Batid kong hindi ito kakalma kung hindi ko ito ilalayo kay Gaspar—na inaakala niyang si Lucio, kaya pilit ko na itong inilayo palabas ng bulwagan, upang mas makapag-usap kami ng matiwasay sa mas pribadong lugar sa palasyo. Mas malapit ang aking silid-aklatan kumpara sa kanyang silid kaya doon na lamang kami pumasok.

Umiiyak pa rin ito habang maingat ko itong pinauupo sa mahabang sopa. Iniabot ko rin naman agad dito ang isang baso ng tubig na isinalin ko mula sa isang pitsel sa ibabaw ng aking lamesa.

"Hindi ako nauuhaw!" Pagsinghal nito sa akin. "Mukha bang tubig ang kailangan ko ngayon?" Nagpatuloy ang pagtataray nito sa akin kaya ibinalik ko na lamang ang isang baso ng tubig sa ibabaw ng aking lamesa.

Hindi ko rin naman alam kung paano ito mapakakalma kaya umupo na lamang ako sa tabi nito at nanahimik. Pinakinggan ko na lamang ang lahat-lahat ng kanyang paghihimutok at paulit-ulit na pagsumpa sa pangalan at katauhan ni Lucio.

***

"Anong alam mo sa planong ito ni Lucio, Luis?" kalmadong tanong nito sa akin, matapos ang higit pa sa kalahating oras na paghihimutok. "May alam ka ba sa plano niyang pagpapagiba ng tirahan ng mga kababaihang kumupkop at nag-alaga sa akin sa lugar na ito?"

Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako huminga ng malalim, habang nag-iisip ng kalkuladong mga salita nang hindi ko kakailanganing magsinungaling ng hihigit pa sa kasalukuyang pagsisinungaling ko sa tunay kong katauhan.

May alam nga ba ako sa plano? Siyempre naman may alam ako. Ngunit hindi ito ang planong iyon. Hinding-hindi itong mga nangyari ang sumagi man lang sa isipan ko.

"Totoong may plano siyang ipagiba ang kasalukuyang kuta ng pangkat ni Patruska." Mahinahong sagot ko, "ngunit hindi kasama rito ang may masasaktan at mamamatay. Hindi sa ganitong paraan."

"Seryoso ba siya, ha, Luis?" Tinaasan ako nito ng kilay, "balak ng amo mo na tanggalan ng tirahan ang mga babaeng iyon at pagkatapos ay umaasa siya na walang masasaktan? Eh hindi lamang naman pala walang kaluluwa 'yang amo mo eh, ubod din pala ng tanga!"

Wari ko ba'y kakabagin na ako sa paulit-ulit na pagsinghap ng hangin. "Maniwala ka man at sa hindi, may ilang hektarya ng lupain ang nakalaang lipatan ng mga kababaihang iyon. Wala sa plano ni Lucio ang sirain ang kuta ng mga lambana habang hindi pa sila matiwasay na naililipat sa bago nilang tirahan."

"Matiwasay?!" Pinandilatan ako nito ng mga mata, "karumaldumal na pinatay ang kalahati sa kanila para lang matupad ang plano niya, 'yun ba ang tinatawag mong matiwasay?!"

"Hindi siya ang nag-utos sa mga naganap kani—."

"Tumigil ka na sa pagtatanggol sa amo mo Luis, dahil kaunti na lang ay mapipikon na rin ako sa 'yo! Paanong hindi siya ang nag-utos, eh malinaw pa sa sikat ng araw na wala namang nangyayari rito sa lugar na ito nang hindi niya ipanapahintulot? Narinig ko ang mga usap-usapan ng mga kawal kanina. Si Lucio raw mismo ang nagpatawag ng pagpupulong at nag-utos! Kahit ang mga tagasilbi, si Lucio raw mismo ang narinig nilang nagsabi na ipagiba ang kuta ng mga lambana at patayin ang kung sinumang hahangarang. Ano 'yun? Lahat sila nagsisinungaling, tapos ikaw, na wala naman dito dahil magkasama tayo, ikaw pa ba ang makakalam ng mga pangyayari?"

"Ayan ka na naman Senda eh." Tumayo ako at umiiling-iling na tumalikod. "Naniniwala ka na naman sa sabi-sabi, at sa mga naririnig mo lang sa iba."

