Napakunot ako, "tatlong hari? Sinong tatlong hari?"

Natawa si David, "eh 'di 'yung tatlong aswang na sina Melchor, Gaspar, at Baltazar. Biruan lang naman po namin 'yun dahil kapangalan nila 'yung pamosong tatlong hari sa istorya ng kapanganakan ni HESU—"

Itinaas ko ang palad ko upang pahintuin ito sa pagsasalita, "tagasunod ka rin ba para banggitin mo pa ang pangalang iyan?"

Nakuha naman nito agad ang nais kong ipahiwatig. "Pasensya na Boss, nawala lang sa isip ko."

"Tungkol sa plano," sabi ko, "kailangan na natin itong makumbinsing bumalik sa pangangalaga ko sa Edenus bago pa ito magamit ng kanyang walanghiyang ama laban sa akin sa napipintong digmaan."

"Pero Boss, kapag pinabalik mo si Senda sa Edenus sa panahon ngayon, mas malamang na madiskubre na niya na ikaw at si Luis ay iisa lamang. 'Di kaya magalit 'yun at lalong hindi magpakasal sa 'yo kapag nalaman niya?"

Kung bakit nga ba kung gaano ako kahanda sa paparating na digmaan, iyon namang kabaligtaran ng sitwasyon ko kay Senda. Paano ko nga ba ipagtatapat sa kanya ang totoo na hindi siya mawawala sa akin? Kung sa simula pa lang ay alam na niyang ako rin si Lucio mas malamang na hindi man lang ako makakalapit sa kanya. Kung ngayon ko naman ipagtatapat mas malamang rin na itatakwil ako nito at hindi na rin kakausapin pa kahit kailan. Kahit saang anggulo ko tingnan—sa pagtatakip man o pagbubunyag—parehong may sabit.

"Boss, kung wala ka pang naiisip na paraan, may suhestiyon po si Baltazar."

Sinamaan ko ito ng tingin sa salamin sa unahan ng sasakyan, "sa lahat naman ng hihingan mo ng suhestiyon..."

"'Yun na nga po, Panginoon. Nagulat din kami sa ideya niya noong nag-uusap-usap kami tungkol sa kung paano mapapayag si Senda na magpakasal sa 'yo dahil sa kanya lang 'yung pinakadetalyado, may mga mapa pa siya at mga listahan ng pagkakasunod-sunod ng dapat mangari. May mga props at costume pa. Pero siyempre, alam naman namin na hindi lang siya medyo bobo, kundi sobrang tanga talaga kaya ang sabi ko sa kanya, ipapakita ko muna sa 'yo 'yung suhestiyon niya pero hindi ako nangangako na hindi mo siya mamumura kung hindi kayo sasang-ayon. Ayos lang naman daw sa kanya, basta't huwag niyo daw po naman siyang ipatatapon sa Balong Walang Hanggan."

"O 'di ikaw na lang ang ipatatapon ko ro'n kung puro kagaguhan lang pala 'yang sinasabi niyong plano." Bagaman seryoso ang ekspresyon ko ay alam ko namang batid ni David na nagbibiro lamang ako. "Ba't 'di mo sabihin sa akin kung ano munang palagay mo sa plano, para kung sa tingin mo ay kabobohan lang, eh 'di wag mo nang aksayahin ang oras ko sa pakikinig sa detalye. Sigurado bang magpapakasal sa akin si Senda sa plano na 'yan?"

"Sa palagay ko po, maganda naman 'yung plano at mas malamang na papayag magpakasal si Senda sa inyo kapag nagawa natin ito nang maayos."

"Tatayaan mo ba 'yan kapalit ng ulo mo?"

Napakamot ito sa ulo. "Boss naman...aling ulo ba ang pinag-uusapan natin?"

"Siraulo ka talaga, puro ka kalokohan!"

****

"Yahhhn, may higaan na tayo rito sa ilalim ng mangga!" Humiga ako sa papag na nagmula sa silid ni Senda at inunan ang aking mga palad. "Dito na lang kaya ako matulog mamayang gabi. Hay ang sarap ng simoy ng hangin!"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Malamig dito kapag gabi," ani Senda, "baka sipunin ka pa."

"Nagustuhan mo ba 'yun kutson? Sabi ko sa 'yo kakasya naman 'yun sa silid mo."

"Parang malaki pa rin 'yung kama para sa akin. Sinubukan kong humiga pero pakiramdam ko nalulunod ako na lumulutang na ewan. Hindi ako sanay. Parang mas gusto ko 'tong papag ko. Isauli na lang kaya natin 'yung kutson."

