Bakit ba umasa kang masyado na wagas ang pagmamahal niya sa 'yo gayung wala mamang nagmamahal sa 'yo nang matagpuan ka niya? Kung ang sarili mo ngang mga magulang ay walang amor sa 'yo, bakit naman masyado kang naging abisyosa na ikaw lamang ang mamahalin ng isa sa pinakamakapangyarihang lalake sa magkabilang mundo?

Isang butil ka lang sa isang kaban. Mawala ka man ay walang makakapansin sa 'yo. Wala kang ipinagkaiba sa isang butil ng buhangin sa dalampasigan, baliw lamang ang partikular na hahanapin ka gayung napapalibutan ka ng hindi mabilang na buhangin ding tulad mo. Nakakita ka na ba ng taong magsasabing...'kailangan kong hanapin ang isang butil ng buhanging walang katulad?' Walang naghahanap sa isang butil ng buhangin, Senda. Kapag nawala ka, huwag mo nang aasahang may maghahanap pa sa 'yo.

May magagawa pa kaya ako upang muling magbalik ang tiwala ko sa aking sarili? Pero ano ba ang magagawa ko upang ibalik ito kung heto ako at nakakulong nang mag-isa sa Sangtuwaryo. Parang kailan lang, napakasaya ko kapag naririto ako, pero sa isang iglap tila naging piitan na ito ng aking buong pagkatao.

****

Isang buwan na lang ay kabuwanan ko na ngunit hindi pa rin ako binabalikan ni Luis. Nasaan na kaya ito? Naalala pa kaya ako nito?

Inip na inip ako dahil naubusan na akong ng pagkakaabalahan, kaya habang tumatagal ay daig ko pa ang isang nababaliw na sa pakikipag-usap sa aking sarili.

"Ano kayang lugar ang kabilang dulo ng karagatang ito?" Habang nakatanaw ako sa dagat. "May mga tao kaya sa kabilang dako?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ayoko na rito." Gusto kong umiyak ngunit wala na akong mailuha. "Mababaliw ako rito kapag nagtagal pa ako rito. Anak..." hinaplos ko ang aking tiyan, "pasensya ka na sa nanay mo ha? Tatlong buwan na tayo rito pero hindi pa kasi tayo binabalikan ng iyong ama. Naiinip na ako, parang anumang oras ay tatakasan na ako ng bait. Paano pala kapag kailangan mo nang lumabas? Hindi man lang niya tayo iniwanan ng kumadronang mag-aalaga sa ating dalawa. Kunsabagay, kumadrona naman itong nanay mo, pero hindi ko alam kung kaya ko bang paanakin ang sarili ko. Mailuluwal ba kita nang ligtas kung sakali man? Alam mo Anak, hindi bale kung ako lang ang mamatay kung duguin ako ritong mag-isa.  Ikaw ang mas inaalala ko. Paano ka mabubuhay kung lalabas ka sa mundo na patay na ang dapat na magpapasuso sa 'yo?"

Napadako paningin ko sa Yate at mga bangka, "ano kaya kung umalis na tayo rito? Pumunta tayong dalawa kahit saan, basta't may ibang tao. Nami-miss ko na ang magkaroon ng kausap at makarinig ng ingay. Hindi ko na kayang magtagal pa rito Anak, patawarin mo ako kung kakailanganin nating makipagsapalaran!"

Matapos kong mag-empake ng kaunting damit na kaya kong bitbitin ay binagtas ko na ang buhanginan patungo sa tulay ng daungan. Naging napakahirap ng simpleng paglalakad dahil sa bigat na ng aking tiyan. Nakarating naman agad ako sa Yate at namangha sa laki at ganda nito, ngunit dahil hindi ko naman alam kung paano ko paandarin ito ay nagkasaya na kong gamitin ang bangka upang matyagang sagwanin ang kabilang ibayo.

****

Nakakapagod pala ang magsagwan, at lalong naging napakahirap nito dahil sa aking kundisyon. Nakaramdam ako ng matinding takot nang unti-unti nang dumidilim ang langit habang wala pa man din akong matanaw sa paligid kundi tubig. Hindi ko tuloy malaman kung pagsisihan ko ang ginawa ko, ngunit masyado nang malayo ang aking narating para muling pahirapan ang sarili ko pabalik.

"Anak, magpapahinga muna tayo ha. Madilim na, at masasakit na ang mga braso ko." Kundangan ding nakaligtaan kong magdala man lamang ng gasera. "Hihiga lamang muna si nanay, ha? Para bukas, may lakas uli si nanay na magsagwan." kinakabahan man ay marahan akong pumuwesto nang pahiga sa bangka upang magpalipas ng gabi.

****

"Babae, may babaeng buntis!" 'Yun ang gumising sa akin bago pa man magbukang-liway. Marahan ako bumangon nang paupo at nakitang may dalawang bangkang de motor na may lulang tigalawang mangingisdang kalalakihan sa bawat isa, ang nasa magkabilang tabi na ng aking sinasakyang bangka.

"Binibini, anong ginagawa mo rito sa gitna ng dagat?" Sabi ng isa mga mangingisda. "Saan ka ba papunta?"

Pupungas-pungas pa ako, "s-sa kabilang isla po sana, p-para po humanap ng kumadrona."

"Ha, kumadrona ba kamo?" nagkatinginan ang apat, "aba'y maraming kumadrona doon sa amin, kailangan mo ba ng tulong? Eh mukha kasing aabutin ka ng siyam-siyam sa bangkang de sagwan mo. Mamili ka na sa amin kung saan mo gustong sumakay."

"N-naku, maraming salamat po."

Kapansin-pansin na nagmamadaling dinukwang ng pinakamatandang mangingisda ang aking bangka upang mailapit ito sa kanyang bangka. Sa wari ko ba'y sinadya nitong unahan ang mga nasa kabilang bangka. "Halika," inalalayan ako nitong makatawid matapos nitong pagdikitin ang aming mga bangka. "Dahan-dahan lang." Halos pabulong ang pagkakasabi niya, "Ihahatid na lamang muna kita sa bahay namin." Sabi ng matandang umalalay sa akin, "kumadrona ang aking asawa. Ihahabilin na lamang muna kita sa kanya, bago ako muling pumalaot. Maaga pa naman."

"Maraming salamat po Tata-"

"-Jose. Ngunit tawagin mo na lamang akong Tata Pepe."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now