Kabanata 19

84 5 0
                                    

Hinatid kami ni Ethelia sa unang tatlong silid na nasa kanang bahagi ng koridor. Si Aurel ang pumasok sa una, si Laura naman sa ikalawa, at ako sa pangatlo.

May kalakihan ang bawat silid dahil na rin sa lapad ng kama na kakasiya hanggang apat na katao kapag pinilit. Mayroon ding lampara na nakapatong sa lamesa na may lagayang de-hila sa baba. Katabi nito ay ang isang malaking aparador. Sa ulunan ng kama ay may bintana kung saan maaaring matanaw ang iba pang mga nayon. Itinulak ko ang aking bagahe sa ilalim ng kama

Maya-maya lamang ay may kumatok. Si Laura ito na sinabihan akong bilisan ang pagkilos upang hindi mahuli sa pagkain. Mauuna na raw siya dahil may pag-uusapan pa sila ni Tagapamahalang Aradol.

Saktong pagkalabas ko ng silid ay siyang paglabas din ni Aurel. Sabay tuloy kaming bumaba papunta sa unang palapag.

"Ano ang tingin mo sa lugar na ito?" Bumulong siya sa akin.

"Ano ba ang dapat kong isagot diyan?" Hindi ako sigurado kung ano ba ang gusto niyang marinig.

"Hindi ba kakaiba ang pakiramdam mo rito? Sa tingin ko ay kahina-hinala ang mga tao rito sa nayon."

"Mas kahina-hinala ka dahil hindi naman tayo magkasundo ngunit umaasta kang malapit tayo sa isa't isa." Binilisan ko ang aking paglalakad at iniwan na siya roon.

Marami-rami silang inihanda kaya naman ay nabusog ang aking sikmura. Iba-iba rin ang naging paksa nila Laura at ng Tagapamahala na pinakanag-uusap. Mayroong tungkol sa naging pag-aaral ni Laura sa Evernight, at mayroon din namang tungkol sa iba't ibang problema ng lipunan na kailangang pagtuonan ng pansin. Pinag-usapan din nila ang iba pang mga kandidato.

Tatakbo rin daw sana iyong Tagapamahala ng buong Hilaga ngunit nagkaroon ng problema sa mga hayop sa kagubatan kaya hindi na ito tumuloy. Aayusin niya raw muna ang gulo sa kaniyang lugar na pinakanangangailangan ng lahat ng atensiyon nito. Isa pa, sigurado rin daw na haharangin iyon ng mga tauhan ng mga Dunhall.

Dahil walang kinatawan ang Hilaga sa darating na halalan, magpupulong daw ang mga Tagapamahala ng iba't ibang nayon at pipili ng kandidato na susuportahan nila. Mangyayari raw ito ilang araw mula ngayon.

Walang nakakaalam sa impormasyon na ito dahil ayaw nilang makarating ito sa Sentro. Kapag nangyari kasi iyon ay dadagsain ang Hilaga ng mga kandidato na nais kuhain ang boto nila.

*Kalista, magpahinga ka muna sa iyong silid habang iniikot namin ang nayon. Gigisingin ka na lang namin kapag titipunin na namin ang mga mamamayan." Tumango ako sa sinabi ni Laura bago pumasok sa silid ko.

Humiga ako sa kama at ipinikit ang aking mga mata. Madali akong nakatulog dahil kanina pa ako inaantok.

Pagkamulat ko ay agad akong napabalikwas ng bangon. Napatingin ako sa bintana at gabi na pala. Sakto rin na pauwi na mula sa lakad nila si Laura. Nahagilap pa ako ng nakababatang duwende at magiliw na kumaway. Kumaway na lamang ako pabalik bilang respeto.

Lumabas ako ng aking silid at sinalubong sila. Mabilis na lumapit sa akin si Laura at nagsimula siyang magkuwento ng mga nangyari. Mukha namang naging matagumpay ang mga ginawa niya dahil sa tono ng kaniyang pananalita.

"Isasama ka sana namin sa pagpupulong kasama ang mga mamamayan ngunit mahimbing pa ang iyong pagtulog. Wala kasi kaming natanggap na tugon kahit na ilang beses ka na naming kinatok," paliwanag ni Laura.

"Ayos lang," sagot ko. "Ngayon ko na lamang ulit naranasang komportableng matulog."

"Magandang balita iyan. Nga pala, nag-aya ang pamilya Aradol na magkaroon ng simpleng hapunan kasama ang mga mamamayan sa tapat ng kanilang mansiyon mamaya. Sumama ka at may ipapakilala ako sa iyo."

The Legion [ ongoing ]Where stories live. Discover now