Sa halip na sumagot at sinabunutan na ni Reodica si Himena. Lumaban ang huli kaya tuluyan na silang a nakasakitan hanggang sa mahuli na sila ni Belen at ng iba pang tagaluto at inawat ang mga ito.

"Kayong dalawa na naman?!" Nakamaywang na pagsaway ni Belen. "Ano bang ang hindi matapos-tapos niyong pinag-aawayan? Lalaki na naman ba 'yan?"

"Oo pinuno," nakangisng wika ni Reodica, "napakalandi po kasi niyang si Himena! Wala nang ginawa kundi landiin ang lahat ng nagiging nobyo ko. Palibhasa, walang nagkakagusto sa kanya"

"Sinungaling ka!" Akmang susuguring muli nito si Reodica ngunit napigilan ito ng isa sa mga kusinero.

"Magsitigil na nga kayong dalawa!" Bulyaw ni Belen sa dalawa, "panahon na siguro para paghiwalayin ko kayo dahil rinding-rindi na ako sa hindi matapos-tapos niyong pag-aaway.  Kakausapin ko ang Panginoong Lucio kung anong tamang gawin ko sa inyong dalawa dahil hindi na kayo nakakatulong sa akin. Ang dami nating gawain sa kusina, pero mas inaatupag niyo pa ang pag-aaway sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay!"

Ikalimang tala sa aking memorya: Hindi inosente ngunit walang sala si Himena.  Napilitan lamang itong makiayon alang-alang sa kaligtasan ng kanyang pamilya. May kakayahan itong magpalit ng anyo. Siguradong iyon ang dahilan kung bakit iba't ibang mukha ang nakikita ni Senda. Malinaw na sa akin kung sino ang naglalagay ng lason sa pagkain ng aking mahal na asawa. Hindi ito si Himena kundi kung sino ang nagpapahatid dito ng pagkain.  Alikabok lamang itong si Reodica sa tunay na may pakana, ngunit isinusumpa ko mula ngayong araw na ito, maski mga alikabok ay hindi makakaligtas sa galit ko sa oras na dumatal ito sa panahon at pagkakataong hindi nila inaasahan.

***

"Panginoon, sino po ba dito kay Himena at Reodica ang kailangan kong tanggalin sa kusina?" Nang iniharap na ni Belen ang dalawang babaeng sa akin, sa harapan mismo ng aking trono. "Parehas po silang mahusay sa pagluluto, ngunit kahit na anong gawin ko'y hindi sila magkasundo at madalas na nagiging hadlang na po ito sa aming mga gawain."

Isa-isa kong tiningnan mula sa aking kinauupuan ang dalawang babae.  Kapansin-pansin na nakayuko at hindi makatingin sa akin si Himena, habang si Reodica naman ay nakatingin sa akin nang nakangiti. Sa ordinaryong mata, iisipin mong si Himena ang may sala, sapagkat maraming naniniwala na kung sino raw ang hindi makatingin sa iyong mga mata ay ang siyang tunay na may kasalanan sa iyo. Maaari ngang totoo 'yun sa isang banda, ngunit taliwas ito sa aking palagay.  Sa aking aking opinyon, wala nang sasama pa sa mga taong kaya kang tingnan ng diretso sa iyong mga mata kahit na may kasalanan sila sa iyo; sapagkat ito ay senyales ng mga nilalang na hindi nakukunsensya sapagkat wala sila nito. Komportable na sila sa pagkakaroon ng masamang budhi kaya nakakayanan na nilang kumilos ng normal sa harapan mismo ng pinag-iisipan nila ng masama.  Sa kabila noon ay ang isang taong hindi makatingin sa iyo nang diretso, na siyang senyales naman ng nilalang na hindi magawang ipagmalaki ang nagawa nilang kasalanan dahil patuloy pa ring nabubuhay sa kanila ang konsensya—na siya namang bumubulong sa bawat nilalang kung ano ang tama at mali.

"Tanggalin mo si Himena." Walang kagatol-gatol kong wika.

Patuloy kong pinagmamasadan ang dalawang babae.  Kulang na lamang ay humagulhol si Himena, habang tila nakakuha ng malaking premyo sa isang paligsahan si Reodica. Saglit kong pinabayaang magbunyi si Reodica—na napansin kong pasikretong ngumisi at umirap pa kay Himena, habang si Belen nama'y tila nanlumo sa aking naging desisyon.

