi pa siya nang titigan ko siya ng matalas. Siguro naman ay naaalala niya pa ang ginawa niyang pagpasan sa akin na parang sako lang ng palay at pinatulog pa ako.

Bumaling muli ako sa altar at sa mga babaylan.

"Ayaw ko talaga ng gustong paraan nila Tata Tabian, alam kong pipilitin nila akong maglakbay-diwa pabalik sa aking nakaraan. Hindi ko alam kung ano ang makukuha ko roon ngunit alam kong 'yun ang paraang naiisip nilang mainam."

Mas lumapit sa akin si Ga'an at may simpatya niyang tinapik ang aking balikat.

"Halos dekada na rin tayong magkakilala ngunit itong Ellai na nakikita at nakakausap ko pa lamang ang aking kilala," sabi niya na hindi inaalis ang kamay sa balikat ko. Ginamit niya 'yun para iharap ako sa kaniya.

"Alam ko naman noon pa; kita ko sa mga mata mo na marami kang lihim na tinatago. Sa totoo lang, ilang beses kong sinubukan na alamin ang kwento mo sa malalapit na taong nakakakilala sa 'yo— kay Aliah at Tata Tabian. Ngunit naisip ko, mas gusto kong mas makilala ka ng lubusan na ikaw mismo ang nagpapakilala ng iyong sarili." 

Ngumiti siya sa 'kin habang nakatitig direkta sa aking mga mata. Kita ko sa tulong ng kalat na liwanag ng mga nakalutang na butil ng oro-oro sa paligid ang kinang at masidhing emosyon sa kaniyang mga mata.

Yumuko ako at iniwas ang tingin sa kaniya. Pakiramdam ko'y bigla na lamang gumapang ang mga dugo sa aking pisngi na ngayo'y nag-iinit.

Madalas na akong ngitian at titigan ng ganito ni Ga'an kahit noon pang umamin siya sa akin. Ngunit ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong pagkailang sa kaniya na halos pamulahan na ako.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Where stories live. Discover now