****

"May problem tayo, Senda." Bulong ni Luis. Kapwa kami hindi makatulog sa sobrang tahimik ng lugar.  Nakatagilid ako sa kaliwa habang siya ay nakayakap mula sa likod ko.

"Ano 'yun."

"Tinraydor ako ni Alfredo."

''Yung binilhan natin ng sandimakmak na groceries?"

"Oo. Kakuntsaba nito si Marietta sa simula pa lang. Kaya pala ang bagal niyang kumilos, lalo na kapag nagpapakalap ako ng mga ebidensya laban sa kapatid mo at sa hipag mong magaling."

"Anong plano mo sa kanya?"

"Sa 'yo ko lang sasabihin 'to, dahil ikaw lang ang kaisa-isang pinagkakatiwalaan ko nang buong-buo. Madalas, kinakailangan nating magpanggap na walang alam, para malaman natin ang mga gusto nating malaman. Kung minsan, kailangan nating magpanggap na kaibigan sa ating mga kaaway, para mas mamatyagan natin sila nang malaya, o upang kahit paano'y matunugan natin kung may pinaplano sila laban sa atin. Pababayaan ko lang munang isipin ni Alfredo hindi ko pa siya nabubuko. Hahanap muna ako ng paraan para masiguro na ligtas ang pamangkin mo.  Saka ko na iisipin kung anong gagawin ko sa tarantadong 'yun."

Pumihit na ako upang humarap sa kanya, "maraming salamat, Luis. Masyado na kitang naaabala sa mga problema ko."

"Ano ka ba? Nakakalimutan mo ba na kadugo ko rin 'yang pamangkin mo? At saka, ang problema mo, problema ko na rin. Pagtutulungan natin 'to."

Hinaplos nito ang pisngi ko at saglit kaming nagkatitigan. 

"Luis?"

"Hmm?"

"May itatanong sana ako sa—" hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang makarinig kami ng mga kaluskos at tunog ng mga lumilipad na ibon sa bubungan.

Saglit kaming nakiramdam ni Luis, pero hindi pa man gaanong nagtatagal ay biglang kumatok si David sa pintuan.  Agad namang bumangon si Luis upang pagbuksan ito; habang ako naman ay naupo sa gilid ng kama.

"Boss..." Bakas dito ang pag-aalala. Nakakapit si bisig nito si Marikit na tila takot na takot.

"O Bakit?"

Sumulyap muna ito sa akin bago nito sinabi kay Luis na, "napapalibutan tayo ng mga Aswang na Tik-Tik. Ang dami nila, hindi ko mabilang at wala akong mamukhaan sa kanila. Nasa bubungan  at sa buong palibot na sila." Bumulong ito nang mas mahina, "mukhang nakatunog na narito ka."

Sa halip na sumagot ay isa-isa nitong tinungo ang mga bintana sa aming silid upang sumilip sa mga nakababang blinds. Pagkatapos nitong ikutin ang mga bintana sa silid ay sinilip rin nito ang labas mula sa bawat bintana ng bahay. Sinusundan lamang namin ito hanggang sa makarating kami ng attic, at mukhang sa makipot na bintana sa attic na niya nakita ang wari ko ba'y hinahanap niya. 

Napapikit ito na tila naiinis. "Anong kailangan niyo?!" Sigaw ni Luis sa mga nasa labas.

Nagulat kami sa takot ni Marikit nang biglang may kumalabog sa labas ng bintana.

"Ikaw ang dapat naming tanungin, Lucio!" Nakakikilabot ang tinig ng nagsasalita sa labas, "anong ginagawa mo rito?"

"Anong karapatan n'yong tanungin kung bakit ako naririto sa pamamahay ko?! Umalis-alis nga kayo riyan kung ayaw niyong magkagulo tayo rito!"

Biglang umangil ang nilalang na nasa labas. Sinundan ito ng pag-angil ng iba pa nitong kasamahan. Nag-umpisa na ring manginig ang buong katawan ko sa sobrang kaba dahil sa mga naririnig naming mga alulong.

"Demonyo ka Lucio!" Tila tinig na ito ng isang babaeng tao na naghihinagpis, "pagbabayaran mo ang pagpatay mo sa buong pamilya ko. Pinatay mo ang mga anak ko, hayup ka, lumabas ka riyan at magtuos tayo!"

Nangunot ang noo ni Luis, "Putang—" bulong nito, "ano na naman kayang kahayupan ang ginawa ni Marietta sa mga ito. Ako na naman ba ang sasalo nito, ako na naman?!" Sandali itong nagpakalma sa sarili bago muling nagsalita ng malakas, "paano kayo nakasisigurong ako, ha?"

"Kitang-kita kita!" Sigaw ng babae, "ikaw mismo ang pumugot sa ulo ng aking anak na sanggol! Demonyo ka, hayup ka, mga walang kalaban-laban lang kaya mo. Napakasama mong nilalang. Mas masama ka pa kay Satanas. Mas mabuti pa si Satanas at hindi kami pinakikialaman, pero ikaw... nasa 'yo na ang lahat ng yaman at kapagyarihan pero hindi ka rin nakukuntento. Pati mga batang walang muwang idinadamay mo sa iyong kasamaan! Bakit hindi kami ang kalabanin mo, lumabas ka riyan, demonyo! Nanahimik na kami rito..."humagulhol ito, "bakit kailangan mo pa kaming guluhin?"

Napanganga si Luis. Tila nais muli nitong magmura ngunit walang salita ang namutawi sa bibig nito. Maya-maya pa'y tila sasabog na rin ito sa galit, ngunit hindi para sa mga nilalang na nasa labas, kundi para kay ate Marietta.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now