KABANATA 113

Mulai dari awal
                                    

Sinuyod nito ng tingin ang kapaligiran.  Animo'y naninigurong walang nakakakita at nakakarinig sa amin, "itatanong ko sa kanya sa muli naming pagkikita," pabulong na pagbaling nito sa akin. "Abangan mo ang mensahe ko. Maglalagay ako ng papel na kulay lupa na binalot sa bato. Ibabaon ko ito sa," muli itong luminga-linga, "sa ikatlong paso ng pandan ni Nana Auring." Inginunguso nito ang bahay nina Tata Pepe. "Ikatlo mula sa likod. Ikalima mula sa harapan. Siguraduhin mong walang makakakita sa 'yo o makakapansin para maaari tayong magpasahan ng mensahe sa gano'ng paraan.." 


****


Lucio's P.O.V.

"Normita?  Sino si Normita? Kaano-ano mo si Normita?" matapos nitong sabihin sa akin ang pangalan ng diumano'y kakilala niya sa Santa Fe.  Nahihilo na ako sa sarili kong paikot-ikot, dahil hindi na ako makapaghintay na masundo si Senda.

"Si Normita ay isa sa mga nakababata kong pinsan."

"Mapagkakatiwalaan ba ito?"

"Mapapagkatiwalaan 'ko' ito.  Ngunit tatapatin na kita, bilang babala na rin. Napopoot ito sa 'yo noong huli kaming nagkita, dahil ikaw raw diumano ang namumuno sa mga Aswang na pumatay sa kanyang buong pamilya, puwera sa kanya at sa kanyang apong si Matias."

"Anak ng—ako na naman?! May lugar pa ba rito sa Pilipinas na walang napopoot sa akin? Tsk. Kakampi man o hindi, napopoot man sa akin na lagpasan pa hanggang sa impiyerno. Kahit sino pa 'yan, wala na akong pakialam, basta't makuha ko ang mag-ina ko! Kahit na dumanak pa ang dugo!"

"Huwag naman, Lucio.  Maraming inosenteng taga-lupa ang madadamay kapag binulabog natin si Marietta sa lugar na 'yon.  Alam kong nag-aalala ka.  Alam kong hindi ka na makapaghintay. Alam ko ring naiinis ka na, ngunit kailangan mong maging mahinahon.  Hindi tayo maaaring magpadalos-dalos dahil walang sinasanto, at walang sinusunod na batas ang mga kalaban mo. Lalo na ngayong kapupuslit mo lamang sa kamay ni Marietta. Siguradong aktibo na ito sa paghahanap sa 'yo at kay Senda."

Hindi ko alam kung paano  ko pakakalmahin ang sarili ko ngunit sinubukan ko.  Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong huminga ng malalim, ngunit gayo'n na lamang ang ginagawa ko kapag muli na namang umiinit ang ulo ko at dinadalaw ng matinding pag-aalala.

"Kumusta na nga pala si Edwino?" Sa mas mahinahong timbre, "buhay pa ba? Uuwi ba raw siya sa Mashuria o hindi?"

"Isa 'yan sa problema natin, Lucio. Pabalik-balik ang barang sa kanya. Mukhang ang tangi at permanenteng solusyon ay ang subukang kalabanin na si Marietta kesehodang malaman na niya na may kumokontra na sa kanya. Ngunit lubha itong mapanganib.  Hindi ko masisiguro ang kaligtasan ni Edwino. Ano sa tingin mo?"

"Bakit hindi siya ang tanungin mo?  Malinaw pa naman ang pag-iisip nito, hindi ba?  Pero paano mo naman kokontrahin ang impaktang 'yon? Kakailanganin mo ba ang tulong ng iba?"

"Malamang. Oo, may maipapahiram ka ba sa akin na mga Engkantong may dunong?"

"Lahat ng Engkanto rito ay may dunong ngunit mahigpit na ipinagbabawal ko sa mga ito ang paggamit nito dito, lalo na sa mundo ng mga tao.  Pero hindi naman tao si Marietta kundi isang halimaw na walang kaluluwa. Sabihin mo lang kung ilang Engkanto ang kailangan mo laban sa salot, kahit isang buong tribo pa'y ipapahiram ko sa 'yo!"


****


Senda's P.O.V.

"Ang ganda ng buhok mo, Rosing. Ang kintab at natural na mamula-mula kapag nasisinagan ng liwang!" Habang sinusuklayan ako ni Nana Auring. "Di tulad nitong sa akin. Pinupusod ko na lang dahil laging tuyo."

"Hindi po dating ganyan 'yan. Tuyong-tuyo rin po ang buhok ko dati. Binibiro pa nga po ako ng asa—n-nobyo ko dati na para raw alambre ang buhok ko. Parang buhok nga raw ng manananggal.  Pero simula nang naalagaan ito gamit ang espesyal na langis ng Olibo, unti-unti na itong nagkabuhay."

