Spirit Hive

137 4 0
                                    

Dahil sa mga pagkakatulad ng mga simbolong napansin nila sa guho, sa lungga ng nina Kanara nagtanong na si Pablo ukol dito. Agad naman pinaliwanag ni Kadyo ang tila altar at mga simbolong naka ukit sa mga bato na naroon sa silong.

Ayon pa kay Kadyo nagmula pa sa mga ninuno nila ang tradisyon ng paglagay ng ganitong mga simbolo, bilang proteksiyon sa masasamang elemento. Pero kahit na pinaliwanag na ni Kadyo kung para saan ang mga iyon hindi parin makuha ni Pablo ang koneksyon ng mga iyon.

"Huwag naman sana sumama ang loob niyo kuya Kadyo, mga kulto ba kayo?" Tanong pa ni Joshua.

"Aba'y tarantadong bata, anong kulto? Ano tingin mo sa amin mga satanista. Matagal nang nandito iyan sa ilalim, likha pa ang mga ito ng mga ninuno namin mula sa tribu ng Opiryum.  At ayon sa kasaysayan ito ang nagtatanggol sa kanila sa panganib." sabat ni Auring.

"Ang kulungan ng mga espiritung bantay. Ang mga simbolo na ito ay mga sinaunang orasyon at tanikalang nilikha ng mga taga tribo upang ikulong mula dito ang mga espiritu ng kabundukan ng Linunhan. At tanging ang mga nagmula lang sa angkan ng mga taga tribong iyon ang siyang may-kakayahang ikulong pabalik ang mga espiritung sina Pangil at Kaliskis." biglang singit sa usapan ni Elias.

Napatingin ang lahat sa kanya, at nagtataka kung bakit alam nito ang tungkol doon. Inusisa rin nila ang pagkatao nito at kung paano sila naging magkasama ni Jahred at nakarating doon. Nagsalita naman si Jared at kinuwento ang lahat sa mga kaibigan. Halos hindi makapaniwala sina Pablo nang sabihin sa kanila ni Jahred na ilang buwan na silang nawawala at pinagluksaan pa nga sila ng kanilang mga kaanak at pamilya. Dahil sa pagkakaalam nila wala pa silang isang linggo sa lugar na iyon. Ikinagulat din nila nang makilala si Elias ang totoong Elias.

"Nilinlang kayo ni Gideon,O Ador sa tunay na pangalan. Kinailangan niya ng alay para makatawid sa panahong ito upang makuha ang pinakapakay niya sa lugar na ito." ani pa ni Elias

"At ano naman ang pakay niya? ang kayamanan?" tanong pa ni Joshua.

"Higit pa sa kayamanan bro, pangarap ni Ador na makuha ang birtud ng walang hanggang buhay. Na tanging makakamit niya lang kung siya ang makapatay sa espirituwal na tagabantay na si Kaliskis. Ang dambuhalang ahas na nakita natin sa bundok noon." ayon pa kay Jahred.

"Nasa journal ng lolo ko ang lahat ng mga naitalang kasaysayan ng Tribu ng Opiryum,ang maalamat na mga espiritu ng bundok Linunhan at ang mga mahiwagang salita at sumpa upang mabuksan ang pusod ng gubat para magkaron ng bukas na tawiran ang hinaharap,ang nakaraan at ang kasalukuyang panahon. Parang worm hole, O time warp ganun. Nandoon din sa journal ng lolo ang paraan kung paano mapapasunod si Pangil." Dagdag pa ni Elias.

"Ang journal ba na tinutukoy mo ang libretang nakita ni nanay na nasa kamay ngayon ng sinasabi niyong si Ador?" Tanong ni Kaleah kay Elias.

"Mukhang iyon na nga iyon. So paano na,hawak niya na ang journal, marahil ngayon sinisimulan niya nang gawin ang mga plano niya. Nadinggoy talaga tayo ng huwad na iyon." wika pa ni Pablo may sama ng loob dahil sa mga nalaman at natuklasan.

Tahimik lang sa tabi si Ken na inaalala ang mga napagdaanan nila ni Elias noong nahiwalay sila sa grupo. Lumapit si Dante sa kanila para ipaalam sa mga ito na mukhang nilampasan na sila ng dambuhalang si Pangil. Naunang lumabas si Balong sa kanila kasunod si Kadyo. Nang masiguradong ligtas na ang paligid, umakyat narin ang lahat. Nanlumo sila sa nakitang pinsala gawa ng paglitaw ni Pangil. Nasira ang halos kalahati ng mga pananim nila, nawasak ang bahagi ng bakuran at parte ng kanilang kubo. Ang ipinagtataka lang ng mga ito kung bakit sa parte lang na iyon naputol ang mga nasira at wala man lang sa ilang bahagi ng paligid. Na tila ba sa bakuran lang nila na nalanta ang dambuhalang si Pangil at doon narin ito naglaho.

BALATKAYONơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