"Ano ka ba? Naninibago ka lang, masasanay ka rin. Mas malaki pa nga ro'n 'yung kama ko sa Edenus, di ba?"

"Nahihiya na ako sa 'yo, Luis." Umupo ito sa tabi ko, sa gilid ng papag, "puwede bang huli na 'to sa pagbibigay mo sa akin? Hindi na ako komportable sa mga ginagawa mo para sa akin. At puwede rin bang sabihin mo ko Lucio na hindi mo na ako kailangang bantayan lagi, at saka, bakit ba niya ako pinababantayan? Ano ko ba siya? Ano ba niya ako? Ba't 'di na lang niya atupagin 'yung kaharian niya at 'yung napakarami niyang mga babaeng nakapila sa kanya. Hindi naman ako kawalan dahil nasa kanya na ang lahat. Bakit kailangang isama pa niya ako sa kanyang mga kuleksiyon?"

"Sobra ka naman sa kuleksiyon? At kanino mo naman naririnig na nagungulekta at pinipilahan siya ng mga babae?"

"Sa mga kortesana, at sa pinunong Patruska."

"Kay Patruska?"

"Oo, kilala mo naman siguro s'ya 'di ba?

"Oo, 'yung nagtuturo sa mga kababaihan kung paano gawin 'yung nakakaalibadbad na magpatuwad-tuwad at magpatiha-tihaya sa harapan ng mga lalake? 'Di ba 'yun din ang katarantaduhang itinuro sa 'yo?"

Natawa ito, "eh 'yun daw ang gusto ni Lucio eh."

"Ang sabihin mo, 'yun lang ang akala niyang gusto ni Lucio dahil 'yun ang gusto ng karamihan sa mga konseho dahil mabibilang mo sa isang kamay ang hindi manyakis ro'n."

"Sinasabi mo ba na hindi talaga gusto ni Lucio 'yung nagpapatuwad—-" napapahagikhik ito, "—tuwad at nagpapaliyad-liyad, at kumekembot-kembot na mga babae? Bakla ba siya?"

"Bakla? Sinong bakla?"

"Si Lucio." Bumingisngis ito.

"Porke't naaalibadbaran lang sa kalaswaan, bakla na?"

"Aba malay ko. Malay ko ba kung ikaw pala ang type niya." Humalakhak ito.

"Sira ka talaga." Muli akong humiga, "patay na patay nga sa 'yo 'yun eh, 'yun ba ang bakla? Ikaw ang gusto no'n, at pinababantayan ka niya sa akin dahil ikaw, at ikaw lamang ang gusto niyang pakasalan."

Kapansin-pansin ang bigla nitong pagsimangot. "Marami namang babae sa mundo, bakit ako pa?"

"Eh sa ikaw ang mahal niya eh."

"Mahal? Eh hindi naman kami magkakilala, sa pangalan lang!"

"Eh sa 'yo tinamaan eh, anong magagawa mo?"

"Eh paano kung hindi ako pumayag, aber?"

"Eh 'di...papatayin niya ako."

"Ano?!" Bigla itong tumayo. "Eh bakit ka naman niya papatayin?"

Nanatili naman akong nakahiga at nakatingin sa langit, "eh narito ako para makilala mo siya ng lubusan, kung sino siya, at anong ang tunay na pagkatao niya sa likod ng trono at pamosong pangalan niya. Kaya kung mabibigo ako na mapangasawa ka niya sa pamamagitan ng pagpapakita niya ng tunay na katauhan niya sa likod ng maskara, eh di, papatayin na niya ako. Pero..."muli akong bumangon, at sa pagkakataong ito ay tumayo na ako sa harapan niya, "huwag kang mag-alala, Senda. Nakahanda naman ako kahit na anong magiging desisyon mo. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo kung ayaw mo talaga sa kanya. Ang usapan kasi namin, kapag nagtagumpay ako sa pagpapakilala ko sa tunay na pagkatao niya sa 'yo, ayos lang sa kanya na mabuhay kaming dalawa ng magkasabay, pero kapag nabigo naman, ako ang dapat na magparaya dahil mas 'di hamak na mas mahalaga siya at ang katauhan niya kumpara sa akin dahil sa dami ng mas mahahalaga at mabibigat na bagay na nakaatang sa kanyang mga balikat."

Nguniwi ito na tila hindi nito maintindihan ang sinasabi ko; at hindi ko naman it masisisi dahil maging ako ay hirap na hirap na ipaliwanag ito nang hindi ko ibinubuking ang sarili ko nang wala sa oras.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now