"Diyaskeng nobyo mong 'yan! Aba'y napakasama naman pala ng ugali. Bakit naman sasabihan ka niya ng gano'n kahit na sabihin pang may bahid ito ng katoto'hanan.

"Di naman po. Nagbibiruan lamang po kami noon."

"Sus. Tinakbuhan ka na nga, ipinagtatanggol mo pa. Kung ako 'yan, kukuhanin ko ang lahat ng pagkakataon para murahin siya at isumpa. At ikaw naman, bakit naman pumatol ka sa pintasero. Aba'y kung ako ang sinabihan na ang buhok ko ay parang sa manananggal, tatanggalin ko ang kahit anong maaaring matatanggal ko sa kanya, lalong-lalo na 'yong butotoy n'ya, para hindi makapanundot ng mabulbol na bibingka."

Tinakpan ko ang bibig ko.  Hindi ko kasi inaasahan na marunong pala itong magbiro ng medyo berde.

"Alam mo 'yang mga buntisero?" dugtong nito, "dapat sa mga 'yan kinakapon."  Humahagikhik ito, "o 'di kaya naman eh ipinatatapon sa mga liblib na isla para gawing barako ng mga kanibal na tribong puros mga babaeng bungal, may malalaking ilong na may nag-uumawas na sipon at kulangot; 'yung may mababaho, mabubuhok at maiitim ang kili-kili. Do'n, magsawa siyang bumaba at mangantot ng babaeng mababantot hanggang sa mabakli na ang ipinagmamalaki niyang Kabutiyag (1)." Sabay tawa.

Hindi ko na napigilan pang humagalpak ng tawa. Mas nakakatuwa rin kasi ang pagkakasabi niya, at matagal-tagal na rin akong hindi nakakatawa kaya napakalaking bagay sa akin ang pagkakataong pansamantalang makalimot sa pinagdaraanan kong kalungkutan.

"Aba hoy, Matias!"  Biglang pagtawag ni Nana Auring. Nakatanaw rin kasi ito sa labas ng bintana habang sinusuklayan ako sa sala. "Saan ka galing?"

Napatingin ako kay Matias, napatingin din naman ito sa akin.

"Ah, Nana Auring, pasensya na po" Sumusulyap-sulyap ito sa akin na tila may nais sabihin kaya pinakiramdaman ko ito. "Hindi ko alam na nariyan kayo.  Hihingi po sana si Lola ng ilang pirasong pandan," tila ngumuso ito nang bahagya, "pero tiningnan ko po muna kung may sapat kayo bago ako humingi. Nakakahiya naman po kung wala kayong magagamit ng dahil sa amin."

"Pandan ba kamo? Aba'y kumuha ka na, sige na, hijo.  Kapag ikaw eh hindi mo na kailangang magpaalam pa dahil alam kong hindi ka naman balasubas na kinakalbo ang aking mga pananim."

Muli itong sumulyap sa akin. Nakuha ko naman agad ang mensahe nito. "Naku, maraming salamat po!" bago ito tuluyang lumagpas upang kuhanin ang kunwa'y pakay nito.

***

Nahihirapan akong kumuha ng tiyempo upang siyasatin ang mga paso ng pandan. Halos hindi kasi ako nilulubayan ni Nana Auring na wari ko ba'y takot na takot na mawala ako sa kanyang paningin, kaya nang magdadalawang-araw na at hindi ko pa rin nakukuha ang ikinubli roon ni Matias ay nagprisinta na ako kay Nana Auring na magsasaing upang may dahilan akong tumungo sa malalaking pasong taniman nito ng mga pandan.  Bumilang ako mula sa likod, at tulad nga ng sinabi ni Matias ay mayro'n nga roong nakakubling papel na kulay lupa at nakabalot ito sa isang batong kasinglaki ng aking kamao. Kinuha ko ang papel at ibinulsa iyon, habang ang bato naman ay muli kong ibinalik sa paso. Agad akong nagtungo sa batalan sa likod-bahay at agad na isinara ang pinto.

Rosalia, hihintayin kita sa ating 'Talon'. Nagmamahal, Popoy.

Napangiwi ako. "Rosalia? Sino si Rosalia?" bulong ko sa aking sarili. Ating Talon? Sa isipan ko. Popoy? Sino si Popoy? 

Rosalia... Popoy... pilit kong hinahalukay ang utak ko dahil parang pamilyar ang mga pangalan na iyon ngunit hindi ko na ito maalala.

Rosalia... saan ko ba narinig 'yun? Hinihilot ko na ang aking sentido.

Popoy...Popoy...Popoy...Popo—biglang kumislot ang puso ko na agad namang sinundan ng mas mabilis at mas malakas na pagtibok nito sa aking dibdib.

Naalala ko na kung sino si Popoy.

[ITUTULOY]

Footnote:

(1)  Kabutiyag - referring to Phallus Impudicus or Penis (Phallic) Mushroom, colloquially known as Common Stinkhorn Mushroom.

My Guardian DevilTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang