18: Her happiness

26 0 0
                                    

Chapter 18: Her happiness

Diretso ang tingin ni Chelsea sa kalsada habang nagsesermon ang kaniyang inang si Carlyn. Pinahinaan nito ang tugtog para marinig niya ang mga sinasabi nito pero lingid sa kaalaman nito, lumalagpas lang ito sa magkabila niyang tainga.  

Pupunta ang mag-ina ngayon ngayon sa manufacturer para kuhanin ang mga produktong ibinebenta ni Carlyn sa online. Nagpahatid lang siya sa kaniyang anak kahit na ilang beses itong tumanggi dahil Linggo ngayon at gusto nitong sulitin ang pahinga.

"Sinasabi ko na sa'yong hiwalayan mo ang lalaking yan! Walang magandang maidudulot sa'yo ang pangangabit. Iiwan ka rin niya."

"Excuse me?! Hindi ako kabit!" pagtataas ng boses ni Chelsea at matalim na sumulyap kay Carlyn na nakaupo sa passenger seat. Pagbalik niya ng tingin sa harapan ay ipinagpatuloy niya pa ang pagsasalita. "Ano bang alam mo sa pag-ibig, ma?! Mismong tatay ko nga iniwan tayo! Kung makapagsalita ka, akala mo ang perpekto ng pamilya natin!"

 Bumakas ang magkahalong lungkot at pagsisisi ni Carlyn nang mabanggit ang tungkol sa ama ni Chelsea. Namilipit ang dibdib niya kung kaya't bumaling siya sa may bintana para lumanghap ng sariwang hangin. 

"Iba 'yon, Chelsea. Hindi ko alam na maling tao siya dahil mga bata pa kami at walang nagturo sa'kin. Samantalang ikaw, sinasabi na nga sa'yo pero ayaw mo pa ring makinig! Kaya ko nga sinasabi sa'yo ay dahil ayaw ko nang mangyari sa'yo ang nangyari sa'kin noon. Tama na ang minsan. Masasaktan ka"

Kabaligtaran ng pagbaba ng tono ng pananalita ni Carlyn ang pagbulyaw ni Chelsea kahit na magkalapit lang sila. "Maling tao?! At pa'no mo nasabi? Kasi ikaw yung tama?! C'mon, ma! Alam natin parehong sa'ting dalawa, ikaw ang hindi marunong magdesisyon!"

Nawala ang konsentrayon ni Chelsea sa pagmamaneho kaya hindi niya namalayang malapit na pala sila sa kanto. Nakita niya ang trapiko mula sa distansya kaya pinila niyang mag-menor. Nagpa-panic niya nang ayaw kumagat ng preno. Ilang beses niya pa itong tinapakan pero sa kasamaang palad, ayaw talaga nitong gumana.

"Ma!" tarantang sigaw ni Chelsea. Medyo blangko na ang isipan niya habang nakatingin sa kalsada at nag-iisip ng kung anong pwedeng gawin.

"B-Bakit? A-Anong nangyayari?" kabadong tanong ni Carlyn at mahigpit na napakapit sa kinauupuan.

Pagkakita ni Chelsea sa isang poste na nasa bandang kanan, pinili niyang ibangga rito ang kotse. Dahil sa lakas ng impact, napuruhan ang kaniyang ina na nakaupo sa passenger seat, kung saan mismo bumangga ang sasakyan. Samantalang siya ay kaunti lang ang naging sugat at galos dahil sa airbag.

Ang aksidenteng iyon ang dahilan kung bakit na-comatose si Carlyn. Iyon din ang huling pagmamaneho ni Chelsea ng sasakyan.

Sa kabila ng natamo ng ina ni Chelsea, hindi nabawasan ang masamang iniisip niya rito. Iniisip niyang tama lang dito ang nangyari dahil sa pagkakaroon nila ng magkasalungat na pananaw. Para sa kaniya, parusa na rin iyon dahil sa paraan ng pagpapalaki nito sa kaniya noon kung saan kulang siya sa aruga at atensyon.

Akala ni Chelsea ayos na sa kaniyang wala si Carlyn. Pero sa paglipas ng bawat araw na hindi ito nagigising, bumibigat ang kalooban niya. Ayaw man niyang tanggapin, nagkaroong ng kakulangan sa puso niya na ang tanging makapupuno lang ay ang mismong ina niya. Hindi rin naging patas para sa kaniya ang nangyari dahil ayaw niyang iwanan siya nito nang hindi manlang niya napatutunayang tama ang mga naging desisyon niya sa buhay.

 Ang nakaraan ni Chelsea ay naging isang bangungot na gumambala sa kaniyang mahimbing na pagtulog. Namawis siya at hiningal dahil sa panaginip niya ay tumatakbo siya sa isang walang katapusang kalsada na ang intensyon ay bumalik sa nakaraan kung saan hindi pa nagaganap ang aksidente. Panay ang sigaw niya sa pangalan ni Carlyn, na nasa dulo ng kalsada, para hindi ito tuluyang mawala sa paningin niya. Nang hindi namamalayan, umagos ang luha niya mula sa mga mata kahit na nakapikit.

Heaven Sent LoveWhere stories live. Discover now