Chapter 24

534 35 11
                                    


Wala sa hinagap ni Eugene na makikita niya anumang oras, araw, buwan, o taon ang ex-girlfriend niya. Nakatira na nga kasi ito sa ibang bansa, at kung magkita man sila sa mga reunion o alumni homecoming, hindi na siya umaasa ng kahit ano rito.

Naging maayos naman ang hiwalayan nila. Tinanggap niya iyon kahit masakit para sa kanya, at sinusubukan niyang kapain ang sakit ngayon nang makita ulit ito pero wala na siyang maramdaman.

Kung may maramdaman man siya, malamang na pagkabigla na lang dahil hindi niya naman alam na sa ganitong pagkakataon pa sila magtatagpong dalawa.

Wala naman na siyang ibang nararamdaman dito kundi masaya siyang mukhang maayos naman ito. Pansin din niya na nadagdagan nga ang edad nito kaysa noong huli niya itong nakita. At halata ring inaalagaan talaga ito ngayon ng anak ng Tita Mat niya. Payat pa kasi ito noong huli niya itong nakasama, pero mas malusog na ito ngayon gaya ng itsura nito noong high school pa lang sila. Sakto lang naman ang katawan nito at hindi sobrang taba. Naisip lang niya na baka ganoon nga talaga siya kapabaya noon dahil ang payat ni Carmiline noong sila pa.

Masaya naman siya para dito at sincere siya roon. Hindi nga lang niya makita ang sariling gagawa ng paraan para maging mas malapit pa rito gaya noon.

Wala naman sanang problema sa panig niya, pero itong mga ninong at ninang niya pati mga kinakapatid ang hindi mapakali na magkasama na naman silang dalawa sa iisang lugar. Kompleto pa naman silang lahat. At kung may hindi man nakakakilala roon kay Carmiline, malamang na si Zhi at si LA lang at mga asawa ng mga batang Scott.

"Kanina, nagkukuwentuhan kami nina Aki!" sabi ni Melanie na pinandidilatan na nina Will para pagbantaan.

"Mel, masarap yung tilapia!" pagsingit ni Clark at tumayo pa para lang malapitan si Melanie.

"Huwag mo 'kong tini-tilapia diyan, Clark. Alam ko ang lasa—mmm!"

"Masarap nga kasi 'yan. Alam kong gutom ka na," nanggigigil na sabi ni Clark nang isalpak sa bibig ni Melanie ang laman ng malaking kutsarang hawak niya. "Nguyain mong mabuti!" Tinakpan pa niya ang bibig nito para hindi na makapagsalita pa.

"Saan pala kayo nag-meet ni Chamee, Aki?" biglang tanong ni Kyline na pinandilatan ni Clark matapos pigilan si Melanie.

"Sa work po," nakangiting sagot ni Aki. "Kanina ko pa naririnig na Chamee ang tawag n'yo kay Carmiline. Nickname ba niya?"

Pinandidilatan na lang nila ang isa't isa para mag-usap dahil wala naman sa hinagap nila na makakasama nila ang ex-girlfriend ni Eugene na fiancée na pala ni Aki nang hindi nila alam.

"Yes," nakangiting sagot ni Kyline kay Aki. "Since grade school kasi . . . uhm . . . kilala na siya ng family namin." Doon na nawala ang ngiti ni Kyline nang makaramdam ng pagkadismaya para sa anak.

"Wow, grade school?" gulat na tanong ni Aki at napaisip. "Sa bagay, nasa Japan pa 'ko no'n. Carmi kasi ang name ni Carmiline sa production namin dati."

"Saan yung work n'yo ngayon?" kalmadong tanong ni Leo, gusto ring mag-usisa.

"Meron kaming sariling animation studio ni Carmiline, Tito," masayang sagot ni Aki.

"Wow!" sabay-sabay pa nilang nasabi nang magulat sa balita nito.

"We're working po sa ads and short films," sagot ni Carmiline. "Mostly, international clients ang hina-handle namin."

"That's cool!" bilib na sabi ni Connor.

Samantala, sa mahabang mesa na iyon, tahimik lang na nakikinig si Eugene, kandong-kandong ang pamangkin niyang nakasuot na ng dino onesie gaya niya.

Ten Times WorseNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