"Kaya pala ano?"

Muling nanghahaba ang leeg ni Matias sa pagtingin sa paligid. "Kaya pala ang dami niyang bilin sa akin bago kita samahan papunta ro'n. Kasama na 'yung, kailangan makuha muna ng Panginoong Lucio ang magiging anak niyo para sa kaligtasan nit—." hindi na nito naituloy ang sasabihin dahil bumalik na si Nana Auring. "S-sige Rosing, usap na lang tayo ulit sa susunod." Kumaway ito kay Nana Auring, "importanteng magkausap tayo nang mas masinsinan bago mo mailuwal ang iyong sanggol."

"H-ha, pero paano kung mapaanak na ako mamaya anong—"

"Nararamdaman mo ba na malapit na?"

Tumango ko, "ang pakiramdam ko, mapabahin lang ako ng alanganin, mapapaanak na ako."

"Ganun ba?" pinapalagitik nito ang magkabilang mga daliri. "Nana Auring!" Biglang pagtawag nito sa matanda.

Lumapit naman agad ang matanda, "O Matias." Nakangisi ito na tila nanunukso sa amin, "itsik ka ba at sa araw ka nanliligaw?"

Kakamot-kamot na napatawa si Matias, "ayos lang po ba na maniligaw ako?" kumukurap-kurap na tumingin ito sa akin upang iparating ang mensaheng 'kunwari lang 'to.'

Lalong napatawa si Nana Auring, "aba, eh kay raming dalaga ang nagkakadarapa sa 'yo rito, hindi ko akalain na mas tipo mo ang mga kagampan? Pero kunsabagay, kung ganito naman kaganda eh paano ba namang hindi ka mabibighani?" kinindatan ako ni Nana Auring, "eh, kung tinatanggap naman ni Rosing ang panliligaw mo eh sino ba naman ako para tumutol?"

Yumuko ako at umiiwas-iwas ng tingin upang magpanggap na kinikilig.

"Eh, gusto ko po sanang magpaalam kung maaari ko po bang maipasyal si Rosing sa aplaya, at mag-ikot-ikot dito lang sa baybayin gamit ang aking bangka?"

"Ngayon na?!"

"Kung maaari po.  Kung hindi nama'y kung kailan niyo po ipahihintulot."

"Aba, eh na kay Rosing ang sagot d'yan. Gusto mo bang mamasyal kasama si Matias?" pagbaling nito sa akin.

Tumango ako, "O-opo. Kung ayos lang po sa inyo."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Ngumisi ang matanda, "aysus...nakakakilig naman kayong dalawa. O sige, pinapayagan kita pero 'yan ay dahil si Matias ang kasama mo. May tiwala ako sa batang ito at alam kong maipagtatanggol ka nito sa mga As—Asungot na lumilipad-lipad. At ikaw naman Matias," pagbaling nito kay Matias, "huwag na huwag mong sisirain ang tiwala ko sa 'yo ha? Bisita ko ito. Pag-iingatan mo, ha? At huwag kayong masyadong lalayo at magtatagal dahil kabuwanan na niyan, baka mapaanak pa 'yan kung saan. Mas mainam na ang nag-iingat."

"Makakaasa po kayo Nana Auring."

***

"Ano 'yung sinsabi mo tungkol dito sa anak ko?" habang nakasakay kami sa kanyang bangkang de sagwan. Siya lamang naman ang nagsasagwan.

"Kailangan daw munang ligtas na mapapunta sa Panginoong Lucio ang inyong anak, bago natin puntahan ang tagpuan ninyo ni Alfonso. Ngunit hindi lamang basta-basta gano'n ang dapat mangyari."

"Anong ibig mong sabihin? Diretsuhin mo na ako Matias."

"Kailangan daw ninyong palabasin kay Marietta na sapilitang dinukot ng Panginoong Lucio ang inyong anak na magiging mitsa ng inyong paghihiwalay at matinding pagkakagalit. Upang magkaroon ka ng lehitimo at mas malalim na dahilan sa paglipat mo sa kampo ni Marietta na magiging kapanipaniwala rito dahil kilalang-kilala raw niya si Marietta.  Napakatalino raw nito at hindi basta-batsa malalansi. Wala itong tiwala sa kahit kanino. Kailangan mo raw gawin ito, upang, tulad niya'y malayang makapapasok ka sa mundo at mga kuta ni Marietta na mas malalim pa sa nakaya niyang abutin. Kailangan mo raw na mas maging malapit ka kay Marietta kumpara sa kanya upang magawa niyo ang dapat niyong gawin na naayon sa plano at mga kaganapan ng mga propesiya tungkol sa hari ng Edenus, sa 'yo bilang Reyna ng Mashuria, at sa inyong anak na magiging Reyna sa muling pagbagon ng kaharian ng Elysio."

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now