Napatawa kami ni Luis dahil sobrang lakas ng lagitik ng palad ni Marikit sa pisngi ni David.

"Ba't mo naman ako sinampal, mahal?" hinahaplos nito ang namumulang pisngi.

"Kung takot ka sa multo, eh maghiwalay na tayo. Nakakahiya ka."

"Ikaw naman, hindi ka na mabiro, hindi ako ang takot sa multo, itong amo ko." Itinuturo nito si Luis. "Nakikigaya lang akong para hindi niya ako sisanteh—" naputol ang pagsasalita nito nang may biglang kumalabog sa kesame. "Huh, ano 'yun?" muli itong yumakap kay Marikit.

"Baka 'yung anak ng dating may-ari ng bahay na ito," malumanay na sabi ni Luis.

"Ha?" hindi ako makapaniwalang takot nga yata si David sa multo. Namumutla kasi ito na tila hindi mapakali. "E-eh bakit siya narito?"

"Eh kasi," sinenyasan kami ni Luis na magkumpol nang mas malapit sa isa't isa upang makapagsalita siya nang mas mahina, "dito raw ito nagpakamatay dahil sa matinding depresyon. Doon ito nagbigti sa attic! At alam niyo bang—" lalong pinahina ni Luis ang boses nito kaya lalo kaming napatutok sa kanya, "ang kaluluwa ng mga nagpapakamatay ay hindi nakakatawid sa luklukan ng mga namamatay na kaluluwang naghihintay sa araw ng paghuhukom sa langit. "Napapanganga kaming tatlo dahil sa husay nito sa pagbigkas ng kuwento, "hindi pa rin naman sila maaaring dalhin sa impiyerno hanggat hindi siya nasisintensiyahan na mangyayari amang sa araw ng paghuhukom, kaya ang mga kaluluwang walang mapupuntahan daw...ay bumabalik lamang daw sa..."tinitigan nito si David, "likod mo!" Pabiglang bulong nito kay David kaya napaiktad naman sa gulat ang huli, sabay sulyap nito sa kanyang likuran.

Nagtawanan kaming tatlo dahil mukhang si David lang ang apektado sa kuwento.

"Boss naman..." daig pa nito ang binuhusan ng malamig natubig, "'wag ka namang ganyan."

"Nakakahiya kang putragis ka." Binatukan ito ni Luis, "ang tatlong matalik mong kaibigan, puro Aswang, multo lang takot ka na."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"O bakit, sabi ng mahal na Reyna, ikaw rin naman. Mas malala ka nga eh. Kapag nalaman 'yan ni Lambino, laman ka agad ng mga tabloid sa Mashuria na may iba't-ibang headline. News Flash: Lucio, takot sa Tomultz, " pilit tinatakpan ni Luis ang bibig ni David, pero tuloy-tuloy lamang naman sa pagsasalita ang huli. "Lucio Villaluz, multo lang ang katapat...Hari ng Kadiliman, takot sa dilim...Showbiz charot blind item: Ginoong gandangreyna ng Edenus, isa na raw ganap na sirena? How true! Macho noon, Machararat na ngayon ahahay..."

Nagtawanan kami ni Marikit habang nagpapambuno ang dalawang lalaki. Daig pa nila ang mga batang paslit sa pagkukulitan at paghaharutan.

"Hindi ako makapaniwala na si Panginoong Lucio ang nakikita ko ngayon."  Bulong sa akin ni Marikit. "Halos hindi ko na siya makilala, sa magandang paraan naman."

"Anong ibig mong sabihin?" bulong ko rito pabalik.

"Masyado siyang siryoso noon. Hindi ngumingiti at tila laging may mabigat na pasan-pasan. Hindi nakikipagbiruan at hindi rin maaaring biruin. Hindi rin siya nakikipag-usap masyado kahit kanino; kahit na kina David. Parati lamang siya noong nag-iisa at nag-iisip ng malalim. Lahat natatakot lumapit sa kanya; ako man ay takot sa kanya dati. Parati ngang tanong noon sa amin ng pinunong Patruska, 'paano kaya natin mapapagiti ang Panginoong Lucio?' Kung ano-ano na ang ipinagawa niya sa mga kortesana pero sadyang hindi namin it mapangiti kahit kaunti.  Pero ngayon, hayan na siya..." muli naming sinulyapan ang nag-aasarang mag-amo. "Simula nang dumating ka sa buhay niya, naging maaliwalas ang mukha niya. Madalas na itong ngumingiti, tumatawa at humahalakhak. Maaari na rin siyang biruin, at nagbibiro na rin paminsan minsan."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon