Kabanata 11

66 7 0
                                    

Pilit kong isinara ang aking tainga sa mga naririnig kong hinaing. Kahit na halos sumikip ang dibdib ko upang tiisin lamang ang mga naririnig ko, hindi ako maaaring magpadalos-dalos.

Naisin ko mang kumilos, kailangan kong tanggapin na hindi ko kaya. Kung pipiliin kong iligtas sila, baka mapahamak lamang lalo sila.

Napayukom ako ng aking kamao.

Hindi maaaring wala akong gawin. Hindi ako papayag na manatili sila sa ganitong kalagayan. Kung nabigo ako sa unang dalawang pagkakataon, hindi ko hahayaang mabigo ulit ako sa pangatlong pagkakataon.

Napatingin ako sa lalaking nasa unahan ko. Isang baril ang nakasukbit sa kaniyang balakang. Ang ganitong klaseng baril ay mayroong sampung bala lamang.

Hindi ako nagdala ng kahit na anong armas ngayon dahil alam ko namang kukuhainin nila ito. Kakailanganin kong gamitin ang kung anumang nasa paligid, at nakawin ang mayroon sila.

Kung kukuhain ko ang baril ng lalaking nasa harap ko at gagamitin ang sampung bala nito, kailangan ko pa ring isipin kung ano ang gagawin ko sa matitirang sampung tauhan. Pagkatapos niyon ay kakailanganin ko ring alamin kung saan ko padadaanin ang mga bata at ibang biktima palabas ng gusali na ito.

Napahinto ako sa paglalakad at napatingin sa paligid.

"Huwag ka nang magbalak pa. Hindi mo kami kaya rito," sabi ng tauhang nasa likod ko. Tinulak pa ako nito upang magpatuloy ako.

"Aray ko, Bram, masakit, ha?!" Sinigawan ng lalaking kanina ko pa kasama iyong tumulak sa akin.

"Hoy, hindi ka tinamaan kaya huwag ka ngang mag-inarte. Ang lambot-lambot mo naman masiyado. Babae ka ba?!"

"Tangina mo, gago."

Napairap na lamang ako sa ginawa nito. Mukhang alam ko na kung sino ang uunahin ko mamaya.

"Kung iniisip mong iligtas ang mga nandito, mahihirapan ka," sinabayan ako ng lalaki sa aking mga hakbang. "May dalawang uri ang mga tauhang nagbabantay rito. Una ay ang iyong mga hindi aalis sa mga puwesto nila sa iba pang palapag kahit na nagkakagulo na rito sa taas. Pangalawa naman ay iyong mga nakapuwesto para sa mga hindi inaasahang pagkakataon."

"Nasa limampu ang bilang ng ikalawang uri, nasa baba silang lahat. Kung wala kang ititira sa mga nandito, walang makakababa upang hingiin ang tulong nila. Mababawasan ang kakailanganin mong kalabanin."

"Hoy, anong binubulong-bulong mo riyan? Tatraydurin mo ba kami? Tandaan mo, babae lang iyan," sita ng kasama nito.

"May isa pang daanan sa silid ni Teller. Papunta iyon sa likod ng gusali. Maaari mo silang padaanin doon dahil walang nagbabantay roon. Wala na akong paki kung isasama mo ako sa mga papatayin mo, ngunit iligtas mo sana ang mga bata," huling bulong ng isa bago hinarap ang kasama niya.

"Babae nga ito pero hindi ibig sabihin ay hindi ka na kayang patumbahin nito. Baka nga ikaw ang unang bumulagta rito mamaya," pabiro nitong saad na sineryoso naman ng iba.

"Ano?!"

"Wala, wala."

Mukhang inaabangan ng nasa likod ko ang gagawin ko. Hindi kasi ito mapakali at panay galaw sa paa habang hinihintay na magbukas ang pinto ng silid.

Nang nakarinig ako ng pagtunog mula sa loob ay naging hudyat ito upang ihanda ko na ang aking sarili.

Sa pagbukas ng pinto ay agad kong tinulak papunta sa loob ang lalaking nasa harap ko kanina at hinigit ang baril niya. Tumalikod ako sa kaniya at mabilis na ikinasa ang baril.

Sunod-sunod akong nagpaputok, inuna ko iyong kanina ko pa kinaiinisan. Naalerto ang iba pa sa mga kanila at sabay-sabay rin akong pinaputukan.

Biglang nagkagulo ang mga tao rito. Ang mga panauhin ay nagmamadaling pumunta sa maliliit na silid upang lumabas. Nagkumpulan sila malapit sa akin kaya naman ay tinamaan ang iba sa kanila ng ligaw na bala. Nang kanilang napansin ang mga katawang nakabulagta sa sahig ay nagsialisan ang mga ito.

The Legion [ ongoing ]Where stories live. Discover now