Chapter - 11

245 49 36
                                    

Lucas

Tila hangin sa bilis ang pagtakbo ng kabayong aking sinasakyan matapos ko itong hagupitin nang malakas. Kasunod ko si Daniel na sakay rin ng kanyang alaga. Mula maisan hanggang manggahan ang usapan namin. Sa sobrang bilis ng pagtakbo ay hindi maiwasan ng mga magsasaka ang mapalingon sa amin.

Kiss me again and be my boyfriend! Nang walang ano-ano ay biglang pumasok ang tinig na iyon sa aking utak. Kasabay ng mga alaala nang gabing iyon. Ang labi ng dalaga at ang malambot nitong katawan ay parang tuksong biglang naglaro sa aking gunita.

D*mn!

Sunod-sunod na hagupit ang ginawa ko sa kabayo kaya mas lalo itong bumilis sa pagtakbo. Nagulat doon ang naiwang si Daniel.

Pagkarating sa manggahan ay patalon akong bumaba at ibinagsak ang pawisang katawan sa damuhan na nasa ilalim ng isang puno. Mayamaya ay iniunan ko ang magkabilang braso at tumingala sa mga ulap.

Parang nakikita ko roon ang magandang mukha ni Pauline. Tsk!

“Ang bilis mo, a!” ani Daniel na kararating pa lamang. Bumaba ito sa kabayo at naupo sa aking tabi.

“Nasa kondisyon si Dies,” tukoy ko sa alaga. Dies dahil pangsampu ko na itong kabayo. 

“Ikaw ang wala sa kondisyon, e,” anitong naiiling.

Hindi ko pinansin ang sinabi ng kaibigan at ipinikit ang mga mata. Balak kong umidlip ngunit dagli rin akong nagmulat nang makita sa balintataw ang nakangiting mukha ng anak ni Tito Paolo.

Para akong kinukulam! Ilang linggo pa at may eye bag na ako dahil sa kakulangan sa tulog.

“Anong problema?” usisa ni Daniel nang mapansin ang pagpitlag ko.

“W-wala.”

“Tsk. Hindi ko alam kung anong nangyari sa iyo sa Manila pero pagbalik mo rito’y para kang naka-drugs.”

“Ano bang sinasabi mo?”

“Basta may kakaiba sa’yo. Kung ayaw mong magkwento ay bahala ka,” anito saka tumayo.

“Wala naman kasi akong ikukwento.”

“Okay. Kung wala ay wala. Mauna na ako sa uma,” paalam nito. Tumango ako sa kaibigan.

Nang makaalis ito ay muli akong nahulog sa malalim na pag-iisip.

Mula nang umuwi ako buhat sa Maynila ay madalang na akong patahimikin ng alaala ng anak ni Tito Paolo. Pilit ko itong kinakalimutan dahil alam kong hindi kami pwede. Bukod sa napakabata pa nito ay ayokong masabihan na child abuse. Nasa edad na ako ng pag-aasawa samantalang ito ay bago pa lang nagdadalaga. Baka barilin lang ako ng ama nito pagnagkataon!

PAGSAPIT ng gabi ay naging abala kami ni Daniel dahil sa panganganak ng limang alagang baboy. Halos hating gabi na iyon natapos sa tulong ni Dra. Mina.

Nag-shower muna ako bago matulog. Nagtutuyo na ako ng buhok nang kumunot ang noo ko nang mapatingin sa aking cellphone. May missed calls si Trisha. Ilang sandali ay ako na ang tumawag dito.

“Hi, ‘musta? May problema ba?” bati ko sa kaibigan.

“Wala naman. Tinatawagan kita kanina. May good news kasi ako sa iyo,” anito.

“Ano?”

“Pauwi ako sa susunod na linggo. Balak kong bumisita riyan!” excited na saad ng dalaga. Maging ako ay natuwa sa narinig. Matagal ko na kasi itong iniimbitahan sa hacienda ngunit lagi itong busy.

“Good. Matutuloy na rin ang pagtuturo ko sa iyo ng pagsakay sa kabayo.”

“Oo nga e.”

“Mabuti naman at nagkaroon ka ng time pag-uwi ng Pilipinas,” sabi ko pa.

Until I Get Over YouOù les histoires vivent. Découvrez maintenant