Kabanata 15

47 6 0
                                    

Dali-dali akong naglakad papunta sa kinaroroonan ni Morgan. Ngunit hindi pa nga ako nakakalayo ay isang higanteng lobong nakamaskara ang biglang humarang sa akin.

"Binibini!" Narinig ko ang pagsigaw ni Laura sa aking pangalan.

Napaatras ako sa gulat dahil sa laki ng nilalang na nasa harapan ko. Napalunok pa ako ng aking sariling laway dahil hindi ko alam kung kakayanin ko ba ito.

Sinubukan kong kapain ang aking bulsa, baka sakaling mayroon akong kahit na anong sandata na nadala. Nabigo lamang ako sa ginawa kong ito--mukhang wala akong ibang magagawa kung hindi kalabanin ang isang ito gamit ang aking mga kamao lamang.

Akma na sana akong mauuna sa opensa nang naramdaman ko ang paggalaw ng hangin sa gilid ko. Isang palaso ang tumama sa ulo ng higante na nagpatumba sa kaniya.

Alam ko kung sino ang may-ari ng palaso na ito. Hindi ko na siya kailangang lingunin pa dahil ililista niya na agad ang nangyari bilang utang na loob ko sa kaniya.

Noong nagsidatingan ang iba pang kasamahan ng nga lobo sa paligid ko ay bigla ring lumitaw sa likod nila ang dalawang higante ng Lehiyon at pinihit ang kanilang ulo. Pagkatapos nito ay nagpakita na rin ang iba pang miyembro ng Lehiyon at nakipaglaban sa mga nakamaskarang nilalang.

Bumalik ako kina Laura at hinila sila paalis sa lugar na iyon. Nang nakalayo na kami ay huminto na rin kami.

"Ano ang nangyayari? Bakit may dalawang grupo ng mga nakamaskara ang dumating, at bakit sila naglalaban?" Pansin na pansin ang pagiging gulong-gulo sa tanong na iyon ni Laura. "Lahat ba sila ay bahagi ng Lehiyon?"

"Hindi kaya ay may hindi sila pagkakaunawaan na dahilan upang mahati sila sa dalawang pangkat?" Nagdagdag ng teorya niya si Lowell na bahagyang totoo, ngunit hindi rin naman.

"Ang hinuha ko ay nagpapanggap lamang na taga-Lehiyon ang isa sa kanila," sabi ko naman. "Walang nakaaalam kung ilan nga ba at ano ang hitsura ng lahat ng miyembro nito kaya naman madali lang silang magagaya. May nagbayad sa kanila upang gawin iyon."

Kailangan kong malaman kung sino ang may pakana nito.

Tiningnan ko si Lowell na isa sa mga pinaghihinalaan ko ngunit mukhang wala siyang alam sa nangyayari. Siya lang naman kasi ang maaaring magpapatay sa pinsan niya.

Sandali nga... Hindi ko na nakita pa iyong pumana kanina. Bukod sa Lehiyon, madalas din na tinatago ng mga bayaring mamamatay-tao ang kanilang mukha upang hindi mahuli. Ngunit wala pa akong naririnig na grupo ng mga mamamatay-tao, halos lahat ay mag-isa lamang kapag nagtatrabaho.

"Binibining Laura, huwag kang aalis dito. May nais lamang akong pag-usapan kasama ang batang Dunhall," paalam ko. Hinawakan ko sa kuwelyo ang kasama naming Dunhall at kinaladkad siya papunta sa isang eskinita. Tinulak ko siya sa pader na nagpadaing sa kaniya sa sakit.

"Ginoong Dunhall, nagbayad ka ba ng isang mamamaril upang asintahin ang pinsan mo?"

Ikinagulat niya ang aking tanong.

"Bakit ko naman gagawin iyon sa pinsan ko?" Subukan man niyang depensahan ang kaniyang sarili, kitang-kita naman na sa pagliligalig ng kaniyang katawan ang kasagutan.

"Sasabihin mo sa akin ang totoo o..." Ipinasok ko ang aking kamay sa bulsa ng aking mahabang palda. Iginalaw-galaw ko pa ito na tila may huhugotin mula roon. Ibinaba niya ang kaniyang tingin dito at napalunok ng sariling laway.

"Subukan mong saktan ako, akala mo ba ay hindi ka malalagot sa ama ko? Kapag nalaman niyang pinatay ako, sigurado akong gagamitin niya ang lahat ng kapangyarihang mayroon siya upang mahuli ka."

Nagpakawala ako ng mahihinang tawa at ngumisi. Diretso ko siyang tinitigan sa kaniyang mga mata bago nagsalita.

"Tingnan mo ang paligid natin--walang katao-tao. Sa tingin mo ba, may makaaalam na ako ang pumatay sa iyo kapag natagpuan ka nila ritong wala kang malay? Baka nga abutin pa ng ilang linggo bago nila madiskubre ang bangkay mo."

The Legion [ ongoing ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon