Kabanata 2

121 8 4
                                    

Napaupo ako sa sahig matapos ang naging ensayo ko ngayong araw. Hindi ko napansin na lumubog na pala ang araw dahil okupado ako sa pag-eensayo. Napatigil lamang ako nang katukin ako ni Gerda upang pababain ako para sa hapunan.

Pagkababa ko ay sina Gerda, Brianna, at Verner pa lamang ang nadatnan ko sa hapag-kainan. Mukhang hindi pa dumadating ang iba mula sa kanilang mga trabaho.

Dahil libre lamang ang ginagawa naming pagpatay, kailangan naming maghanap ng mapagkukuhaan ng kita. Ayaw naman naming tumanggap ng kahit na ano mula sa mga tinutulungan namin. Walang-wala na nga sila, babawasan pa namin ang mayroon sila.

Ayos na kaming malaman na nabawasan ang mga pagpahihirap sa kanilang buhay. Isa pa, ayaw naming malaman nila kung anong klaseng pagtulong ang ginawa namin.

"Wala pa ba si Adela?" tanong ko kay Brianna.

"Wala pa. May mga dumating kasi galing Evernight na mga bagay na may bakas ng nox magice. Alam mo na, iyong matapos ang muling pagkabuhay ng mangkukulam," sagot nito sa akin. "Sinusuri nila ang mga ito upang maitago ang mga mapanganib."

Mabuti na lamang at malayo kami sa Evernight kaya naman ay hindi kami naapektuhan noong nagkagulo rito. Saka ang bali-balita nga ay mas magulo raw sa Evernight ngayon kaysa sa Haered. Marami raw kasing mamamayan ang nag-aaklas dahil ayaw nila sa bagong prinsesa nito.

Halos lahat ng pahayagan dito ay iyon lamang ang laman. Hindi ko naman alam ang buong pangyayari kaya ayaw kong makisawsaw.

Nginitian ko si Manang Letita nang isa-isa na niyang hinain ang aming hapunan. Kanin, inihaw na pabo, at ginintuang itlog ng gansa ang aming kakainin.

"Kumain kayo nang marami, mahaba-haba pa naman ang magiging gabi ninyo." Nilingon ni Manang si Gerda. "Ikaw rin, Gerda, damihan mo ang kain upang magkaroon ka ng sapat na lakas."

Tumango-tango si Gerda. Ipinanganak siyang pipi kaya sa pamamagitan ng pagseniyas siya nakikipag-usap sa amin.

Tahimik naming ninanamnam ang pagkain nang may biglang pumasok sa loob ng bahay at nanira pa ng pinto. Agad kong hinugot ang aking pistol at pinaputukan ang bisita namin.

"Kumalma ka nga, Kalista, ako lang ito."

Mabuti na lamang at hindi ko direktang pinatamaan si Belor sa kaniyang ulo. Pinanood ko siyang pumunta sa gilid ng pinto upang kumuha ng pamunas para sa kaniyang kaliwang pisngi na dinaplisan ng bala ko.

"Bakit kasi hindi ka nagpapaunang sabi kung kailan ka dadating? Sa sobrang tagal mong nawala, akala namin ay hindi ka na babalik," palusot ko naman. "At kailangan manira ng pinto?"

"May nais lang sana akong ibalita sa inyo. Sa sobrang galak na naramdaman ko ay nakalimutan kong maliit ang pinto at dambuhala ako," sagot naman niya na inirapan ko.

"Mayroon tayong panibagong misyon na gagawin mamaya kaya pakibilisan."

"Pasensiya na at natagalan ako. Alam niyo naman na siguro 'yung nangyari sa Evernight, ano? Hindi ako nakaalis agad dahil sa dami ng taong nagkakalat sa kanilang mga kalye para magprotesta," kuwento niya. "Nag-anunsiyo na ang mga nakatataas dito sa Haered. Magbibitiw raw sa puwesto ang Punong Tagapamahala kaya naman ay isang halalan ang gaganapin."

Biglang nasamid si Brianna sa kaniyang iniinom nang marinig iyon.

"Isang halalan? Ano ang nangyari sa kanila at naisipan nilang magpaganoon?" bulalas niya. "Hindi na lamang sila mag-anunsiyo ng panibagong mamumuno lalo na at mataas ang tiyansang dadayain lang din nila ang boto ng taumbayan."

"Ang huling halalan dito sa Haered ay ilang taon na ang lumipas. Mabuti naman at naisipan ng mga nasa puwesto na bumitiw na," ani Belor.

"Baka naman kasi wala na silang manakaw na pera? Kaya babalik na lamang sila sa mga illegal na gawaing ginagawa ng iba sa kanila," sabi ko naman.

The Legion [ ongoing ]Where stories live. Discover now