TnE 15: Tapang ng Puso

12 2 0
                                    

📖 TUNGKULIN NI ELLAI 📖

|| Tapang ng Puso ||

"Bakit ba kailangan kong pag-aralan ang Mantra na sinasabi ninyo!? Napakahirap naman kasi!" bulalas ng binatang ako at padabog na umupo sa upuang yari sa kawayan.

"Ika-limang araw mo pa lamang ngayon, Ellai! Natural lamang na mahirapan ka sapagka't ika'y nagsisimula pa lamang. Subukan mo rin kasing damhin ang mga itinuturo sa 'yo at ito'y seryosohin," naiiling na wika na lamang ni Tata Tebio.

"Nagseseryoso naman ako, sadyang napaka hirap lamang ng pinagagawa ninyo sa akin!" bwelta ng binatang ako.

"At saka kailangan ba talagang matutunan ko pa iyon?! Ayos naman na na marami na akong alam na estilo sa panggagamot. Tama na iyon!" dagdag pa nito.

Napa-iling at hilot sa sintido na lamang si Tata Tebio. Ngayon pa lang humihingi na ako ng tawad sa kaniya sa pagiging sakit ng ulo ko talaga sa kaniya.

"Ellai, ang Mantra na aming itinuturo sa 'yo ay tiyak na mapapakinabangan mo sa mga susunod na panahon," ani Tata Tebio na pinipilit pa ring maging mahinahon.

"Ang Matra ng mga Puting Talulot ay isang pambihira at tunay na kapaki-pakinabang na estilo lalo na sa panahon ng digmaan. Bakit? Dahil ang Mantra na ito'y may kakayahang abutin ang hindi lang isa o dalawa kundi higit pang bilang upang suportahan. Taglay ng Mantra ng mga Puting Talulot ang kakayahan na manggamot ng maramihan sa iisang pagkakataon at kahit pa hindi mo nahahawakan ang iyong ginagamot basta sila'y nasa ilalim ng iyong Mantra."

Nakataas ang nakabukas na palad ni Tata Tebio at sa ibabaw nito ay may mga puting talulot ng rosas na yari sa purong kapangyarihan. Tila mga tunay na nagliliwanag na puting talulot ng rosas na sumasayaw sa hangin.

Sa pagkuyom ng palad ni Tata Tebio ay kusang natunaw na parang usok ang mga talulot.

"Espesyal ang Mantra na ito sa amin lalo na sa baryo'ng ito sapagka't ito'y nilikha ng unang Maaram ng baryo. Ang kaalaman ay ipinamamana sa mga Maaram ng baryo upang maipagpatuloy ang estilong ito at panahon na para ipamana ang karunungan na ito sa 'yo. Kaming dalawa lamang ni Katalina ang may alam nito at dahil matatanda na kami ay ikaw na ang pamamanahan namin nito."

Si Lola Katalina na mas matanda ng ilang taon kay Tata Tebio. Silang dalawa kasama na ako ang tanging Maaram ng baryo. Katunayan ay pambihira nga na magkaroon ng dalawang Maaram sa iisang baryo o bayan at bilang narito ako ay ako na ang ikatlo at ang pinakabata.

Isang mabigat na hininga ang binitiwan ko sapagka't alam ko na ang sasapitin ng dalawa.

Pairap naman na umiwas ng tingin ang binatang ako na nagmumukmok pa rin na nakatanaw sa labas.

"Hindi naman ako mula talaga sa baryo—"

"Ika'y bahagi na ng Barrio Rosa Blanca, Ellai," mariing putol ni Tata Tebio.

"Isinilang ka man sa payak na baryo ngunit kinikilala ka na bilang bahagi ng baryo kaya't 'wag na 'wag mong iisiping hindi ka nabibilang dito, Ellai."

Hindi naman na sumagot pa ang binatang ako. Tumayo na lamang ito at walang pasabi na lumabas ng kubo. Naiwang bagsak ang balikat ni Tata Tebio at naupo sa iniwang upuan ng binatang ako.

Lumapit ako kay Tata Tebio at may lungkot na tinitigan siya. Kahit na nasa harapan niya lang ako ay hindi niya pansin ang aking presensya.

Sinubukan kong hawakan ang pisngi niya, nagbabakasakali lang naman ngunit tulad ng inaasahan ay tumagos lamang ang aking mga kamay.

Tungkulin ni Ellai [Sansinukob Tales | BL]Where stories live. Discover now