Simula

397 23 9
                                    

"Kalista, anak! Halika nga rito!"

Hindi ako nag-atubiling puntahan ang aking ina nang narinig ko ang tinig niya. Mabilis akong lumapit sa kaniya at kinuha ang ilan sa mga bayong na kaniyang hawak-hawak.

Sumunod ang isa sa nakababata kong kapatid sa amin upang punasan ang tumatagaktak na butil-butil ng pawis sa mukha ng aming magulang. Maya-maya lamang ay nagsilabasan na rin ang dalawa ko pang mga kapatid upang salubungin ang aming ina.

"Napakasuwerte ko talaga sa inyo, mga anak," sambit ni Ina habang pinapanood ang mga bata na ipasok ang inani nila ng ama ngayon. "Kahit kailan ay hindi ko kayo narinig na nanghingi ng kahit na ano sa amin ng inyong ama. Patawad kung hindi namin kayo mabigyan ng maginhawang buhay."

"Ina, wala naman na po akong ibang mahihiling pa. Bahala na po kung may mga kagustuhan man kami na hindi niyo maibigay, ang mahalaga po ay magkasama, kumpleto, at masaya tayong lahat," sagot ko sa kaniya.

Napangiti si Ina na dahilan ng pagpapakita ng pagtataka sa aking mga mata. Nahalata niya naman ito kaya naman ay nagsalita siya, "Ipinagmamalaki kita, Kalista. Kung sakali mang mawala kami ng iyong ama ay panatag ang loob ko na maaalagaan mong mabuti ang iyong mga kapatid."

"Kung magsalita naman po kayo, parang iiwan niyo na po kaming apat."

Ngunit sa halip na sumagot, sinalubong niya lamang ang aking tingin at malungkot akong nginitian.

Lingid sa aking kaalaman, ganoon nga talaga ang nais iparating ng aking ina.

Ang araw na iyon ang huling pagkakataon ko na maranasan ang isang kumpletong pamilya. Iyon na rin ang huling beses kong masisilayan ang kinang ng kagalakan sa mata ng aking mga nakababatang kapatid. Iyon ang huling araw na makakaramdam ako ng tunay na saya sa loob ng mahabang panahon.

Ang mumunti naming salusalo kung saan tunog sana ng aming halakhakan ang aalingawngaw sa aming tahanan ay nasapawan lamang ng aming mga tinig na puno ng hinagpis at paghihirap. Wala akong ibang marinig kung hindi ang iyak ng aking mga nakababatang kapatid habang pinagmamasdan ang pagkamatay ng aming mga magulang sa aming mismong harapan.

Mga produktong inani nina Ina at Ama ang inihain namin upang punan ang hapag. Panahon na naman kasi ng pagyabong ng kanilang mga tanim. Namigay rin kami ng ilan sa kapitbahay namin sa nayon at ganoon din sila.

Alam kong espesyal ang araw na iyon dahil sa dami ng aming handa kumpara sa mga nagdaang araw, ngunit hindi pumasok sa aking isipan na may iba pa palang mangyayari.

Payapa kaming kumakain ng hapunan noon nang bigla naming narinig ang sigawan ng mga kapitbahay namin. Kaya naman ay dali-dali kaming lumabas sa aming bahay-kubo upang malaman kung ano ang nangyari.

Hindi mabilang na mga armadong lalaki ang pumalibot sa aming nayon. Isa sa kanila ang lumapit sa aming mga magulang. Base sa hitsura nito na minsan ko nang nakita, ito ang may-hawak ng mga lalaking patuloy na ginugulo sina Ina upang ibenta ang kalupaan na mayroon kami. Siya ang pinuno ng lungsod na kinabibilangan ng aming lugar.

Napahawak ako sa braso ng aking ina. Ipinatong niya ang kaniyang mga palad sa aking kamay at nilingon ako.

"Kami na ang bahala rito ng ama mo. Samahan mo ang iyong mga kapatid sa loob," aniya.

Mas lalo lamang humigpit ang aking pagkakahawak sa kaniya.

"Hindi ko po kayo iiwan," sambit ko.

"Kalista, anak, pakiusap?"

Ilang segundo kong tiningnan ang kaniyang mga mata. May pag-aalalang nakadungaw rito na siyang kumurot sa aking puso. Napabitiw na lamang ako ng isang malalim na hininga at tumango.

The Legion [ ongoing ]जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें