Chapter 31

515 36 2
                                    


Tinitingnan pa lang ni Eugene si Divine, napapabuntonghininga na siya. Hindi niya alam kung maiinis ba o palalampasin na lang ang lahat dahil alanganin ang inom nito ng gamot kahapon.

Kilala naman niya si Divine kapag nakainom ng stabilizer nito o hindi. Pero tingin din niya, hindi niya ito dapat painumin nang painumin ng stabilizer kung wala naman itong ginagawang dapat i-stabilize gaya ng pagpatay nito ng mga alarm niya at pagpalit ng wallpaper niya na may mukha nito.

Ginising nga raw siya nito nang ilang beses, at naniniwala naman siya. Nasa phone niya mismo ang ebidensiya. May video ito na humihilik pa siya habang nagba-vlog ito sa sarili niyang phone. Pagkasabi pa lang nito sa opening ng, "Guys, ginugutom na 'ko, pero mukhang pagod talaga yung hubby ko—" pinatay na agad niya ang video, wala nang pakialam kung ano pa ang mapanood niya roon.

Aminado naman siyang napagod siya sa napakaraming dahilan. Nabawi na nga niya ang pagod niya, pero nabawian din siya ng stressful morning dahil tanghali na siyang nagising.

Ayaw na lang din niyang tanungin si Divine tungkol sa unang beses na paggawa nila ng himala dahil hindi rin niya inaasahan ang pagod niya at paniguradong may kakaiba at nakaiinsulto itong komento tungkol sa kung gaano lang siya nagtagal sa unang beses na iyon.

Nakasabay pa siya sa tanghalian habang stressed na stressed at pagod na agad, samantalang ang asawa niya, mula pa kagabi maligalig.

Busy sa pag-uusap ang mga magulang nila tungkol sa kasal ni Luan nang maisipan nilang lahat na tumambay sa malapit na basketball court ng rose garden na halos isa't kalahating kilometro din ang layo sa main house.

Tinu-tour nina Damaris si Carmiline na halos siyam na taon ding hindi nakauwi ng Pilipinas at si Aki na seventeen years nang hindi napapadpad sa bansa at nakakasama lang ng iba sa kanila tuwing may bakasyon sila sa Japan.

"You still speak in Filipino kahit nandoon na kayo, Kuya?" tanong ni Connor kina Aki. Sabay-sabay silang naglalakad papunta sa clubhouse para nga raw makapag-bonding.

"We speak pa rin kasi 60 percent ng employees namin, Filipinos," sagot ni Aki. "Sa production, Filipinos ang marami. Yung mga skilled worker namin, Filipinos din. A few of them are scholars, although lahat sila, may bachelor's degree na related sa computer and graphic designing. Parang nagte-take na lang din sila ng courses sa animation."

"Ate Chamee, di ba, sa Canada ka?" usisa ni Cheesedog na patalikod na naglalakad paharap sa kanila at hawak lang ang kamay ni Rex na umaalalay sa kanya. "Saan kayo nag-meet ni Kuya Aki?"

Nakikiramdam lang si Eugene, pero malakas ang kutob niyang planado ang mga tanong nina Cheesedog na hindi naitanong kahapon dahil wala pang alam ang iba sa kanila tungkol sa past nila ni Carmiline.

"Um . . ." Natagalan si Carmiline sa pagsagot. "Nag-meet kami sa . . . sa book festival ba 'yon, dear?" tanong niya kay Aki.

"Book festival yung na-introduce ang team namin as illustrators ng isang publishing company," sagot sa kanila ni Aki. "Mix siya. Book festival and movie festival 'yon sa France. Magkatabi kasi ang venue nila and we were sharing the same stage. Naka-schedule kung sino ang gagamit ng ganitong time, like that."

"Yung production team namin ang isa sa may nominations doon sa movie festival," dagdag ni Carmiline. "We flew from Canada to attend that nomination."

"Ooh . . ." Tumango-tango naman si Cheesedog. "Nanalo kayo, Ate?"

Matamis ang ngiti ni Carmiline nang tumango. "We bagged the Best Animated Film."

"Wow . . ." sabay-sabay nilang sabi na maging si Divine ay napa-react din sa pakikinig.

Ten Times WorseWhere stories live. Discover now