Epilogue

34 3 0
                                    

Makalipas ang anim na buwan

"Bayad ho," saad ko at inabot ang baryang hawak ko.

"Iho, bayad," sambit naman ng babaeng katabi ko at inabot ang baryang hawak nito at ipinasa ko na ito sa unahan.

"Alam mo mabuti na lang talaga at nagsimula na ring mamasada ang mga jeep!"

"Oo nga eh, sa wakas at makakapagtrabaho na rin ulit ang mister ko."

Tahimik lang akong nakatingin sa unahan habang ang babaeng katabi ko ay nakikipag-usap sa katapat nito.

"Nakapagpaturok ka na ba ng vaccine?"

"Ay oo, noong inanunsyong nag roll-out na ang mga vaccine ay nagpalista ako agad!"

"Salamat talaga sa pamahalaan at mayroon na ring vaccine. Para saan pa't babalik na rin ulit sa normal ang lahat ng ito!"

"Oo, ipapasyal ko nga bukas sa mall ang mga anak ko. Ang tagal na rin nilang nagkulong sa bahay eh!"

"Sinabi mo pa!"

"Manong, dito lang po."

Tumigil ang sinasakyan kong jeep at bumaba na ako. Alas-dos pa lang sa hapon at mamayang alas-tres hanggang alas-onse pa ang duty ko. Nabalik na rin ang dati naming 8 hours na duty.

Inilibot ko ang tingin ko sa paligid at nakitang maraming mga tao ang namamasyal ngayon sa parke. Maraming mga bata ang naghahabulan. Maraming mga nagtitinda ng cotton candy, lobo at sorbetes.Dinig din mula rito ang busina ng mga sasakyan. Buhay na ulit ang trapik.

Unti-unti na ring bumabalik sa dati ang lahat.

Mapait akong ngumiti at naglakad hanggang sa makarating ako sa gilid kung saan tanaw mula sa kinakatayuan ko ang malawak at bughaw na karagatan.

Masigla ang bawat pag-indayog ng alon animo'y nagagalak itong muling makakita ng maraming taong pumupunta upang pagmasdan ang kagandahang meron ito. Sumisipol din ang hangin na tila ba nagsasabing masaya itong muling makita ang mga nakangiting mukha ng mga taong gumagala.

Tumingala ako nang maramdaman ko ang nagbabadyang luha mula sa aking mga mata.

Nagkaroon na ng vaccine at pababa na rin ang kaso ng Wongshin Virus sa bansa. Pinayagan na rin uli ang pagbukas ng ilang mga negosyo at nagsimula na ring mamasada ang mga drayber.

Unti-unti nang bumabalik sa dati ang lahat. Ang takot na mayroon ang mga tao noon ay napalitan ng galak ngayong mayroon ng vaccine para sa nasabing virus. Hindi ako makapaniwalang darating din sa puntong ito. Anim na buwan na ang lumipas at humupa na rin ang virus sa Pinas.Mapait akong ngumiti.

Anim na buwan na rin kaming tahimik na nanalangin na maging okay ang lahat.

"Hindi ko akalaing dito pa kita makikita."

Lumingon ako at nakitang nakatayo sa gilid ko si Kuya Rhum. Ngumiti ako sa kaniya na siyang sinuklian niya rin.

"Kamusta po, Kuya Rhum?"

Huminga ito ng malalim at tumingin sa malayo.

"Ito, solo flight na lang," sambit nito at mahinang natawa. Natahimik ako at umiwas ng tingin sa kaniya.

"Ang sabi ko lalabas ang kapatid ko sa ospital. Sana pala kinumpleto ko ang dasal ko. Lumabas nga ito, pero abo na," bulong nito sa huling linya at nakita kong pinunasan niya ang kaniyang mata.

Nakalabas si Kuya Gin sa ICU noon pero makalipas ang ilang linggo ay pumanaw ito. Hindi na nakaya ng katawan nito at tuluyan na ngang bumigay.

"Alam kong lumaban ang kapatid ko. Siya pa ba? Mas malaki lang ang katawan ko sa kaniya pero 'di hamak na mas malakas iyon sa akin," dagdag pa nito at mahinang tumawa dahil sa sinabi niya.

UnendedWo Geschichten leben. Entdecke jetzt