Nananaway ang tingin ni Eugene nang magbuntonghininga sa lola niya. "So, hindi pa kami puwedeng magkita ulit hanggang sa araw ng kasal."

"If you miss her that much, then good for her, pero maghintay ka pa rin ng kasal. Dahil kung gusto ka naman niyang makita, magpapakita siya sa 'yo," sermon na ng lola niya. "Kung nagagawa niyang tumakas sa kanila para lang makita ka, kaya niya namang gawin ulit 'yon—kung! Gusto ka nga niyang makita ulit."

"That's unfair. But okay, I'll think about the wedding na lang. All you guys are weird, and I'm not liking it."

♥♥♥

Sanay si Eugene na madaling napagbibigyan. Sa ayaw man niya o sa hindi, lumaki siyang spoiled ng lahat ng mga nakapaligid sa kanya. Ang kaibahan lang, kapag meron siyang hiniling, dapat malalim ang rason niya para asamin 'yon. Lagi niyang hinahanapan ng saysay ang bawat desisyon dahil ayaw niyang gumawa ng hakbang dahil lang sa mababaw na dahilan.

Ang problema niya, mukhang mapapasubo siya sa mapapangasawa ngayon dahil kumikilos ito nang hindi na nag-iisip.

Araw ng kasal nila at scripted ang halos lahat. Ang vow niya ay generic lang din dahil wala naman siyang maisusulat na personal para kay Divine dahil aapat na beses lang niya itong nakasama, bawal pa niya itong makita kapag gusto niya itong makausap.

Nakasuot siya ng tuxedo at tinitingnan ang loob ng simbahan. Doon din ikinasal ang Ninong Rico at Tita Jaesie niya. Wala nga lang siya noong araw ng kasal dahil tumama ang petsa sa bakasyon nila ng mama niya sa Brazil.

Ang daming tao at kahit paano ay kilala niya ang ilang bisitang dumalo. Umasa pa naman siyang uulitin ang photoshoot nila, pero nasa altar na siya at naghihintay sa bride niya, ang photoshoot na inaabangan niyang mauulit ay mukhang hindi na matutuloy pa.

Naranasan niyang mag-best man, unang beses pa noong kasal ng Ninong Patrick at Ninang Mel niya. Pakiramdam niya, sobrang bilis lang ng panahon dahil hayun at siya na ang ikakasal.

Best man niya ang kapatid niya at bumawi ang mga ninong niya sa haba ng listahan ng sponsors nila ni Divine.

Nakasara ang pinto ng simbahan habang nakaabang silang lahat. Pagtugtog ng orchestra, umalingawngaw sa buong simbahan ang Wedding March kasabay ng dahan-dahang pagbukas ng pinto na hinahatak ng dalawang lalaki mula sa loob.

Napahugot ng hininga si Eugene at inabangan si Divine mula sa dulo ng simbahan. Nanlamig bigla ang mga kamay niya dahil nag-rehearsal nga sila pero ang kasama niya ay mama niya at ito ang naglakad papasok ng simbahan para kunwaring bride niya. Iba ang pakiramdam noong mapapangasawa na nga talaga niya ang sasalubungin niya sa altar—ang mapapangasawa niyang hindi pa kinompleto ang bilang ng mga daliri niya sa isang kamay nang makita ito mula pa noong nakaraang limang taon.

Napapunas siya ng noo gamit ang puting panyo dahil sa namumuong pawis doon. Nakasuot ng white wedding gown si Divine na may sweetheart neckline at sobrang habang train. Ang haba rin ng belo nito at nakatago roon ang hawak nitong pulumpon ng bulaklak.

Pasimple pang kumaway si Eugene para mag-hi nang magkasalubong ang tingin nila ni Divine nang nasa gitna na ito. At alam niyang napansin nito ang pagbati niya dahil napangiti agad ito na mabilis nitong pinigilan.

Pinalobo pa nito ang pisngi at pasimpleng yumuyuko para i-compose ang sarili.

Paglapit nito sa may altar, humalik muna ito sa pisngi ng mga nakatatanda roon at parang batang naghihintay ng instruction si Eugene dahil alam niyang may gagawin din ang kapatid niya bilang best man at ang maid of honor na galing naman sa mga Lee.

Kahit paano ay umabot naman sa balikat niya si Divine at nang tingalain siya nito ay nginitian lang niya ito kahit kinakabahan siya sa gagawin nila. Mas kabado pa siya dahil hindi niya ito nakasama sa rehearsal kaya wala siyang alam kung alam din ba nito ang gagawin gaya ng alam niya.

Ten Times WorseWhere stories live. Discover now