Ikaanim na tala sa aking memorya: Hindi naman pala bulag si Belen. Alam niyang mas mabuting kasama si Himena kaysa kay Reodica.

Nasa kalagitnaan ng pasikretong pagbubunyi si Reodica ng muli akong nagsalita, "Himena, ngayong hindi ka na isang kusinera, nais kong bigyan ka ng mas mataas na antas dahil sa matiyaga mong paghahatid ng pagkain sa mahal na Reyna." Ako na ngayon ang pasikretong ngumingisi nang biglang nagbago ang timpla ni Reodica.  Mula sa pagngisi ay bigla itong nadismaya.

"P-po?" pinapahid pa ni Himena ang kanyang mga luha. Mukha namang natuwa rin si Belen para rito.

"Nais kitang italaga bilang punong tagapangasiwa at tagaplano sa lahat ng mga salu-salo at pagtitipon dito sa kaharian. Dodoblehin ko ang iyong suweldo at ipahahanda ko na rin ang mas maayos na tahanan para sa 'yo at sa iyong buong pamilya"

Naiiyak pa rin si Himena ngunit ngayon ay para ito sa labis na kagalakan. "Maraming salamat po, Panginoong Lucio." yumukod ito sa akin. "Tiyak na matutuwa po ang mga magulang ko."

***

"Alam ko na kung sino ang may pakana ng paghahalo ng lason sa iyong pagkain." Pag-uulat ko kay Senda. Saglit akong pumuslit papunta sa Sangtuwaryo naming dalawa dahil sa labis kong pagkasabik na makita ito. 

"Hindi na ako magtataka kung 'yung ama ko." Biglang sabi nito. Nagulat ako kahit papa'no, bagaman alam kong si Lambino lamang naman ang tahasan at harapang nagbanta sa kanyang buhay sa harapan ko pa mismo.

Ikunwento ko sa kanya ang detalye ng mga pangyayari, ngunit nagulat ako sa sinabi nito matapos kong mabanggit ang pangalan ni Reodica.

"Kilala mo si Reodica?" Tanong ko rito.

"Oo." Habang okupado ito sa pagbuburda. Napatingin din tuloy ako sa paligid at napansing may magagandang burda na ang mga punda, ang mga mantel at unan na dating payak na seda lamang. Natutuwa akong masaksihan na nasisiyahan si Senda sa bahay naming iyon kahit hindi ito masyadong malaki at kahit na madalas na wala itong kasama.

"Paano mo nakilala si Reodica?"

"'Yun ang dating kanang-kamay ni Patruska, hindi ba?"

Nagulat ako sa sinabi nito bagaman hindi ko ito pinahalata.

"Isa 'yun sa mga nag-aalalaga sa akin dati." Pagpapatuloy nito. "Pero mabuti na lang nasabi mo 'yan sa akin na siya nga ang naglagay ng lason sa pagkain ko. Alam mo kasi dati, parating sumasama ang pakilasa ko kapag siya ang nagbibigay sa akin ng inumin. Napakabait naman niya sa akin kaya hindi man lamang ako naghinala sa kanya. Akala ko, sadyang hindi lang ako sanay sa tubig dito sa Edenus."

"A-anong pakiramdam mo noon?"

"Parang ganun din. Nahihilo ako at nasusuka. Pero ito namang si Marikit na isa rin sa mga taga-handa sa amin noon, tila natataranta kapag nakita niya na iniinom ko ang inuming ibinibigay ni Reodica. Tinatabig niya lagi ang mga inumin at pagkaing ibinibigay sa akin ni Reodica. Tapos nag-aaway sila." Okupado pa rin ito sa ginagawa kaya tila napaka-kaswal lamang  ang pagkukuwento niya—na kung tutuusin ay napaka-seryoso dahil matagal na palang may nagtatangkang lumason sa kanya.

Ikapitong tala sa aking memorya: Anong alam mo, Marikit? Bakit tila alam mo ang ginagawa ni Reodica ngunit wala ka namang nababanggit sa akin? Mukhang tama nga na hindi rin kita pagkatiwalaan, lalo na pagdating sa pinakamahalagang babae sa buhay ko.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon