3: He who has no name

23 1 0
                                    

Chapter Three: He who has no name

Tila isang panaginip ang nangyari kagabi kay Chelsea. Nawala agad iyon sa kaniyang isipan paggising niya ng tanghali ng Sabado kinabukasan. Wala pa sana siyang balak bumangon kundi lang dahil sa gutom na nararamdaman niya.

Pagbukas niya ng pinto sa sariling kwarto ay halos atakin siya sa puso dahil sa taong bumungad sa kaniya. Isang lalaking nagtitingin ng mga kagamitan sa kusina na para bang nasa museyo ito.

Napataas ang dalawang kilay niya.

"Tangina, andito ka pa rin pala," nakakrus na brasong giit ni Chelsea. Sumandal siya sa pintuan para panoorin ang lalaking tinitingnan ang mga mamahaling kubyertos at mga babasaging gamit tulad ng baso, plato, at mangkok na nakatago sa isang malaking glass cabinet. Kulang na lang yata ay maihalintulad niya ito kay Ariel na hindi alam ang tamang paggamit ng tinidor.

"Galing ka ba talagang langit o sa mental ospital? O baka naman galing ka sa ilalim ng dagat?" sarkastikong tanong ni Chelsea. "Ngayon ka lang nakakita ng mga ganiyan at grabe ka makatingin?"

"Galing ang mga ito sa nakaw." Hindi tanong kundi isang pangungusap.

"Excuse me?!"

"Kung hindi hiram na 'di ibinabalik ay galing ito sa mga okasyong na napupuntahan mo."

Kumulo ang dugo ni Chelsea sa narinig. Akala niya nung una ay wala itong ideya sa mga gamit ng tao dahil anghel ito, kung totoo man, pero ngayon ay nalaman niyang alam nito ang tungkol sa pasimpleng pag-uuwi niya ng mga gamit.

Naglakad siya palapit dito at tinabig bago lagpasan. "Souvenir tawag d'yan. Tabi nga! Pakialamerong anghel."

Dumiretso si Chelsea sa ref para kuhanin ang nakababad na karne sa freezer. Bago pa man nakarating doon ay nakatapak siya ng bubog.

"Aray! Putangina!" Awtomatikong napahawak si Chelsea sa nabubog niyang kaliwang paa. Wala siyang suot na tsinelas ngayon at ang bubog na natapakan niya ay mula sa basong nahulog niya kagabi.

Patalon-talon siyang pumunta sa hapagkainan para umupo. Hindi siya umiyak pero halata sa mga mata niya ang sakit na iniinda dulot ng pagkabubog. Kunot-noo siyang lumingon sa estrangherong lalaki at dito ibinaling ang sama ng loob. "Hoy! Ikaw? Anong pangalan mo?!"

Agad na lumingon ang lalaki ngunit bago pa makasagot ay muling nagsalita si Chelsea.

"'Di ko na tatanungin kung ba't andito ka pa rin kasi wala akong pakialam. At hahayaan kitang manatili rito sa isang kondisyon, susundin mo ang utos ko. Ngayon, magluto ka ng barbeque. Tutal bida-bida ka at maraming nalalaman tungkol sa'kin, ikaw na ang magluto. Sabi mo lagi mo akong pinapanood, dapat alam mo na kung paano ako magluto ng barbeque kasi lagi akong kumakain no'n."

Tumindig ang lalaki at diretsong tumingin sa mga mata ni Chelsea. "Dalawang beses ka pa lang nagluluto nito mula pa noong nakaraang taon. Bumibili ka pero tinatamad kang simulan kaya piniprito mo na lang o ibang putahe ang niluluto."

"Aba't—?! Sinasabi mo bang sinungaling ako?!" pikong tanong ni Chelsea, taliwas sa kalmadong itsura ng kausap niya na tila ba alam na nitong alam niya ang sagot sa sariling tanong.

"Tsk. Anong pangalan mo? Kung balak mong magtagal dito, dapat may pangalan ka. Anong pangalan mo?" pag-iiba ng usapan ni Chelsea para maiiwas ang sarili sa kahihiyan.

"Wala akong pangalan."

"Weh. Ayaw mo lang maasar, eh. Ang baduy siguro ng pangalang ibinigay sa'yo ng iyong oh-so-called-god," irap niya.

"Wala akong pangalan," pag-uulit ng lalaki saka dumiretso sa kabinet na nasa sala.

Pagbukas ng kabinet ay agad na sumigaw si Chelsea. "Hoy! Hindi d'yan ang mga gamit panluto! Anong hinahalungkat mo?! Balak mo ba akong nakawan kasi alam mong 'di ako makakatakbo?! At sa harap ko pa talaga ikaw gagawa ng kabulastugan?! Ginagantihan mo 'ko kasi inasar ko ang diyos mo?! Hoy—!"

Heaven Sent LoveDär berättelser lever. Upptäck nu