"Bakit ikaw ba, hindi?" sagot nito, "sa ikli ng pagkakakilala ko sa 'yo, alam ko, dito sa puso ko, na isa kang mabuting tao. Bakit kailangan mong pagtakpan ang kasamaan ng amo mo? Paano kang nakasisiguro na walang kinalaman si Lucio rito? Paano ka nakatitiyak na hindi nga siya ang nag-utos? Eh 'di ba, wala ka rin naman dito, magkasama tayo, naalala mo? Eh ang dinig ko pa nga, kasama pa mismo ang magaling mong hari, sa pagpugot sa ulo ng mga lambana. Siya rin daw mismo ang nag-utos na gutay-gutayin ang kanilang mga katawan!"

Medyo napapagod na ako sa diskusyon kaya isang maikling kataga na lamang ang sinabi ko. "Sigurado ako." Nanatili akong nakatalikod dito.

"Hindi ako naniniwala."

"Akala ko ba, alam mo sa puso mo na mabuti akong tao?"

"Oo nga. Pero hindi naman ikaw ang pinag-uusapan natin dito, 'di ba? Si Lucio! Ang demonyong si Lucio ang pinag-uusapan natin dito. Utang na loob Luis, 'wag mo nang pagtakpan ang amo mo!"

"Hindi ko siya pinagtatakpan." Sa mababang tono habang muli akong humaharap sa kanya. "Nagsasabi lamang ako ng katotohanan. Sigurado ako. Hindi si Lucio ang may pakana nito at hindi rin totoo na kasama siya sa mga pumasalang sa mga babaeng iyon."

Bigla itong tumayo at nanggigigil hinampas ang aking kaliwang braso. "'Wag kang magsinungaling Luis! Magkasama tayo nang nagaganap ang mga bagay na iyon. Imposibleng alam mo! Imposibleng sigurado ka na walang kinalaman si Lucio!" Muli ako nitong hinampas at umiyak sa labis na panggigigil, "utang na loob Luis! Ang daming namatay. Ang ilan doon ay naging mga kaibigan ko. Lahat sila naging mabait sa akin. Tigilan mo na ang kahangalan mo! Wag mo na siyang pagtakpan. Panahon na para kalabanin ang mga nilalang na katulad niya! Ano? Nag-aalala ka ba na mawala ang lahat ng mga benepisyo mo, ha? Ano? Ipagpapalit mo na lang ba ang karangalan mo ng dahil sa kayamanan?! Utang na loob Luis!" Muli ako nito hinampas. "Gumising ka na! Aanhin mo naman ang kayamanan kung ang kapalit nito ay ang paghihirap ng maraming tao. Magkasama tayo buong maghapon. Hindi mo rin naman nasaksihan ang mga nangyari kaya wag mo nang ipagpilitan na sigurado ka na wala siyang kinalaman!"

Hindi ko na halos matiis ang pinaghalo-halong emosyon at mga samo't saring mga bagay na tumatakbo sa aking utak, ngunit nanatili pa rin naman akong mahinahon para kay Senda, "kung sigurado kang magkasama tayo buong maghapon, dapat ay sigurado ka ring walang kinalaman si Lucio sa karahasang naganap. Kung sigurado kang mabuti akong tao, dapat ay sigurado ka rin na mali ang lahat ng ibinibintang ninyong lahat kay Lucio."

Agad na bumakas ang pagtataka sa mukha ni Senda, "hindi kita maintindihan, Luis. Ano bang ibig mong sabihin?"

Muli akong tumalikod upang hindi nito makita ang pagpikit ko ng aking mga mata sa susunod kong mga kataga. "Sumama ka na lang sa kanila, Senda. Tutal ay sila naman ang pinaniniwalaan mo. Kapag nagkaharap-harap na ang lahat, saka na lamang tayo muling mag-usap dahil nais kong ikaw mismo ang magmungkahi sa lahat kung ano ang karapat-dapat na sapitin ni Lucio sa mga pangyayaring ito. Hindi nga siguro siya ang karapat-dapat na mamuno sa kahariang ito, kaya ikaw na rin ang magmungkahi kung sino ang dapat na maluklok na kapalit niya. Huwag kang mag-alala. Sigurado akong susundin niya kung ano man ang maging mungkahi mo. Umasa kang pakikinggan niya kung ano man ang nais mong mangyari sa kanya."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon